Ni
MJ Gonzales
Tapos
na ang Valentine’s Day pero hindi pa rin kayo nakakapag-date o hanggang ngayon
wala ka pa rin ka-date? Huwag mag-alala dahil ganyan din ang pag-aasawa. Hindi
iyan base sa petsa kundi sino ang iyong makakasama at kung handa ka ba sa
inyong date. Kaya nga okay din ang hindi basta mag-asawa lalo na kung bibigyan ng malaking
kunsiderasyon ang pinansyal na aspeto.
Handa na kayong bumukod
Uso
sa pamilyang Pinoy ang kaisipan na mas marami ay mas masaya. Kaya kahit may apo
na ang apo ay nasa bahay pa rin nina lolo at lola. Sa mga mag-asawa na gustong
bumukod para hindi pakialaman ng biyenan, bayaw at hipag, o ng buong angkan ay
kailangan silang maging “financially independent” din. Ibig sabihin ng “financially
independent” ay kaya nilang pangatawanan ang kanilang sariling mga gastos o
pangangailangan. Kaya magiging problema talaga sa mag-asawa kung wala silang
matitirhan o makikitira sa kamag-anak.
Handa kayong magkaanak
Isa
sa madalas na paksa na ikinakabit sa pag-aasawa ay ang pagkakaroon ng anak.
Subalit, kung aanalisahin ay maraming nagpapapakasal ang hindi rin naman
handang maging magulang. Sa usapin ng
reproductive health ay may mga babaeng
likas na madaling magbuntis kaya kung walang family planning ay may
lalabas na “stressful pregnancy” o “unwanted child.”
Iba
ang ihip ng hangin kung ang mag-asawa ay handa sa anumang aspeto, kabilang na ang
aspetong pinansyal. Sa siyam na buwang pagbubuntis ni misis ay matutugunan ang
kailangan nitong bitamina.
Hindi
rin siya magiging stressed kaya makakaiwas siya sa sakit at lalo na sa pag-aanak ng kulang sa buwan. Kung magkataon
din na caesarean birth, na mas malaki ang bayad at mas matagal ang gamutan, ay
kakayaning ipanganak ang bata nang walang gaanong pait sa pagbabayad ng
hospital bill.
Handa kang magpakilig
Sabi
nga nakakadagdag ng kiliti, saya, anghang, o lusog sa relasyon ng mag-asawa kung
may panahon silang magliwaliw na dalawa. Posibleng-posible iyan kung may extra
silang budget para manood ng sine,
kumain sa labas, o magbakasyon sa malayong lugar.
Dagdag
pa rito iyong mga pagkakataon na kaya mong ilibre, sorpresahin, at ibigay ang
regalong gustong-gusto ni mister o misis.
Pareho na kayong mas mature
Ang
maganda sa pagsasama ng dalawang taong
mature nang mag-isip ay mas kaya nilang harapin ang problema na magkasama. Sa usapang pera ay mas malawak at malalim na rin ang pang-unawa nila sa
kani-kaniyang kapasidad. Kaya naman mas magiging kaswal din ang pag-uusap nila
tungkol sa gastusin, pamumuhunan, o plano sa hinaharap. Gayon din ay makakayang
magkumpromiso ng isa’t isa para magkasundo sa magkaiba nilang pananaw pagdating
sa pera.
Parehong masaya sa sitwasyon
Kahit
na may conjugal properties, dumarami ang mga mag-asawa ngayon na may kani-kaniyang
pera. Mainam ito lalo na kung aktibo sa
kani-kaniyang karera o negosyo ang mag-asawa. May laya ang mga ito na pausbungin
ang kanilang indibidwalidad habang pinagtitibay ang kanilang pagsasamang
dalawa.
Samantala,
may mga mag-asawa na isa lang ang nagtatrabaho para magkatulungan sa pag-aalaga
ng pamilya. Walang problema naman kung iisa o dalawa ang nagtatrabaho, basta
may balanse, pang-unawa, at suporta sa isa’t isa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento