Linggo, Marso 3, 2019

Nadine Lustre, bibida sa pelikulang ‘Ulan’ ngayong Marso



Inilunsad na kamakailan ang trailer ng pinakabagong romantic film ng Viva Films na pinamagatang “Ulan” na nagtatampok kay Nadine Lustre kasama sina Carlo Aquino, Marco Gumabao at AJ Muhlach.

Nakatakdang ipalabas ito sa mga sinehan sa Pilipinas sa darating na Marso 13 at mula sa direksyon at panulat ni Irene Emma Villamor, na nasa likod din ng mga hit local films nitong nakaraang taon na “Meet Me in St. Gallen” (Carlo Aquino, Bella Padilla) at “Sid & Aya” (Dingdong Dantes, Anne Curtis).

Kwento tungkol sa pagmamahal at pagtanggap sa sarili

Makikita ang batang si Maya sa naturang trailer na tinatanong niya ang kanyang lola kung bakit umuulan kahit pa maganda naman ang panahon—kung saan ang kwento ng kanyang lola ay dahil may nagpapakasal na tikbalang ngunit tutol ang langit sa kanilang pagmamahalan.

Ngunit ang inosente at magandang pananaw ni Maya sa ulan bilang bata ay magbabago sa kanyang paglaki—na ngayon ay nagpapaalala na sa kanya ng sawing pag-ibig, mga pangakong hindi tinupad at kalungkutan.

Saka naman niya makikilala si Peter (Carlo Aquino) na magdadala ng liwanag sa kanya gaya ng mga pangyayaring maihahalintulad sa kadalasang pagtingin sa ulan na minsan ay itinuturing na pagpapala o kaya naman ay sumpa.

Sa kabila ng bagong ngiti ni Maya, tila may nakaambang pagsubok muli sa kanya na kung saan siya ay masasaktan.

Bagong kumbinasyon

Sa unang pagkakataon ay hindi kasama ni Nadine ang partner at loveteam na si James Reid, na nauna nang magkaroon ng pelikula na wala rin si Nadine noong nakaraang taon sa pelikulang “Miss Granny,” na local remake ng Korean hit film na parehas ang pamagat, kasama si Sarah Geronimo at Xian Lim.  

Ngunit wala naman aniyang kaso kay Nadine ang desisyon na ito ng Viva Artists. “I think it’s a career move which is for our own good. We should have individual careers of our own and not just as a love team,” ang kwento pa ng aktres.

Unang beses naman na makakatrabaho ni Nadine ang premyadong aktor na si Carlo Aquino na kagagaling lang sa matagumpay na repeat concert nila ni Matteo Guidicelli kamakailan, gayon din sa 2018 box office hit na “Exes Baggage” na reunion project nila ni Angelica Panganiban. 

Huling napanood sa pelikula ang tambalang JaDine sa “Never Not Love You” (2018) at “This Time” (2016), ngunit nakatakda rin na magbalik-tambalan ang dalawa sa remake ng “Pedro Penduko” kung saan siya ay gaganap bilang Maria Makiling.

Ilalabas din ngayong taon ang isa pang pelikula si Nadine na katambal si Sam Concepcion bilang summer offering ng Viva na may pamagat na “Indak” at siyang directorial debut ng concert director na si Paul Basinillo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento