Ni Hoshi Lawrence
Madalas naitatanong natin
sa ating sarili kung bakit kaya may mga taong palautang? Bakit mayroong nakadepende sa suportang pera ng kamag-anak? O kaya ay bakit nahihirapan
kang makaipon ng pera kahit ang sipag-sipag mo naman? Ang kasagutan dito ay
maaaring dahil sa maraming salik at isa
na roon ay ang nakalakhan na pananaw ng isang tao sa paghawak ng pera.
Alam na natin na sa tahanan
nagsisimula ang edukasyon ng bata. Ang kanilang mga magulang ang kanilang
kauna-unahang guro at sandigan para sa pundasyon ng kanilang pagkatao.
Kaya hindi kataka-taka na
pagdating sa paghawak ng pera ay may
impluwensya rin kung ano ang naituro sa kanila.
Noong ikaw ay bata pa, ano
bang alam mo sa pera? Nahihingi mo ba ito ng basta o sesermunan ka muna bago mo
makuha ito? Ang masaklap dito ay kapag maling
ideya at pag-uugali tungkol sa pera ang maitanim sa isipan ng isang bata ay baka
ito ang dahilan kung bakit siya magiging madamot, mapagmataas, magastos, at
tamad.
Paano turuan ang mga bata tungkol sa pananalapi?
Kung may pag-aalinlangan
ang mga magulang dahil sa seryosong bagay ang usaping pera ay mayroong mga
paraan para maturuan ang mga bata. Ayon sa artikulo ng Money Management
International Inc., na pinamagatang “Everyday Lessons to Teach Kids about Money,”
ang ilang hakbang para maturuan ang mga
bata: pagbibigay sa kanila ng allowance na
kailangang i-budget, paggabay sa kanila na magkaroon ng munting negosyo, pagbuksan sila ng sarili nilang bank
savings o check account na kanilang mapag-iimpukan, at gawing money management
tutorial ang gawain gaya ng pamimili sa
supermarket.
“Teach children how
to shop by value rather than brand. Remember to always shop with a
list. Shopping with a list helps children understand how prior preparation can
lead to great savings in the end,” payo pa ng MMI na isang international non-profit
organization na nagbibigay ng financial education programs.
Mahalaga ba ang Math sa pagtuturo ng money management?
Maraming propesyonal at naging
negosyante na mahina sa Math. Pwede namang mag-hire ng accountant, financial
consultant, o isang tao na mamamahala sa kabuhayan. Ganoon pa man ay nangangailangan
pa rin ng pangunahing kaalaman sa pagkukuwenta para mapalago ito at hindi maloko.
Sa panayam ng Wall Street
Journal (WSJ) kay Harvard Business
School finance professor Shawn Cole, sinabi nitong malaki ang tsansa na
magkaroon ng malalang pagkakamali sa pera kung may kakulangan sa Math skill. Aniya,
ang taong walang ganitong skill ay posibleng mag-impok, gumastos, at mamuhunan
base sa kanilang nararamdaman lamang.
Dagdag pa sa report ng
WSJ na “The Smart Way to Teach Children About Money” ay mainam na magkaroon ng
kamalayan sa paghawak ng pera nang maaga
para maiwasaan din ang pagiging sensitibo sa pagtalakay nito.
“A lot of decisions in
finance are just easier if you’re more comfortable with numbers and making
numeric comparisons,” saad pa ni Cole.
Sa ibang banda, ang
paglalaan ng oras para maturuan ang isang bata tungkol sa pananalapi ay
naghahatid din ng iba pang bentahe. Bukod sa nagkakaroon ng bonding time, masusuri
rin ng guro ang kanyang sariling kaalaman sa money management. Mababalikan niya
ang kanyang napag-aralan noon, may madidiskubre pa siyang bagong praktikal na ideya.
Dagdag pa rito ay maitatama na niya ang maling money mindset.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento