Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Edo period. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Edo period. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Nobyembre 6, 2016

Tokamachi City: A Kimono Town

Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio


Kilala ang Tokamachi City na matatagpuan sa katimugang bahagi ng Niigata Prefecture bilang isa sa mga lugar sa Japan na may pinakamalakas na pag-ulan ng niyebe tuwing panahon ng taglamig. Nagdudulot man ito ng malaking pinsala ay mayaman din itong pinagkukunan ng tubig ng mga mamamayan.

Bukod sa pagiging snow country ng Tokamachi ay popular din ito dahil sa mayamang industriya ng produksyon ng kimono.

Ayon sa mga tala, nagsimula ang mahabang kasaysayan ng tela at damit sa Tokamachi noon pang Jomon period (10,000 BC - 300 BC). Umunlad ang rehiyon mula sa produksyon ng “Echigo chijimi,” isang uri ng tela noong Edo period (1603 - 1867) at silk goods noong Meiji era (1868 - 1912).

Dahil sa tradisyonal na pamamaraan ng paggawa rito ng kimono tulad ng “Akashi chijimi” ay tinawag ang Tokamachi bilang “Town of Kimono and Textiles.”

Pumapangalawa ang produksyon ng kimono sa pinakamalaking industriya sa Tokamachi ngunit sa paglipas ng panahon ay patuloy na bumaba ang export prices nito pati na rin ang bilang ng mga taong gumagawa nito.

Isa sa pinagmamalaking pagawaan ng kimono sa lugar ay ang makasaysayang Suizan Kobo na itinatag pa noong Edo period. Gumagawa ito ng kimono gamit ang “Tsujigahana,” isang pamamaraan ng tie-dyeing na gumagamit ng drawings at foil impressions. Pinakapopular ito noong kalagitnaan ng Muromachi period at Edo period.

Ilan sa mga iniingatang damit sa Japan na gawa rito ay ang kimono at dofuku ng mga prominenteng warlords tulad nina Uesugi Kenshin, Toyotomi Hideyoshi at Tokugawa Ieyasu pati na rin kanilang mga asawa. Ngunit ang paggamit nito ay unti-unting nawala noong Edo period dahil sa pagpasok ng “Yuzen.”


Sa modernong panahon ay napanatili ng Tokamachi ang tradisyonal na kultura nito sa paggawa ng kimono. Sa kabila ng paghina ng industriya ay hindi tumigil ang mga tao para ito ay pagyamanin. Sa katunayan, taun-taon tuwing Mayo 3 ay nagsasagawa ng kimono festival dito kung saan ang buong lugar ay napapalamutian ng mga kimono kasabay ng pagpapamalas sa mga tao ng naiibang dyeing technique na ipinagmamalaki ng lugar. 

Martes, Setyembre 1, 2015

Edo-Tokyo Open Air Architectural Museum: A Glimpse into Tokyo’s Historic Architectures

Ni Florenda Corpuz


Jisho-in Mausoleum (Otama-ya) (Shinjuku Ward, 1652)
(Kuha ni Din Eugenio)
Sa Koganei Park, Koganei City ay matatagpuan ang Edo-Tokyo Open Air Architectural Museum, isang museo kung saan makikita ang ilan sa mga “relocated, reconstructed, preserved at exhibited” na makasaysayang gusali ng lungsod na imposibleng mapreserba sa orihinal na lokasyon ng mga ito.

Simula noong Edo period (1603–1867) ay marami sa mga mahahalagang gusali sa Tokyo ang nasira at napinsala dahil sa mga sakuna tulad ng baha, lindol, sunog at digmaan. Naisipan ng Tokyo Metropolitan Government na buksan ang Edo-Tokyo Open Air Architectural Museum noong 1993 bilang bahagi ng Edo-Tokyo Museum na matatagpuan naman sa Ryogoku.

Karamihan sa mga gusali na naka-exhibit ay itinayo noong Meiji period (1868-1912).

West Zone

Masisilayan dito ang mga restored houses na may iba’t ibang istilo tulad ng Tokiwadai Photo Studio, Residence of Hachirouemon Mitsui, Elevated Granary from Amami-Oshima Island, Farmhouse of the Yoshino Family, House of the Leader of the Hachioji Guards, House of Kunyo Mayekawa, House of Okawa in Den’enchofu, Farmhouse of the Tsunashima Family, House of Koide at House of George de Lalande.

Ang Tokiwadai Photo Studio ay dinivelop bilang isang “healthy residential area.” Ang guest room at dining room ng Residence of Hachirouemon Mitsui ay itinayo noong 1897 sa Kyoto at na-relocate noong World War II habang ang storehouse na itinayo noong 1874 ay naibalik sa orihinal na kundisyon.

Center Zone

Sa bahaging ito matatagpuan ang Visitor Center (Former “Kokaden” Palace), Jisho-in Mausoleum (Otama-ya) na isang cultural asset ng Tokyo, House of Korekiyo Takahashi, Second House of the Nishikawa Family, Gate of Date Family Residence (Collection of the former Musashino Folklore Museum) at Tea Arbor “Kaisuian.”

East Zone

Dito sa bahaging ito ay mae-enjoy ang “downtown are of the olden days.” Naka-display sa loob ng mga restored na gusali ang mga lumang mga produkto at mga kagamitan.

Naririto rin ang Farmhouse of the Tenmyo Family, “Kodera” Soy Sauce Shop, Bar “Kagiya,” Public Bathhouse “Kodakara-yu,” “Tailor’s Workshop,” Stationery Store “Takei Sanshodo, “Hanaichi” Flower Shop, Police Box at the Mansei Bridge, House of Uemura, “Maruni Shoten” Kitchenware Store, Cosmetic Manufacture “Murakami Seikado,” “Kawano Shoten” Oil-paper Umbrella Wholesale Store, “Yamatoya” Grocery Store at Mantoku Inn.


Bukas ang museo araw-araw, maliban sa araw ng Lunes at tuwing Disyembre 28 hanggang Enero 4. May bayad na ¥400 ang entrance fee rito.

Linggo, Marso 2, 2014

Osaka Castle: Ang makasaysayang simbolo ng Osaka

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio

Sunod sa Tokyo, pangalawa ang Osaka (dating Naniwa) sa rehiyon ng Kansai sa pinakamahalagang siyudad sa bansang Hapon. Ito rin ang pangatlo sa pinakamalaking lungsod sa bansa kung saan matatagpuan naman ang pinakamalaking kastilyo noong panahon ng medieval Japan – ang Osaka Castle na itinuturing na simbolo ng lugar.

Humabi ng mahigit sa 400 taong kasaysayan ang Osaka Castle na unang itinayo noong 1583 sa pamumuno ni Hideyoshi Toyotomi (1537-1598), isa sa tatlong pinakamagigiting na warlords at unifiers sa kasaysayan ng Japan. Sa pwestong ito dating nakatayo ang Ishiyama Honganji Temple na tinupok ng apoy sa isang labanan kontra kay Oda Nobunaga (1534-1582), isa pa sa tatlong magigiting na warlords ng bansa at dating kumander ni Hideyoshi.

Humigit kumulang sa 60,000 manggagawa ang nagtulung-tulong sa pagtatayo ng kastilyo na natapos noong 1585. Ang Osaka Castle ay itinulad sa disenyo ng Azuchi Castle ngunit mas marangya dahil sa kagustuhan ni Hideyoshi na ipakita sa mga tao ang kanyang yaman. Higit sa 1,000 sasakyan ang kinailangan upang madala sa lugar ang mga bato mula sa iba’t ibang panig ng Osaka. Pinalamutian ng ginto at pilak ang loob ng palasyo habang ang bawat palapag ng Main Tower ay nilagyan ng mga kayamanan.

Kasabay ng pag-unlad ng lungsod ng Osaka ang patuloy na paglaki, paglawak at pagrangya ng Osaka Castle na naging larawan ng castle town ng modernong panahon sa Japan. Ngunit taong 1600, dalawang taon matapos pumanaw si Hideyoshi, ay nagapi ang pwersa nito sa isa sa pinakamalaking labanan sa kasaysayan ng Japan ng pwersang pinamunuan ni Ieyasu Tokugawa (1542-1616), ang pangatlo sa magigiting na warlords ng medieval Japan na matagumpay din napag-isa ang bansa sa ilalim ng Tokugawa shogunate na nakabase sa Edo. Taong 1615 nang atakihin at sirain ng pwersa nito ang Osaka Castle na nagpaalis sa angkan ni Hideyoshi.

Sa ilalim ng Tokugawa shogunate muling isinaayos ang Osaka Castle. Taong 1660 nang ito ay muling masira dahil sa kidlat na tumama sa isa sa mga explosives warehouses nito. Tinamaan ulit ito ng kidlat noong 1665 na tumama sa Main Tower at naging dahilan ng pagkasunog nito.

Taong 1783 nang ito ay muling tamaan ng kidlat na tuluyang nagpawala sa karangyaan ng kastilyo. Muli itong isinaayos noong 1931 mula sa perang donasyon ng mga tao. Hindi man ito nawasak ng bombing raids noong WWII, isang malakas na bagyo naman noong 1950 ang puminsala sa lugar at patuloy pa sa pagkasira sa paglipas ng panahon.
           
Nagsagawa ng major renovation noong 1995 upang ibalik ang orihinal na anyo at dating kinang ng kastilyo. Sa loob ay masasabing moderno na ito na may elevator sa loob. May museo din dito na nagtataglay ng kasaysayan ng lugar at buhay ni Hideyoshi. May observation deck din dito. May bayad na ¥600 ang pagpasok sa museo. Maaaring isuot ang helmet, surcoat at kosode kimono at magpalitrato sa halagang ¥300.

Napapalibutan ng kuta, pintuan, moog, bato at moats ang kastilyo. Sa Nishinomaru Garden ay makakakita ng mahigit sa 600 cherry trees na popular na destinasyon tuwing Abril, tea house, at dating Osaka Guest House. May sports facilities, multi-purpose arena (Osakajo Hall) at shrine rito. May time capsule rin dito.

Taong 1997 nang kilalanin ito bilang Registered Tangible Cultural Property ng pamahalaan habang ang 13 istruktura kabilang na ang Otemon Gate, Sengan Turret at gun powder storehouse ay kinilala naman bilang Important Cultural Properties.


Linggo, Pebrero 2, 2014

Coming of Age Day: A Celebration of Adulthood

Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Engr. Segundino "PEX" Aguilar, Jr.

Sa Japan, tuwing sasapit ang ikalawang Lunes sa buwan ng Enero ay ipinagdiriwang ng mga kalalakihan at kababaihan na tatapak sa edad na 20 ang “Coming of Age Day” o “Seijin no hi.”

Bilang malaking bahagi na ng kulturang Hapon ang selebrasyon na ito, itinakda ito na isang national holiday na may layong hikayatin ang mga kabataan na maging self-reliant at independent.

Ayon sa mga tala, nagsimula ang paggunita rito noong 714 A.D. nang may isang prinsipe ang magsuot ng bagong roba at lumabas ng kaharian na may bagong istilo ng buhok – tanda ng kanyang pagpasok sa tinatawag na “adulthood.” Pormal itong inimplementa noong 1948 kung saan ginugunita ito tuwing Enero 15. Subalit taong 2000 nang ilipat ito tuwing ikalawang Lunes ng buwan dahil sa implementasyon ng Happy Monday System ng bansa.

May mga pagdiriwang at seremonya na isinasagawa ang bawat lugar tuwing sasapit ang Coming of Age Day pati na rin ang mga magkakapamilya at magkakaibigan. Isa sa popular na lugar na dinarayo ay ang Tokyo Disney Land kung saan nakikipagsayaw ang mga kabataang kalahok sa pagdiriwang kina Mickey Mouse, Minnie Mouse at iba pang Disney characters.

Nagsusuot ang mga kalalakihan ng mga tradisyonal na “hakama” o suits habang ang mga kababaihan naman ay nagsusuot ng tradisyonal na “furisode,” isang espesyal na uri ng “kimono” para sa mga kadalagahan na may mahabang manggas at magarang disenyo na tineternuhan ng “zori” sandals.

Naniniwala ang mga Hapones na dapat ipagdiwang ang araw na ito sapagkat ito ay panahon kung saan mas malaking responsibilidad ang nakaatang sa mga balikat ng mga kabataan. Bukod sa itinuturing na silang mga “adult” ay 20 rin ang legal na edad para sila ay makaboto at makabili at makagamit ng alak at sigarilyo.
           
Sinasabing ipinagdiriwang noong Edo period (1603-1868) ang araw na ito sa pamamagitan ng pagputol sa buhok sa may bandang noo ng mga kalalakihan habang ang mga kababaihan naman ay pinapakulayan ng itim ang kanilang mga ngipin.
           

Ayon sa Internal Affairs and Communications Ministry, umabot sa 1.22 milyong kabataan ang nasa edad 20 ang nakilahok sa pagdiriwang ng Coming of Age Day noong nakaraang taon.