Ni Lorenz Tecson
Halos sa bawat kalye ngayon sa Pilipinas ay
mayroong sari-sari at grocery stores. Parami na rin nang parami ang mga negosyong
itinatayo kahit saang sulok ng bayan o lalawigan. Isang indikasyon na ito na
kailangang itaas ang antas ng paraan ng pagbebenta dahil mas matindi na ang kumpetisyon. Kaya naman mainam na palakasin ang paraan ng pagbebenta
sa pamamagitan ng “cross-selling” at “upselling.”
Kung nakakain ka na sa ilang nangungunang food chains ay madalas
ay maririnig mo sa service crew ang kanilang pagtatanong at pagmumungkahi na
dagdagan moa ng iyong order. Dahil
madalas ay parang masarap o bagay sa inorder mo ang ibang inaalok nitong produkto
ay mapapabili ka na rin. Ang tawag sa
ganitong uri ng pag-aalok ay cross-selling at ginagawa na ito ngayon sa halos
anong klaseng retail business.
Para magawa ang cross-selling ay dapat gawin
ito nang tama at may istratehiya. Paano?
Maging magaling sa
pagterno ng mga produkto. Isang klase ng cross-selling ay ang pagdi-display ng produkto nang
magkakasama at bagay sa isa’t isa. Ang halimbawa nito ay ang pagte-terno ng
damit at burloloy na isinusuot sa mannequin. Kung magaling sa pagdi-display o
pag-iistilo ay maaakit ang customers na bilhin ang bawat produktong suot ng
mannequin.
Maging mahusay sa
pagpapaliwanag sa produkto. May mga customer na may gusto
lamang bilhin pero hindi ganoon kaalam sa produkto o iba pang magandang kasama
nito. Kaya naman ang salesman ay dapat hindi lang marunong mag-alok kundi magaling
din na maipaliwanag at gumabay sa
customer para bumili pa ito ng ibang produkto.
Halimbawa nito ay ang pagbibigay suhestiyon ng salesman ng pagkuha rin
memory card, screen protector, casing, o
monopod kung bibili ng smartphone.
Maaari mong ipakete ang magkakaibang produkto
na mabibili ng may diskwento kung bibilhin ng magkakasama.
May dalawang bentahe sa ganitong istratehiya.
Una ay magkakaroon ng kamalayan ang customer sa iba pang produktong mabibili na
swak sa mismong produktong gusto niya.
Pangalawa ay mahihirapan siyang tumanggi lalo na kung malaki ang diskuwento na
makukuha niya. Isang halimbawa nito ay grocery package na may items gaya ng
pasta, tomato sauce, cheese, at corned beef. Mapapadali ang kanyang pagbili
dahil lahat ng sangkap sa pagluluto ng spaghetti ay narito na, may basket pa siya.
Itodo ang benta sa upselling
Balik
tayo sa pag-aalok ng mga service crew sa food chains. Hindi ba nagsusuhestiyon din sila na “upsize,”
o palakihin pa ang sukat ng pagkain. Kadalasan litanya nila ito sa mga
produktong French fries, hamburger, sundae ice cream, at soft drinks.
Dahil mas mabubusog ka nga naman at mas
malinamnam ang soda na may sundae na kahalo kaya pihadong mapapa-order ka na
rin. Kung ginawa ni service crew iyon sa iyo, ang tawag doon ay upselling. Upselling kasi pareho ang produkto pero mas
malaking sukat o mainam na bersyon.
Siyempre kapag itinaas ang bilang o kalidad ay mabibili rin ito sa
mataas na halaga kaya mas tataas ang kita
ng kumpanya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento