Linggo, Marso 10, 2019

May pera sa paglilinis



Maraming bentahe ang palilinis gaya ng pagkakaroon ng malusog na kapaligiran at mainam na kalusugan.  Sa usapin ng mapagkakakitaan, ang paglilinis ng bahay ay magdudulot din ng kabuhayan o dahilan para makatipid. Kaya kung tinatamad kang linisin ang pinaglumaan mo noong  2018 ay narito ang ilang dahilan para sipagin ka: 

Handmade products made in recycled materials.  Offline o online ay marami ang handmade business na may kinalaman sa  paggamit ng recycled materials. Kung ikaw ay malikhain, dapat kang maglinis ng iyong kuwarto o bahay para makaipon ng materyal  na iyong mare-recycle at maibebenta. 

Ilan sa posibleng mapaggamitan ng iyong recycled materials ay pagdidisenyo ng scrapbook, dekorasyon sa bahay, at  ilang kagamitan. Maaari rin na recycled material mismo ang magamit para makagawa ng  burloloy, bag, damit, apron, at organizer. 

Kumita sa segunda-manong gamit. Maaaring ang iyong pinaglumaan pero  may maganda pang kalidad na kagamitan ay maibenta online.   Kung tutuusin nga ay kahit ano ay pwedeng ibenta sa mga online buy and sell sites. Kaya tiyak na kung maglilinis ka ay may mapagkakakitaan ka.

Ilan sa pwedeng maibenta online o offline ay segunda-manong libro, mobile phone, printer, music player, camera, accessories sa camera o computer, cabinet, at iba pang gamit sa bahay.  

Magbenta sa junk shop. Magpahanggang sa ngayon ay patok pa rin ang mga junk shops sa Pilipinas. Ilan sa mabenta sa mga ito ay boteng babasagin o plastic, bakal, diyaryo, papel na puti, karton, at kahit  mga sirang appliances. 

Bukod sa mga junkshops ay mayroon din iba pang namimili ng junk materials. Ilan na rito ang namimili ng tansan, retaso ng damit para gawing basahan, foil wrapper ng mga junk food  para ipalaman sa stuff toys, papel para sa paper mache crafts, at iba pa.

Makamenos sa sunod na pagbili. Maituturing na gastos ang pagbili ng bagay  na hindi naman kailangan.  Hindi kailangan kasi mayroon naman pala sa bahay na natatago o natatakpan lamang. Sa paglilinis ay nakikita ang mga bagay na nawawala o maaaring magamit muli.

Isa pa’y maoorganisa rin ang mga ito sa tamang lagayan para madaling makuha sa susunod na kakailanganin.  Kadalasan ang mga bagay na nakukuha sa paglilinis ay maliliit pero malaki ang pakinabang  gaya ng paper clip, hairpin,  safety pin, tape, panulat, can opener, at screw driver.

Gayon din ay maaaring makita ang pwedeng gamitin na alternatibo. Halimbawa ay bag na pamasok, container para sa mga pagkain sa  kusina, o kaya lalagyan ng mga libro.

Masuri ang mga kagamitan para makatipid sa bill. Maraming bahagi ng bahay na hindi kadalasang napapansin maliban na kung ikaw ay maglilinis.  Kasama sa mga  bahagi nito ang malalaking kasangkapan gaya ng refrigerator, heater, air-conditioner, oven, at mga ilaw. Ganoon din ang mga kable, tubo, at bubong.

Hindi ba, sinong makakaalam na may butas ang tubo na pwedeng sanhi ng mataas na bill sa tubig? O kaya malapit na palang mapatid ang kable sa bahay na kapag nangyari ay disgrasya ang hatid. Kung makikita ang mga ito agad ay ‘di ka lang nakatipid kundi naligtas mo rin ang iyong sangbahayan.

Sa kasangkapan naman ay pwedeng masuri ang kalidad gaya sa mga ilaw na kaya pala hindi  ganoon kaliwanag ay dahil puno ng alikabok at mga appliances na kailangan ng palitan dahil mataas na ang konsumo sa kuryente.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento