Ipinapakita ang mga post na may etiketa na FilCom news. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na FilCom news. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Pebrero 28, 2018

Japanese destroyer Amagiri dumaong sa Maynila para sa goodwill visit

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Philippine Navy
Dumating kamakailan sa Pilipinas ang isang Japanese naval destroyer para sa dalawang araw na goodwill visit.

Dumaong sa Pier 15, South Harbor sa Maynila ang barko ng Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF) na JS Amagiri (DD-154) na kabilang sa Asagiri-class (general type) destroyer, sakay ang isang SH-60J helicopter at humigit-kumulang sa 200 officials at crew members.

Ito ang unang pagbisita ng barko ng JMSDF sa bansa ngayong taon.

Nagsagawa ng customary meeting procedures ang barko ng Philippine Navy (PN) na BRP Rajah Humabon (PS11) sa Corregidor Island at hinatid ang JS Amagiri sa nakatalagang daungan para rito.

Mainit na sinalubong ng mga delegado ng PN ang JS Amagiri sa pangunguna ni Flag Officer In Command (FOIC) Capt. Ricardo Martin na sinundan ng port briefing tungkol sa kalusugan at seguridad habang sakay ng Japanese destroyer.

Katulad ng mga nakalipas na pagbisita ng mga Japanese destroyers sa Pilipinas, nagsagawa ng serye ng confidence-building activities ang Japanese navy at counterparts sa Philippine Navy tulad ng mga goodwill games, boodle fight at shipboard tour.

Isang send-off ceremony naman na may customary Passing Exercise (PASSEX) ang isinagawa sa pagtatapos ng port visit.

Layon ng goodwill visit na palakasin ang relasyon ng dalawang bansa at higit pang mapabuti at mapanatili ang pagsulong ng kapayapaan, katatagan, at maritime support ng Japan at Pilipinas sa pamamagitan ng diplomasya sa dagat.


Photo caption: Sinalubong ng mga delegado ng Philippine Navy sa pangunguna ni Flag Officer In Command Capt. Ricardo B. Martin ang mga opisyal at crew mwmbers ng JS Amagiri na dumaong sa Maynila kamakailan.

Bagong air traffic management system ng Pilipinas na pinondohan ng Japan, pinasinayaan

Ni Florenda Corpuz

Si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ilang opisyal ng Pilipinas 
at Japan sa pagpapasinaya ng CNS/ATM Systems kamakailan. 
(Kuha ni Simeon Celi Jr./Presidential Photo)
Pinasinayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong Communications, Navigation, Surveillance and Air Traffic Management (CNS/ATM) Systems upang mapabuti ang air traffic efficiency and quality infrastructure sa Pilipinas.

“This is the answer to the calls for a much-needed upgrade in our country’s inadequate and aging air navigation systems which lags behind those of our neighbors in the regions,” sabi ng Pangulo sa kanyang talumpati.

Pinasalamatan ni Duterte ang gobyernong Hapon partikular ang Japan International Cooperation Agency (JICA) para sa pagpopondo sa proyekto na nagkakahalaga ng ¥22 bilyon sa pamamagitan ng loan.

“Through the cooperation of our people and our private sector partners, we can soon ease our transportation woes and pave the way for a more industrialized Philippines,” aniya.

“As we regain the people’s trust in government through our anti-criminality and anti-corruption initiatives, we can now look forward to the implementation and completion of major infrastructure projects that will bring us closer as a people and enhance the quality of life of all Filipinos,” dagdag pa ng Pangulo.

Dinaluhan din nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco, Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda at JICA Chief Representative Susumu Ito ang seremonya.

“The aviation sector is a very important pillar and enabler of economic growth. Thus, with this new facility under our cooperation, we aim to contribute further in improving the Philippine transport infrastructure sector,” ani Ito.


Ang proyekto na nakumpleto noong 2017 sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA) yen scheme ng JICA ay naglalayong makatulong na mabawasan ang pagkaantala ng mga flights at paghusayin ang air traffic safety sa bansa sa pamamagitan nang pagkakabit ng mga sistema ng upgraded communications, navigation, surveillance/air traffic management systems sa iba’t ibang lugar kasama ang en-route surveillance radars sa Aparri, Laoag, Cebu-Mt Majic, Quezon-Palawan at Zamboanga; at airport surveillance radars sa NAIA2, Mactan, Bacolod, Kalibo at Davao.   

Lunes, Nobyembre 27, 2017

‘Order of Sikatuna’ iginawad ni Duterte kay dating Japan PM Fukuda

Ni Florenda Corpuz


Tinanggap ni dating Prime Minister Yasuo Fukuda kay Pangulong 
Rodrigo Duterte ang Order of Sikatuna Rank of Raja posthumous 
award para sa kanyang namayapang ama na si dating Prime Minister 
Takeo Fukuda. (Kuha ni Simeon Celi Jr./Presidential Photo)
Ginawaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Order of Sikatuna with the Rank of Raja (Grand Collar) ang namayapang dating Prime Minister ng Japan na si Takeo Fukuda para sa kanyang mga pagsisikap sa pagpapabuti ng relasyon ng Japan sa mga bansa sa timog-silangang Asya.

Ang Order of Sikatuna ay binuo noong 1953 at ibinibigay ng Pangulo ng Pilipinas sa mga indibidwal na nagbibigay ng natatanging serbisyo para sa bansa. Iginagawad din ito sa mga diplomats, opisyal at dayuhan na nagbigay-serbisyo na nakatulong sa pagpapabuti at pagpapatibay ng relasyon ng Pilipinas at ng bansa kung saan sila nakatalaga.

Tinanggap ni dating Prime Minister Yasuo Fukuda ang posthumous award para sa kanyang ama sa isang seremonya na ginanap sa Imperial Hotel sa Tokyo kamakailan.

Ayon sa parangal, ipinagkaloob kay Fukuda ang prestihiyosong parangal para sa kanyang “significant role in helping usher in an era of cooperation, peaceful relations, trust and friendship between Japan and ASEAN, through his articulation of the ‘Fukuda Doctrine’ on 18 August 1977 during his visit to Manila.”

“For his unequalled leadership in shaping and guiding Japan’s relations with the nations of Southeast Asia including the Philippines, such that Japan has become one of the staunchest supporters of ASEAN centrality and unity, regional stability, connectivity and overall development,” saad pa rito.


Si Fukuda ang ika-42 prime minister ng Japan na nanungkulan mula 24 Disyembre 24, 1976 hanggang Disyembre 7, 1978. Namatay siya dahil sa sakit na chronic emphysema sa edad na 90.

Linggo, Mayo 29, 2016

Pag-arkila ng Pilipinas sa eroplano ng Japan, tuloy na

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Japan Maritime Self-Defense Force
Tuluy na tuloy na ang pag-arkila ng Pilipinas sa mga retired training aircraft ng Japan para mag-patrolya sa South China Sea/West Philippine Sea matapos magkasundo ang dalawang bansa.

Ito ang kauna-unahang beses na magpapahiram ng military aircraft ang Japan sa ibang bansa.

Ayon kay Japanese Defense Minister Gen Nakatani, nagkasundo ang dalawang bansa na ipaarkila ng Japan Maritime Self-Defense Force ang limang TC-90 training aircraft nito sa Philippine Navy para mas palakasin ang maritime security capability ng Pilipinas sa gitna ng patuloy na gusot sa agawan ng teritoryo kontra China.
           
Kinumpirma nina Nakatani at Philippine Secretary of National Defense Voltaire T. Gazmin ang kasunduan sa pamamagitan ng pag-uusap sa telepono gabi ng Mayo 2.

“We are truly grateful for this reaffirmation by the Japanese government on the transfer of the TC-90 aircraft. We look forward to the eventual completion of this gracious collaboration. This will be a leap into our humanitarian assistance and disaster relief and maritime security awareness capabilities,” sabi ni Defense Spokesperson Peter Paul Galvez sa isang pahayag.

Sa ilalim ng batas, hindi maaaring ipahiram ng libre ng Japan ang mga eroplano kaya naman hinihiling ng Pilipinas na ito ay paarkilahan sa mas mababang halaga.

Ang TC-90 ay kabilang sa pamilya ng Beechcraft King Air aircraft. Humigit-kumulang doble nito ang flight range kumpara sa eroplanong ginagamit ng Philippine Navy na nasa 300 kilometro lamang.

Hindi natuloy ang pagbisita ni Nakatani sa Pilipinas noong huling bahagi ng Abril dahil sa lindol na tumama sa Kumamoto Prefecture.

Matatandaang lumagda sa isang kasunduan ang Japan at Pilipinas para sa Transfer of Defense Equipment and Technology noong Pebrero 29 kung saan binigyan ng pahintulot ng Pilipinas ang Japan para mag-supply ng kagamitang militar at teknolohiya.

Miyerkules, Enero 29, 2014

Japanese digital TV tech investments dadagsa sa Pilipinas


Ni Florenda Corpuz

Inaasahang dadagsa ang mga bagong kumpanyang Hapon na mamumuhunan sa digital TV technology sa Pilipinas dahil sa pag-adopt ng bansa sa Japanese ISDB-T o Integrated Service Digital Broadcasting – Terrestrial standard o DTV sa taong 2015.

Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez na inaasahang maraming mga kumpanyang Hapon ang magtatayo ng mga set up shops sa Pilipinas para mag-produce ng mga kagamitan tulad ng set-top boxes na kinakailangan sa mga TV sets na may analog tuners. Ang device na ito ang makakatanggap ng signal para sa digital TV at nagkakahalaga ng Php1,000.

“We expect to see some Japanese companies set up shop in the Philippines to produce things like set-top boxes and other items related to the digital TV and we can expect employment and opportunities for Filipinos in this area of business,” pahayag ni Lopez.

Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang paglipat ng Pilipinas sa Japanese digital TV standard mula sa analog system tulad ng 15 pang bansa. Pinili ito ng Pangulo sa halip ang European system dahil sa kapabilidad nito na magsagawa ng emergency broadcast sa panahon ng sakuna.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr., maaaring gamitin ng mga modernong mobile devices ang sistemang ito.

Dinagdag pa ni Lopez na umaasa rin ang Pilipinas na maaprubahan na ang automotive road map sa bansa kung saan inaasahang tataas ang aktibidades ng mga Japanese carmakers mula sa assembly patungo sa manufacturing.