Linggo, Mayo 29, 2016

Pag-arkila ng Pilipinas sa eroplano ng Japan, tuloy na

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Japan Maritime Self-Defense Force
Tuluy na tuloy na ang pag-arkila ng Pilipinas sa mga retired training aircraft ng Japan para mag-patrolya sa South China Sea/West Philippine Sea matapos magkasundo ang dalawang bansa.

Ito ang kauna-unahang beses na magpapahiram ng military aircraft ang Japan sa ibang bansa.

Ayon kay Japanese Defense Minister Gen Nakatani, nagkasundo ang dalawang bansa na ipaarkila ng Japan Maritime Self-Defense Force ang limang TC-90 training aircraft nito sa Philippine Navy para mas palakasin ang maritime security capability ng Pilipinas sa gitna ng patuloy na gusot sa agawan ng teritoryo kontra China.
           
Kinumpirma nina Nakatani at Philippine Secretary of National Defense Voltaire T. Gazmin ang kasunduan sa pamamagitan ng pag-uusap sa telepono gabi ng Mayo 2.

“We are truly grateful for this reaffirmation by the Japanese government on the transfer of the TC-90 aircraft. We look forward to the eventual completion of this gracious collaboration. This will be a leap into our humanitarian assistance and disaster relief and maritime security awareness capabilities,” sabi ni Defense Spokesperson Peter Paul Galvez sa isang pahayag.

Sa ilalim ng batas, hindi maaaring ipahiram ng libre ng Japan ang mga eroplano kaya naman hinihiling ng Pilipinas na ito ay paarkilahan sa mas mababang halaga.

Ang TC-90 ay kabilang sa pamilya ng Beechcraft King Air aircraft. Humigit-kumulang doble nito ang flight range kumpara sa eroplanong ginagamit ng Philippine Navy na nasa 300 kilometro lamang.

Hindi natuloy ang pagbisita ni Nakatani sa Pilipinas noong huling bahagi ng Abril dahil sa lindol na tumama sa Kumamoto Prefecture.

Matatandaang lumagda sa isang kasunduan ang Japan at Pilipinas para sa Transfer of Defense Equipment and Technology noong Pebrero 29 kung saan binigyan ng pahintulot ng Pilipinas ang Japan para mag-supply ng kagamitang militar at teknolohiya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento