Ni
Florenda Corpuz
Kuha ni Engr. Segundino "PEX" Aguilar, Jr. |
Sa Japan, tuwing sasapit ang ikalawang Lunes sa buwan ng Enero ay ipinagdiriwang ng mga kalalakihan at
kababaihan na tatapak sa edad na 20 ang “Coming of Age Day” o “Seijin no hi.”
Bilang malaking bahagi na ng
kulturang Hapon ang selebrasyon na ito, itinakda ito na isang national holiday
na may layong hikayatin ang mga kabataan na maging self-reliant at independent.
Ayon sa mga tala, nagsimula ang
paggunita rito noong 714 A.D. nang may isang prinsipe ang magsuot ng bagong
roba at lumabas ng kaharian na may bagong istilo ng buhok – tanda ng kanyang
pagpasok sa tinatawag na “adulthood.” Pormal itong inimplementa noong 1948 kung
saan ginugunita ito tuwing Enero 15. Subalit taong 2000 nang ilipat ito tuwing
ikalawang Lunes ng buwan dahil sa implementasyon ng Happy Monday System ng
bansa.
May mga pagdiriwang at seremonya
na isinasagawa ang bawat lugar tuwing sasapit ang Coming of Age Day pati na rin
ang mga magkakapamilya at magkakaibigan. Isa sa popular na lugar na dinarayo ay
ang Tokyo Disney Land kung saan nakikipagsayaw ang mga kabataang kalahok sa
pagdiriwang kina Mickey Mouse, Minnie Mouse at iba pang Disney characters.
Nagsusuot ang mga kalalakihan ng
mga tradisyonal na “hakama” o suits habang ang mga kababaihan naman ay
nagsusuot ng tradisyonal na “furisode,” isang espesyal na uri ng “kimono” para
sa mga kadalagahan na may mahabang manggas at magarang disenyo na tineternuhan
ng “zori” sandals.
Naniniwala ang mga Hapones na
dapat ipagdiwang ang araw na ito sapagkat ito ay panahon kung saan mas malaking
responsibilidad ang nakaatang sa mga balikat ng mga kabataan. Bukod sa
itinuturing na silang mga “adult” ay 20 rin ang legal na edad para sila ay
makaboto at makabili at makagamit ng alak at sigarilyo.
Sinasabing ipinagdiriwang noong
Edo period (1603-1868) ang araw na ito sa pamamagitan ng pagputol sa buhok sa
may bandang noo ng mga kalalakihan habang ang mga kababaihan naman ay
pinapakulayan ng itim ang kanilang mga ngipin.
Ayon sa Internal Affairs and
Communications Ministry, umabot sa 1.22 milyong kabataan ang nasa edad 20 ang
nakilahok sa pagdiriwang ng Coming of Age Day noong nakaraang taon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento