Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tokyo Sky Tree. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tokyo Sky Tree. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Nobyembre 1, 2017

“1,000 Days To Go” countdown event, isasagawa

Ni Florenda Corpuz
Naglagay ng street banners sa Tokyo bilang paghahanda sa Tokyo 2020.
(Kuha mula sa Tokyo 2020)
Magsasagawa ng “1,000 Days To Go” countdown event ang mga organizers ng Tokyo 2020 Olympic and Paralympic Games sa Nihonbashi sa Oktubre 28 at sa Tokyo Sky Tree sa Nobyembre 29.

Papalamutian ng mga bagong promotional graphics ng Tokyo 2020 ang pangunahing kalye ng pamosong Nihonbashi district na magiging malaking sports field sa araw na iyon. Magpapakitang-gilas din ang mga atleta habang maaari naman matutuhan ng mga manonood ang ilan sa mga sports na isasali sa Olympic Games sa unang pagkakataon. Magkakaroon din ng Olympic Concert.

Iilawan naman ang Tokyo Sky Tree – ang pinakamataas na free-standing tower sa buong mundo sa taas na 634 na metro – ng tatlong kulay ng “Agitos” na Paralympic symbol.

Gagamitin ang pitong bagong graphics – dalawa para sa Olympic-related promotion, dalawa para sa Paralympic-related promotion at tatlo para sa alinman sa dalawa – sa mga posters, banners at merchandise sa iba’t ibang lugar sa lungsod kasabay ng isang buwang pagdiriwang.

Mag-oorganisa rin ng iba’t ibang cultural, sporting at educational events sa buong Japan na may layong mapanatili ang momentum sa Olimpiyada at mahikayat ang pakikilahok ng publiko sa selebrasyon.

Martes, Enero 10, 2017

Pinakamalaking inbound tourism promotion inilunsad ng JNTO London

Ni Jovelyn Javier

Kuha mula sa Visit Japan website

Pinamagatang “Japan―Where tradition meets the future” ang pinakabagong large-scale campaign ng Japan na inilusad at inumpisahan ngayong Nobyembre sa opisina ng Japan National Tourism Organization (JNTO) sa London, England. Bahagi pa rin ito ng “Visit Japan” project ng JNTO.

Layunin nitong itaas pa ang tourism demand papasok ng bansa mula sa mga European tourists na mula sa 15 bansa sa Europa gaya ng United Kingdom, Italy, France, Spain, Germany, Sweden, Norway, Netherlands, Denmark, Poland, Finland, Austria, Turkey, Israel, at Belgium.

“So far, the number of European visitors to Japan is not so big, compared with China or South East Asia. But it is growing steadily, last year we enjoyed over 100,000 passengers,” pahayag ni Akira Nakamura, Senior Vice President ng All Nippon Airways -- Europe, Middle East, Africa.

 “When the Tokyo Olympics is held we are aiming for 40 million visitors and $80 billion US in spending. These are very challenging figures we are now working to achieve,” pahayag ni Ryoichi Matsuyama, JNTO president, sa Euronews.

Napag-alaman, batay sa resulta ng pagsisiyasat sa mga turista, na ang pinupuntahan nila sa Japan ang kakaiba ngunit magkatugmang kumbinasyon ng “tradition” at “innovation.”

Maliban sa tradition at innovation, tinukoy din na pangunahing konsepto nito ang dalawang keywords na “identity” at “authenticity” na pangunahing key points din sa mga kampanyang gagawin para isulong ang Japan bilang lugar ng kaganapan ng 2019 Rugby World Cup at 2020 Olympics.

Maliban sa iba’t ibang klase ng anunsiyo na makikita sa telebisyon, internet, mga lugar ng transportasyon, sinehan, shopping malls, at iba pang pangunahing lugar sa mga  nasabing bansa ay tampok din ang isang tatlong minutong interactive movie bilang pangunahing campaign content,  na ginawa pa ni German filmmaker Vincent Urban, na siya rin  producer ng “In Japan – 2015.”

Tampok sa short movie ang iba’t ibang bird’s eye view scenes mula sa 45 lokasyon sa bansa mula sa perspektibo ng isang European traveler. Nagsisimula ito sa mga pangunahing modern landmarks gaya ng Tokyo Tower at Tokyo Skytree, gayon din ang mga video arcade sa electronic town Akihabara, humanoid robot sa National Museum of Emerging Science and Innovation, at ilustrasyon ng karaniwang pang-araw-araw na pamumuhay sa discount shopping destination na Don Quijote at “yokocho” o kalye ng mga magkakatabing izakaya.

Nariyan din ang marilag na tanawin ng Dorokyo gorge sa Wakayama prefecture, pilgrimage routes sa Kumano Kodo at ang matayog na Great Buddha hall sa Todaji Temple sa Nara prefecture.

Pagdating naman sa tradisyonal na kultura ay ilan lamang ang Buddhist rites, chado (tea ceremony), kyudo (Japanese archery) at mochi rice-cake pounding sa mga itinampok dito.


Martes, Disyembre 24, 2013

Christmas illuminations in Tokyo

 Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Din Eugenio
Taun-taon tuwing sasapit pa lamang ang buwan ng Nobyembre ay pinakaaabangan na ng mga Tokyoites ang mga Christmas illuminations sa buong siyudad. Ito ay isa sa mga palatandaan nang pagpasok ng malamig na panahon at nagiging bahagi ng nakakamanghang winter cityscape ng Tokyo.

Narito ang ilang lugar sa Tokyo na maaaring pasyalan kung nais makakita ng mga maniningning at makukulay na Christmas illuminations ngayong 2013:

1. Ebisu Garden Place – Tampok dito ang kaaki-akit na “Baccarat Eternal Lights” kung saan may nakalatag na mahabang red carpet patungo sa 5-meter-tall crystal chandelier tower na siyang pinakatampok na atraksyon ng lugar. Bukas ito sa publiko hanggang Enero 13, 2014 mula 4 p.m. hanggang 11 p.m.

2. Tokyo Midtown – Popular sa kanilang “Starlight Garden,” ang malawak na Midtown Garden ay naiilawan ng aabot sa 280,000 blue LEDs. Ang pinaka-highlight ng atraksyon ay ang 360-degree arch of light na bumabalot sa buong hardin at sinasabayan ng musika habang gumagalaw. Bukas ito sa lahat hanggang Disyembre 25 mula 5 p.m. hanggang 11 p.m.

3. Roppongi Hills – Ngayong taon ipinagdiriwang ng pinaka-popular na “city within a city” sa Tokyo ang kanilang ika-10 anibersaryo kung saan tampok ang “Roppongi Hills 10th Anniversary Christmas” illumination event. Tatlong bahagi ng lugar ang nilagyan ng pailaw na nagsisimula sa Keyakizaka Street patungo sa Mori Garden at sa 66 Plaza. Pamilyar na atraksyon na sa mga turista ang asul at puting pailaw sa paligid ng Roppongi Hills ngunit ito ay pinatingkad pa ng three-coloured light show na tinawag na “Red, Umber, Candle” na binubuksan tuwing unang sampung minuto ng bawat oras. Bukas ito sa publiko hanggang Disyembre 25 mula 5 p.m. hanggang 11 p.m.

4. Marunouchi – Bukod sa mga mamahaling tindahan at kainan, popular din ang lugar na ito dahil sa winter illumination na makikita sa kahabaan ng Nakadori Street. Nagsisimula ang pailaw dito buwan ng Oktubre na tatagal hanggang Pebrero 16, 2014. Masisilayan ito mula 5 p.m. hanggang 11 p.m.

5. Shiodome – Ang “White Christmas in the Sea” ang tampok na atraksyon sa Shiodome shopping complex ngayong kapaskuhan. Pinagsama ang Christmas lights at marine life upang makalikha ng isang underwater world sa Caretta Plaza. May interactive 3D projection mapping din na inilagay dito. Bukas ito sa publiko hanggang Disyembre 25 mula 5 p.m. hanggang 10:30 p.m.

6. Odaiba – Sa Odaiba Kaihin Park, makikitang nakatayo ang Daiba Memorial Tree mula hanggang Marso 16, 2014 na siyang atraksyon ng man-made island. Ito ay popular na destinasyon ng mga magsing-irog kung saan matatanaw din ang ganda ng Rainbow Bridge at Tokyo Tower. Masisilayan ito mula 5 p.m. hanggang alas-dose ng gabi.

7. Ginza – Sa kahabaan ng Chuo Street ay makikita ang mga nakailaw na Christmas trees kasama na ang Mikimoto Jumbo Christmas Tree na nakadagdag sa ganda ng shopping district. Makikita ito hanggang Disyembre 25 mula 11 a.m hanggang 10 p.m.

8. Tokyo Dome City – Ito na marahil ang pinakamalaking Christmas illumination sa siyudad dahil sa mahigit sa dalawang milyong light display na nakailaw sa buong arena. Ito ay magtatagal hanggang Pebrero 16, 2014 mula 5 p.m. hanggang 1 a.m.

9. Tokyo Tower – Hindi man sinlaki ng ibang Christmas illuminations sa siyudad, hindi naman matatawaran ang dami ng mga taong nais masilayan ang pailaw sa iconic landmark na ito ng Tokyo. Ang natatanging kumbinasyon ng night view at well-designed light displays ang tampok na atraksyon dito pati na rin ang 12-meter Christmas tree na nagbi-blink sa saliw ng mga Christmas carols kada 30 minuto. Bukas ito sa publiko hanggang Disyembre 25 mula 4 p.m. hanggang 10 p.m.

10. Tokyo Sky Tree – Lalo pang tumingkad ang ganda ng pinakamataas na tore sa buong mundo dahil sa humigit kumulang sa kalahating milyong LED lights na naka-decorate sa daanan na kumukonekta sa Sky Tree, Tokyo Sky Tree Station at Oshiage Station. Bukas ito hanggang Enero 31, 2014.