Linggo, Marso 2, 2014

Osaka Castle: Ang makasaysayang simbolo ng Osaka

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio

Sunod sa Tokyo, pangalawa ang Osaka (dating Naniwa) sa rehiyon ng Kansai sa pinakamahalagang siyudad sa bansang Hapon. Ito rin ang pangatlo sa pinakamalaking lungsod sa bansa kung saan matatagpuan naman ang pinakamalaking kastilyo noong panahon ng medieval Japan – ang Osaka Castle na itinuturing na simbolo ng lugar.

Humabi ng mahigit sa 400 taong kasaysayan ang Osaka Castle na unang itinayo noong 1583 sa pamumuno ni Hideyoshi Toyotomi (1537-1598), isa sa tatlong pinakamagigiting na warlords at unifiers sa kasaysayan ng Japan. Sa pwestong ito dating nakatayo ang Ishiyama Honganji Temple na tinupok ng apoy sa isang labanan kontra kay Oda Nobunaga (1534-1582), isa pa sa tatlong magigiting na warlords ng bansa at dating kumander ni Hideyoshi.

Humigit kumulang sa 60,000 manggagawa ang nagtulung-tulong sa pagtatayo ng kastilyo na natapos noong 1585. Ang Osaka Castle ay itinulad sa disenyo ng Azuchi Castle ngunit mas marangya dahil sa kagustuhan ni Hideyoshi na ipakita sa mga tao ang kanyang yaman. Higit sa 1,000 sasakyan ang kinailangan upang madala sa lugar ang mga bato mula sa iba’t ibang panig ng Osaka. Pinalamutian ng ginto at pilak ang loob ng palasyo habang ang bawat palapag ng Main Tower ay nilagyan ng mga kayamanan.

Kasabay ng pag-unlad ng lungsod ng Osaka ang patuloy na paglaki, paglawak at pagrangya ng Osaka Castle na naging larawan ng castle town ng modernong panahon sa Japan. Ngunit taong 1600, dalawang taon matapos pumanaw si Hideyoshi, ay nagapi ang pwersa nito sa isa sa pinakamalaking labanan sa kasaysayan ng Japan ng pwersang pinamunuan ni Ieyasu Tokugawa (1542-1616), ang pangatlo sa magigiting na warlords ng medieval Japan na matagumpay din napag-isa ang bansa sa ilalim ng Tokugawa shogunate na nakabase sa Edo. Taong 1615 nang atakihin at sirain ng pwersa nito ang Osaka Castle na nagpaalis sa angkan ni Hideyoshi.

Sa ilalim ng Tokugawa shogunate muling isinaayos ang Osaka Castle. Taong 1660 nang ito ay muling masira dahil sa kidlat na tumama sa isa sa mga explosives warehouses nito. Tinamaan ulit ito ng kidlat noong 1665 na tumama sa Main Tower at naging dahilan ng pagkasunog nito.

Taong 1783 nang ito ay muling tamaan ng kidlat na tuluyang nagpawala sa karangyaan ng kastilyo. Muli itong isinaayos noong 1931 mula sa perang donasyon ng mga tao. Hindi man ito nawasak ng bombing raids noong WWII, isang malakas na bagyo naman noong 1950 ang puminsala sa lugar at patuloy pa sa pagkasira sa paglipas ng panahon.
           
Nagsagawa ng major renovation noong 1995 upang ibalik ang orihinal na anyo at dating kinang ng kastilyo. Sa loob ay masasabing moderno na ito na may elevator sa loob. May museo din dito na nagtataglay ng kasaysayan ng lugar at buhay ni Hideyoshi. May observation deck din dito. May bayad na ¥600 ang pagpasok sa museo. Maaaring isuot ang helmet, surcoat at kosode kimono at magpalitrato sa halagang ¥300.

Napapalibutan ng kuta, pintuan, moog, bato at moats ang kastilyo. Sa Nishinomaru Garden ay makakakita ng mahigit sa 600 cherry trees na popular na destinasyon tuwing Abril, tea house, at dating Osaka Guest House. May sports facilities, multi-purpose arena (Osakajo Hall) at shrine rito. May time capsule rin dito.

Taong 1997 nang kilalanin ito bilang Registered Tangible Cultural Property ng pamahalaan habang ang 13 istruktura kabilang na ang Otemon Gate, Sengan Turret at gun powder storehouse ay kinilala naman bilang Important Cultural Properties.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento