Ni
Florenda Corpuz
Kilala ang Okinawa, ang pinakatimog
na prepektura ng Japan, dahil sa magaganda at malilinis na beach resorts dito, magigiliw
na mga tao na sinasabing may pinakamahahabang buhay sa buong mundo, at World
Heritage Sites na sumisimbolo sa natatanging kultura at relihiyosong paniniwala
ng Kingdom of Ryukyu na minsan ay yumabong dito.
Ang mga isla na aabot sa 160 na
bumubuo sa Okinawa ay kilala rin bilang Ryukyu Islands na dating tributary
state ng China sa loob ng ilang dantaon hanggang sa ito ay pasukin ng Satsuma
domain (Kagoshima Prefecture ngayon) noong 1609 at gawing tributary state ng
Japan ngunit sa ilalim pa rin ng pamamahala ng royal family mula sa Shuri
Castle. Ilang taon matapos ang Meiji Restoration ay binuwag ito at opisyal na isinama
sa Japan bilang Okinawa Prefecture.
Noong ika-10 hanggang ika-12 siglo
ay nilalagyan ng simpleng stone walls ng mga Ryukyuan farming communities ang
kanilang nayon bilang proteksyon. Ngunit nang magsimula ang diktaturya ng mga
makapangyarihang grupo na kung tawagin ay “aji” ay pinalaki nila ito at gumawa ng mga castle-like
na gusali, ang “gusuku” na itinuturing na sagrado ayon sa lokal na paniniwala.
Nang pumasok ang ika-14 na siglo ay
pinag-isa ang bawat lugar sa tatlong counties: ang Hokuzan sa hilaga, ang Chuzan
sa gitna at ang Nanzan sa timog, hanggang sa itatag ang pinag-isang Kingdom of
Ryukyu noong 1429 kung saan ang naging simbolo ay ang Shuri-jo Castle na
itinuring na nag-iisang “Gusuku.”
Ang “Gusuku Sites and Related Properties
of the Kingdom of Ryukyu” na opisyal na itinalaga bilang UNESCO World Heritage
Sites noong Disyembre 2, 2000 ay binubuo ng siyam na sites at archaeological
ruins: dalawang stone monuments, limang castles at dalawang cultural landscapes
na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Okinawa.
Ang mga ito ay ang mga sumusunod: Shuri Castle na
nagsilbing central government office at royal residence ng Ryukyu Kingdom; Nakagusuku
Castle Ruins na isa sa mga best preserved castles sa Okinawa; Katsuren Castle
Ruins kung saan naghari ang sakiting bata na naging makapangyarihang lider na
si Lord Amawari noong ika-15 siglo; at Zakimi Castle Ruins na itinayo ng Chuzan
Kingdom noong ika-14 na siglo at nagsilbi bilang proteksyon mula sa Hokuzan
Kingdom.
Kasama rin ang Nakijin Castle Ruins
na itinayo noong ika-12 siglo at nagsilbing kastilyo ng hari ng Hokuzan bago
ito sakupin ng Chuzan; Tamaudun Mausoleum na itinayo noong ika-16 na siglo at
nagsilbing mausoleum para sa royal family ng Ryukyu Kingdom; Sonohyan Utaki
Stone Gate na daanan patungo sa maliit na sagradong gubat na nagsilbing
guardian shrine ng Ryukyu Kingdom; Shikinaen Garden na pangalawang residence ng
Ryukyu Kingdom kung saan tinatanggap ang mga prominenteng bisita; at ang Sefa
Utaki na isa sa pinakasagradong lugar ng sinaunang relihiyon ng Okinawa.
Dumaan man sa maraming kaganapan ay
napanatili ng mga Ryukyuan ang 500 taon nilang kasaysayan na makikita sa
pamamagitan ng Gusuku Sites and Related Properties of the Kingdom of Ryukyu.
Mararating ang Okinawa dalawang
oras at kalahati sakay ng eroplano mula Tokyo.
Sources: UNESCO, JNTO
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento