Ni
Florenda Corpuz
Magpadala ng mensahe ng kapayapaan
sa buong mundo mula sa Hiroshima City ang kahilingan ni Gov. Hidehiko Yuzaki
mula kay Pope Francis sa kanyang ginawang pagbisita sa Vatican kamakailan.
Ayon sa ulat ng Kyodo News,
ipinahayag ito ng gobernador sa harap ng publiko kasama ang Santo Papa sa St.
Peter’s Square. Ito ay sa gitna ng umiigting na tensyon sa isyu ng nuclear
weapon.
“Hiroshima is a symbol of reconstruction,
hope and peace. The pope’s visit would attract worldwide attention and provide
a chance for everybody to think about abolition of nuclear weapons,” pahayag ni
Yuzaki.
Magugunitang binomba ng Amerika ang
Hiroshima noong Agosto 6, 1945 na ikinasawi ng 140,000 katao. Sumunod ang
Nagasaki noong Agosto 9 kung saan sumuko ang Japan makalipas ang anim na araw
na naging hudyat nang pagtatapos ng World War II.
Nakipagkita rin si Yuzaki kay Cardinal
Secretary of State Pietro Parolin at inihayag ang parehong kahilingan na ayon naman
sa huli ay pinag-aaralan na ng Vatican kung ito na ang tamang panahon para
bisitahin ng Santo Papa ang Hiroshima.
Kung matutuloy, ito ang magiging
kauna-unahang papal visit sa Japan matapos magtungo rito si Pope John Paul II
noong 1981 kung saan siya ay lumuhod at nagdasal sa harap ng Hiroshima Peace
Park.
Enero nang hilingin din ni Prime
Minister Shinzo Abe na bisitahin ni Pope Francis ang Hiroshima para palaganapin
ang kamalayan tungkol sa mga panganib ng nuclear weapons kung saan siya ay
nakipagkita kay Archbishop Paul Gallagher.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento