Martes, Hunyo 6, 2017

Kung magnenegosyo ka, ano ang pinakalayunin mo?

Ni MJ Gonzales


Ika nga sa kasabihan, ang permanente lamang sa buhay ay pagbabago.  Hindi magiging eksaktong katulad  nang nakalipas ang iyong ngayon,  at nang  iyong kasakuluyan ang iyong hinaharap. Sa larangan ng karera ay may mga pagbabago  na  kusang dumarating at  mayroon  din naman pagbabago na mismo ang tao na rin ang nagsagawa. Hindi nga ba’t may mga manggagawa noon na matatagumpay na  negosyante  na ngayon?

Kumpara sa  pagpapalit-palit ng trabaho o kahit pa palipat-lipat ng kumpanya, isang matinding “re-careering” ang pagiging negosyante. Ikaw ang boss, ikaw ang may hawak ng oras mo, at ikaw din bahala sa perang kikitain mo.  Ibig sabihin, kasama ng pagtatamasa mo ng naiibang  mga pribilehiyo ay ang mas  maiigting na responsibilidad. Ano nga ba ang nagtutulak sa tao para magpursige ng ibang karera? 

Ayon sa Investopedia, ang re-careering o  “career shift” ay kadalasang ginagawa ng mga tao sa katagalan ng kanilang paghahanap-buhay para sa kapangyarihan, pera, kasikatan,  hilig at pagbabago sa kanilang pamumuhay. Iugnay din natin ito sa mga gustong magnegosyo.

Kapangyarihan.  Isa sa  dahilan ng pagnenegosyo ay paghahangad na matamasa ang pagiging makapangyarihan.  Ito ang nakapaloob sa pagiging “amo” dahil ikaw ang magtatakda kung kailan, paano,  sino, at ano ang  dapat gawin.   Bagaman malawak at mapangahas ang ganitong prinsipyo, masasabing nakakamit naman ito basta handang makipagsapalaran.

Sa kabilang banda, dapat din isaalang-alang na  hindi lahat  ay kakayanin ang ganitong klaseng  layunin. Bakit? Hindi naiisip ng ilan na sa kabila ng kapangyarihan ay  dapat marunong din magpakumbaba, patuloy na mag-aral, at maging responsible sa kanilang aksyon.

Malalim na hilig.  May ilan na sumasabak sa pagnenegosyo para mapursige ang kanilang passion o kinahihiligang gawain. Posibleng sa pagtatrabaho ay isang kasanayan (skill) lamang ang kanilang  nagagamit  kaya sa  kanilang  panibagong karera ay gusto naman nilang magawa ang kanilang passion.

Hindi nga ba’t nakakaaliw na isang batikang lawyer na gaya ni Atty. Raymond Fortun ay isa rin na wedding photographer?  Ganito rin ang singer na si  Rachael Aleandro  na may “Sexy  Chef” (healthy diet food delivery), at  ang magkapatid na John at Camille Prats  na may  Divine Angels Montessori school.

Karangalan. Mahalaga ang pagkakaroon ng reputasyon sa lipunan na mapanghusga. Gayon din ay may naiibang saya kapag nagkaroon ka  nito dahil  napatunayan mo sa sarili mo na kaya mong magtagumpay. Posibleng may iba na nalulunod sa  pagitan ng kayabangan at  karangalan. Subalit, hindi naman lahat ng nag-aasam nito ay may masamang intensyon dahil ito rin ay personal na bagay sa bawat tao.

Pagbabago sa pamumuhay. May mga pagkakataon na  ang re-careering ay dahil din sa “lifestyle change.” Ito ay bunsod ng pagbabago para sa   kalusugan, edad, o kaya naman ay pag-iiba ng prayoridad. Katunayan ay maraming  ina na nagiging mahusay na work at home moms (WAHM) at “mompreneurs” dahil sa una  ay naghangad silang  magkaroon ng flexible time para sa  kanilang mga anak.

Pera. Ito na marahil ang pinakasimple at praktikal na rason kaya marami ang nagbabago o nagdagdag  ng klase ng kabuhayan. Karaniwan din kasi ay hindi sumasapat ang kita sa  pagiging manggagawa kaya nagkukunsidera  ng iba pang mapagkukunan ng pera nang “full time.”

Dahil hindi pag-a-update ng resume at pag-aayos lamang ng iyong work requirements, ang transisyon mula sa pagiging empleyado hanggang negosyante  o anumang karera ay ibayong tibay ng loob ang kailangan. Tandaan na hindi lahat ay magiging madali kaya dapat sinasabayan din  ito ng  pag-aaral,  paghingi ng tulong, at kung maaari ay pondo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento