Lunes, Marso 4, 2019

‘The Girl in the Orange Dress’ nina Jericho at Jessy pasok sa Osaka Film Fest


Ni Florenda Corpuz


Isa ang “The Girl in the Orange Dress” nina Jericho Rosales at Jessy Mendiola sa tatlong pelikula mula sa Pilipinas na lalaban sa Competition section ng 14th Osaka Asian Film Festival (OAFF) na gaganapin mula Marso 8 hanggang 17.

Ang rom-com na idinirehe ni Jay Abello ay umiikot sa istorya ng isang misteryosong babae na nakasuot ng kulay kahel na damit (Jessy) at showbiz superstar na si Rye (Jericho).

Matatandaang dumalo si Echo sa 2016 edition ng OAFF bilang kinatawan ng “#WalangForever” na pinagtambalan nila ng aktres na si Jennylyn Mercado sa direksyon ni Dan Villegas.

Lalaban din sa parehong kategorya para sa Grand Prix at Most Promising Talent Award ang “With All My Hypothalamus” ng direktor na si Dwein Baltazar at “Tanabata’s Wife” nina Lito Casaje, Charlson Ong at Choy Pangilinan kasama ang 11 pang pelikula mula sa Asya.

Samantala, ipapalabas naman sa Special Programs (New Action! Asia) section ng festival ang dalawa pang pelikulang Pilipino: ang “Billie and Emma” ni Samantha Lee at “Eternity Between Seconds” ni Alec Figuracion.

Noong nakaraang taon ay nasungkit ni Ryza Cenon ang Yakushi Pearl Award bilang Most Brilliant Performer para sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang “Mr. and Mrs. Cruz” na idinirehe ni Sigrid Andrea Bernardo. Itinanghal naman na Most Promising Talent ang batang direktor na si Mikhail Red para sa kanyang magaling na pagdirehe sa pelikulang “Neomanila.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento