Ni
Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio |
Taun-taon tuwing sasapit pa
lamang ang buwan ng Nobyembre ay pinakaaabangan na ng mga Tokyoites ang mga
Christmas illuminations sa buong siyudad. Ito ay isa sa mga palatandaan nang pagpasok
ng malamig na panahon at nagiging bahagi ng nakakamanghang winter cityscape ng
Tokyo.
Narito ang ilang lugar sa Tokyo
na maaaring pasyalan kung nais makakita ng mga maniningning at makukulay na
Christmas illuminations ngayong 2013:
1.
Ebisu Garden Place –
Tampok dito ang kaaki-akit na “Baccarat Eternal Lights” kung saan may nakalatag
na mahabang red carpet patungo sa 5-meter-tall crystal chandelier tower na
siyang pinakatampok na atraksyon ng lugar. Bukas ito sa publiko hanggang Enero
13, 2014 mula 4 p.m. hanggang 11 p.m.
2.
Tokyo Midtown – Popular
sa kanilang “Starlight Garden,” ang malawak na Midtown Garden ay naiilawan ng
aabot sa 280,000 blue LEDs. Ang pinaka-highlight ng atraksyon ay ang 360-degree
arch of light na bumabalot sa buong hardin at sinasabayan ng musika habang
gumagalaw. Bukas ito sa lahat hanggang Disyembre 25 mula 5 p.m. hanggang 11
p.m.
3.
Roppongi Hills – Ngayong
taon ipinagdiriwang ng pinaka-popular na “city within a city” sa Tokyo ang
kanilang ika-10 anibersaryo kung saan tampok ang “Roppongi Hills 10th
Anniversary Christmas” illumination event. Tatlong bahagi ng lugar ang nilagyan
ng pailaw na nagsisimula sa Keyakizaka Street patungo sa Mori Garden at sa 66
Plaza. Pamilyar na atraksyon na sa mga turista ang asul at puting pailaw sa
paligid ng Roppongi Hills ngunit ito ay pinatingkad pa ng three-coloured light
show na tinawag na “Red, Umber, Candle” na binubuksan tuwing unang sampung
minuto ng bawat oras. Bukas ito sa publiko hanggang Disyembre 25 mula 5 p.m.
hanggang 11 p.m.
4.
Marunouchi – Bukod
sa mga mamahaling tindahan at
kainan, popular din ang lugar na ito dahil sa winter illumination na makikita sa
kahabaan ng Nakadori Street. Nagsisimula ang pailaw dito buwan ng Oktubre na
tatagal hanggang Pebrero 16, 2014. Masisilayan ito mula 5 p.m. hanggang 11 p.m.
5.
Shiodome – Ang “White
Christmas in the Sea” ang tampok na atraksyon sa Shiodome shopping complex
ngayong kapaskuhan. Pinagsama ang Christmas lights at marine life upang
makalikha ng isang underwater world sa Caretta Plaza. May interactive 3D projection
mapping din na inilagay dito. Bukas ito sa publiko hanggang Disyembre 25 mula 5
p.m. hanggang 10:30 p.m.
6.
Odaiba – Sa Odaiba
Kaihin Park, makikitang nakatayo ang Daiba Memorial Tree mula hanggang Marso
16, 2014 na siyang atraksyon ng man-made island. Ito ay popular na destinasyon
ng mga magsing-irog kung saan matatanaw din ang ganda ng Rainbow Bridge at
Tokyo Tower. Masisilayan ito mula 5 p.m. hanggang alas-dose ng gabi.
7.
Ginza – Sa kahabaan
ng Chuo Street ay makikita ang mga nakailaw na Christmas trees kasama na ang
Mikimoto Jumbo Christmas Tree na nakadagdag sa ganda ng shopping district. Makikita
ito hanggang Disyembre 25 mula 11 a.m hanggang 10 p.m.
8.
Tokyo Dome City – Ito
na marahil ang pinakamalaking Christmas illumination sa siyudad dahil sa mahigit
sa dalawang milyong light display na nakailaw sa buong arena. Ito ay magtatagal
hanggang Pebrero 16, 2014 mula 5 p.m. hanggang 1 a.m.
9.
Tokyo Tower – Hindi
man sinlaki ng ibang Christmas illuminations sa siyudad, hindi naman matatawaran
ang dami ng mga taong nais masilayan ang pailaw sa iconic landmark na ito ng
Tokyo. Ang natatanging kumbinasyon ng night view at well-designed light displays
ang tampok na atraksyon dito pati na rin ang 12-meter Christmas tree na nagbi-blink
sa saliw ng mga Christmas carols kada 30 minuto. Bukas ito sa publiko hanggang
Disyembre 25 mula 4 p.m. hanggang 10 p.m.
10.
Tokyo Sky Tree – Lalo
pang tumingkad ang ganda ng pinakamataas na tore sa buong mundo dahil sa humigit kumulang sa kalahating milyong LED lights na
naka-decorate sa daanan na kumukonekta sa Sky Tree, Tokyo Sky Tree Station at
Oshiage Station. Bukas ito hanggang Enero 31, 2014.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento