Linggo, Nobyembre 6, 2016

Tokamachi City: A Kimono Town

Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio


Kilala ang Tokamachi City na matatagpuan sa katimugang bahagi ng Niigata Prefecture bilang isa sa mga lugar sa Japan na may pinakamalakas na pag-ulan ng niyebe tuwing panahon ng taglamig. Nagdudulot man ito ng malaking pinsala ay mayaman din itong pinagkukunan ng tubig ng mga mamamayan.

Bukod sa pagiging snow country ng Tokamachi ay popular din ito dahil sa mayamang industriya ng produksyon ng kimono.

Ayon sa mga tala, nagsimula ang mahabang kasaysayan ng tela at damit sa Tokamachi noon pang Jomon period (10,000 BC - 300 BC). Umunlad ang rehiyon mula sa produksyon ng “Echigo chijimi,” isang uri ng tela noong Edo period (1603 - 1867) at silk goods noong Meiji era (1868 - 1912).

Dahil sa tradisyonal na pamamaraan ng paggawa rito ng kimono tulad ng “Akashi chijimi” ay tinawag ang Tokamachi bilang “Town of Kimono and Textiles.”

Pumapangalawa ang produksyon ng kimono sa pinakamalaking industriya sa Tokamachi ngunit sa paglipas ng panahon ay patuloy na bumaba ang export prices nito pati na rin ang bilang ng mga taong gumagawa nito.

Isa sa pinagmamalaking pagawaan ng kimono sa lugar ay ang makasaysayang Suizan Kobo na itinatag pa noong Edo period. Gumagawa ito ng kimono gamit ang “Tsujigahana,” isang pamamaraan ng tie-dyeing na gumagamit ng drawings at foil impressions. Pinakapopular ito noong kalagitnaan ng Muromachi period at Edo period.

Ilan sa mga iniingatang damit sa Japan na gawa rito ay ang kimono at dofuku ng mga prominenteng warlords tulad nina Uesugi Kenshin, Toyotomi Hideyoshi at Tokugawa Ieyasu pati na rin kanilang mga asawa. Ngunit ang paggamit nito ay unti-unting nawala noong Edo period dahil sa pagpasok ng “Yuzen.”


Sa modernong panahon ay napanatili ng Tokamachi ang tradisyonal na kultura nito sa paggawa ng kimono. Sa kabila ng paghina ng industriya ay hindi tumigil ang mga tao para ito ay pagyamanin. Sa katunayan, taun-taon tuwing Mayo 3 ay nagsasagawa ng kimono festival dito kung saan ang buong lugar ay napapalamutian ng mga kimono kasabay ng pagpapamalas sa mga tao ng naiibang dyeing technique na ipinagmamalaki ng lugar. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento