Miyerkules, Pebrero 28, 2018

Japanese destroyer Amagiri dumaong sa Maynila para sa goodwill visit

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Philippine Navy
Dumating kamakailan sa Pilipinas ang isang Japanese naval destroyer para sa dalawang araw na goodwill visit.

Dumaong sa Pier 15, South Harbor sa Maynila ang barko ng Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF) na JS Amagiri (DD-154) na kabilang sa Asagiri-class (general type) destroyer, sakay ang isang SH-60J helicopter at humigit-kumulang sa 200 officials at crew members.

Ito ang unang pagbisita ng barko ng JMSDF sa bansa ngayong taon.

Nagsagawa ng customary meeting procedures ang barko ng Philippine Navy (PN) na BRP Rajah Humabon (PS11) sa Corregidor Island at hinatid ang JS Amagiri sa nakatalagang daungan para rito.

Mainit na sinalubong ng mga delegado ng PN ang JS Amagiri sa pangunguna ni Flag Officer In Command (FOIC) Capt. Ricardo Martin na sinundan ng port briefing tungkol sa kalusugan at seguridad habang sakay ng Japanese destroyer.

Katulad ng mga nakalipas na pagbisita ng mga Japanese destroyers sa Pilipinas, nagsagawa ng serye ng confidence-building activities ang Japanese navy at counterparts sa Philippine Navy tulad ng mga goodwill games, boodle fight at shipboard tour.

Isang send-off ceremony naman na may customary Passing Exercise (PASSEX) ang isinagawa sa pagtatapos ng port visit.

Layon ng goodwill visit na palakasin ang relasyon ng dalawang bansa at higit pang mapabuti at mapanatili ang pagsulong ng kapayapaan, katatagan, at maritime support ng Japan at Pilipinas sa pamamagitan ng diplomasya sa dagat.


Photo caption: Sinalubong ng mga delegado ng Philippine Navy sa pangunguna ni Flag Officer In Command Capt. Ricardo B. Martin ang mga opisyal at crew mwmbers ng JS Amagiri na dumaong sa Maynila kamakailan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento