Ipinapakita ang mga post na may etiketa na real estate. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na real estate. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Hunyo 6, 2017

Anim na magagandang investments para sa OFWS

Ni MJ Gonzales


Ang kumita ng pera ay hindi biro lalo na kung ang trabaho mo ay sa  labas ng Pilipinas.  Pero maraming Pinoy pa rin ang nakikipagsapalaran para sa magandang oportunidad.  Kaya naman para sulit ang hirap, hindi lamang dapat puro  sahod ang naitatabi.  Dapat ay yaman na mapapakinabangan nang pangmatagalan at para sa kinabukasan ng pamilya.  Anu-ano nga ba ang nababagay na investments sa Pilipinas para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs)?

Real estate

Kung mayroong matagal na klaseng investment na nababagay sa mga OFWs ay isa na rito ang real estate.  Kumpara sa iba, sa real estate ay may pisikal na ari-arian na titulado at mapapakinabangan.   Ayon pa nga sa Philippine Statistics Authority (PSA), noong nakaraang taon ay ang aspetong ito ang naging isa sa susi sa malagong ekonomiya ng Pilipinas.  

Ilang suhestiyon para kumita sa real estate investments ay bumili ng property para gawing paupahan o i-develop para ibenta sa mas malaking halaga. Kung babalikan ang ulat ng PSA na 6.6% ang inilago ng  real estate business  at salik dito ang mga banyaga sa  Pilipinas.  Ang mga ito ay nangangailangan ng pansamantalang matitirhan habang nagbabakasyon, nagtatrabaho o nagnenegosyo.

Mutual fund, bonds, at trust funds

Depende sa lakas ng loob, bagay din sa mga OFWs ang paglalagak ng pera sa isang “investment vehicle.” Ang mga halimbawa nito ay stock market, mutual fund, bonds, at Unit Investment Trust Funds (UITF). Ang hangarin dito ay mapalago ang ipinupuhunan na pera ng investors ng katuwang na financial company o gobyerno. 

Ang pera sa mutual funds ay pamamahalaan ng fund managers na siyang bahala kung paano at saan magandang mag-invest.  Bagaman kahit hindi na masyadong kailangang i-monitor ito, ma-access online ang mutual fund account, na madalas ay insurance company. Ilan sa nag-aalok nito ay ang Philam Strategic Growth Fund, Sun Life Prosperity Philippine Equity Fund, at First Metro Save and Learn Equity Fund.

Samantala, wala  namang   halos  ipinagkaiba sa  proseso  ng  mutual  funds  sa  UITF na may fund manager  din na  bahala  sa “per unit” na investment. Ito namang uri ng investment vehicle ay mga bangko ang naghahatid gaya na lamang ng BPI, BDO, Union Bank, EastWest Bank, PNB, Chinabank, Metrobank, at Security Bank.

Ang bonds ay may pagkakahawig  sa bank time deposit account pero mas malaki ang interes, may moderate risk, at ang makakasama rito ay mga korporasyon na. Kung baga, ang korporasyon ang hihiram sa investor na nakapaloob sa bond.  Para naman makakuha nito ay kailangan din dumaan sa mga ilang bangko na nag-aalok nito.  Samantala, sa Retail Treasury Bonds ay gobyerno ng Pilipinas ang nag-aalok at ito ay isang medium to long term na investment.

Stock market at business

Mas risky ang stock market at pagtatayo ng sariling business pero maaaring malaki rin ng balik ng pera. Ang kita sa pagbili ng share sa isang publicly traded company ay dedepende sa lagay nito sa merkado.  Mamo-monitor na rin ang stock market account online o sa tulong ng personal broker.

Samantala, ang pagtatayo ng negosyo ay bagay  din naman sa mga OFWs pero kumporme kung ano, sino ang katuwang, at  paano ito palalaguin.   

Linggo, Enero 8, 2017

2nd Philippine Property Expo in Japan gains more interest from the Filipino community


Lalong lumaki ang interes ng maraming Pilipino na nasa Japan sa katatapos lamang na 2nd Philippine Property Expo na ginanap sa Tokyo Garden Terrace Kioicho kung saan humigit-kumulang sa 400 Pilipino ang dumalo.

Mas mataas ang bilang ng mga dumalo na Pilipino sa naturang expo kumpara noong una itong ginawa nitong Hulyo 31 na nasa mahigit 300 katao na inorganisa rin ng IPS. Nagpapakita lamang ito ng lumalawak na interes ng maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Japan na ilagay sa tamang investments ang perang kanilang kinikita sa pagtatrabaho sa Japan.

Kabilang sa mga exhibitors ang Aboitiz Land sa pangunguna ni Joey Zamora, Assistant Vice President; DMCI sa pangunguna ni Christina Perilla, International Lead Broker; Robinsons Land sa pangunguna ni Kmar PeƱaflorida, Area Manager; Alveo Land sa pangunguna ni Clod Figueroa, Senior Area Sales Director; at SMDC sa pangunguna ni Royce Pellerin, Marketing Partner mula sa Transtech.

Isa-isang ibinida ng exhibitors ang iba’t ibang land properties na kanilang ibinibenta sa Pilipinas kung saan ang ilang units ay nagkakahalaga sa ¥10,000 pataas kada buwan na ikinamangha ng maraming Pilipino na nais bumili.

Dahil dito, naging masaya ang mga sumaling exhibitors dahil sa tagumpay ng ikalawang expo kaya maaga pa lamang ay agad na silang nagpahayag ng kanilang kagustuhan na maging bahagi ng susunod na expo na gaganapin sa Marso ng susunod na taon.

Ikinatuwa rin ng mga dumalo ang pagdating ng sikat na Kapuso actress na si Camille Prats na magiliw na nagkuwento kung paano siya nag-invest sa ilang properties sa Pilipinas. Hinikayat din ng magandang dalaga, na endorser din ng Shinagawa Lasik & Aesthetics-Philippines, ang mga dumalong Pilipino na bumili ng ari-arian habang nagtatrabaho at may kinikita pa sila.

“I started working at the age of 7 kasi gusto ko po talaga mag-artista so I worked hard para matupad ko po ang mga pangarap ko. Kagaya niyo rin po ako, I’m sure, na mayroong mga pangarap para sa ating pamilya at mahal sa buhay.

“So I invested in a condo, apat na taon ko po iyon hinulugan. Sobra po akong nagtipid kasi nakatatak po sa isip ko iyong babayaran ko every month. Na-realize ko po na talagang dapat ginawa ko iyon habang bata pa ako, habang kaya pa ho ng katawan ko, at may projects pa akong ginagawa.

“Ngayon, tapos ko na po iyon [condo] bayaran. And I’m really glad that I was able to do that kasi kung hindi, wala po siguro akong naipundar na maipapamana ko sa anak ko,” pahayag ng aktres na nagpaunlak din ng Q&A at photo op.

Iginiit din ng aktres ang kahalagahan ng mayroong sariling bahay na matutuluyan na isang katibayan umano ng pagsisikap at pagsasakripisyo ng maraming OFWs na mangibang-bansa upang may maibigay na magandang kinabukasan sa pamilya.

“Masarap po sa pakiramdam na pag-uwi niyo sa Pilipinas, may matitirhan kayo. You’ll see the fruit of your labor. Kampante po kayo na kahit na tumanda kayo mayroon kayong matutuluyan na alam niyong sa inyo at hindi  po kayo mapapaalis kasi po sa inyo iyan, bahay niyo iyan,” dagdag pa ni Camille na sinang-ayunan ng maraming Pilipino na naroroon.

Bukod kay Camille, nagbigay din ng maikling mensahe si Dino Galida na mula sa Office of the President. Ipinaliwanag ni Galida, na tubong Davao City, ang ilang plano at proyekto ng administrasyong Duterte.

“When we speak about public agenda, our President Rodrigo Duterte is doing a lot of jobs and trying his best to lift up the condition of the Filipino people and its community by achieving peace and order, fighting drugs to pressing lawless elements among others.”

Nagkaroon din ng raffle prizes kung saan ilang Pilipino ang nag-uwi ng gift certificates mula sa Shinagawa Lasik & Aesthetics, iPad Mini, Quo Card (¥5,000), at round trip ticket sa Pilipinas mula sa Philippine Airlines.


Tumayong host ng naturang event si John Nite na naging bahagi ng “Walang Tulugan” show ng yumaong German Moreno.

Martes, Disyembre 6, 2016

Nasaan ka nga ba lima o 10 taon mula ngayon?

ni MJ Gonzales


Bakit nga ba noong naghahanap pa lang ng trabaho ay pursigido tayong  makamit ang ating mga pangarap?  Subalit, kapag kumikita naman na ay natutuksong bumili ng mamahaling gadgets, gumimik ng gumimik o gumastos para sa iba’t ibang bagay. Sa bandang dulo naman ay napapatanong na lang tayo kung  bakit parang ang layo-layo ng ating mga pangarap? Nasaan ka nga ba lima o 10 taon mula ngayon? Mayroon ka na kayang sariling bahay?   

Ilagay sa tama ang iyong pera

Kung tutuusin ay konektado ang oras at pera para makamit ng isang tao ang kanyang pinakamimithi sa buhay.  Maaaring sa ngayon ay kumikita tayo ng sapat, nakakukuha ng kaliwa’t kanang sideline, at kakayanin pang mag-overtime kung kinakailangan. Pero hanggang kailan?

Mabilis ang takbo ng oras, hindi na natin namamalayan na nagkakaedad na rin tayo, mayroon ng sariling pamilya, at sa kaunting panahon na  lamang ay  magreretiro na.  Sana nga lang ay nasa mas mabuting kundisyon at lugar na sa nalalapit na hinaharap.

Para sa mga result-oriented na tao, professional man o hindi, walang imposibleng pangarap basta’t masusing pinag-aaralan ang mga hakbang.  Hindi rin puro plano kundi gumagawa ng  kunkretong aksyon para makamit ang pangarap sa takdang panahon.  Magkaibang bagay ang sumasahod nang malaki pero dumadaan lamang sa palad kaysa sa kumikita at inilalagay sa tamang  lugar ang kanyang pera. 

Isang magandang halimbawa nito ay ang pag-i-invest para makabili nang maayos at magandang bahay.  Ito ay uri ng ari-arian na pangangailangan ninuman at mabibili paunti-unti depende sa iyong kakayahan. Tipo bang mainam na pagganyak sa iyong pagtitiyaga at pagbabanat ng buto.  Para bang sarap tawagin na “katas  ng pagiging empleyado” o  ng “pag-a-abroad” kapag hawak mo na ang susi at titulo.

Ano bang ideal place mo?    

Bawat tao ay may kanya-kanyang gusto na nababagay sa kanyang istilo ng pamumuhay. Mas detalyado sa klase ng bagay, kundisyon o lugar ang iyong nais makamit ay mas mainam.  Dito mo rin kasi mas klarong mapagtatanto kung anu-anong hakbang ang iyong pwede at kakayaning gagawin. Bukod pa riyan ay malalaman mo rin kung gaano ba kahaba o kaiksi ang iyong igugugol na panahon.  Halimbawa ay sa pagkuha ng condo unit, may terms na 5, 10, o mas mahaba pang taon.  Depende rin ang presyo nito sa laki ng floor area, may garahe o hardin ba?

Siyempre maigi na isama sa pag-aanalisa kung alin-alin ang pinakamainam na pamuhunan. Mahirap iyong kahit saan na lamang at kung alin lamang ang sikat sa inyong lugar. Hindi madaling kumita ng pera at nasasayang ang panahon sa pag-i-invest sa maling property. 
Kasama nga dapat sa paghahanap ng mga bagay ng gusto mo ay kung sino ba ang iyong malalapitan.  Sa real estate, may mga respetadong kumpanya. Mayroon klase rin ng lugar na maganda nga ang pagkakagawa pero kulang naman sa seguridad at mahirap ang lagay ng transportasyon.  

Mayroon naman na akala mo ay makakamura ka pero mapapamahal ka pala sa huli dahil sa mga hidden and other charges. Ganito rin naman sa iba pang klase ng investments.  Kailangan mong mapagtanto kung saan sigurado at may patutunguhang mabuti ang iyong pera.  Hindi lamang nakapanghihinayang sa bulsa ang walang kasiguraduhang investment kundi pagtatapon din ng mga taon ng iyong mga pangarap.


Nasaan ka na nga ba lima o 10 taon mula ngayon? Mas madali at klaro mo itong masasagot kung ngayon pa lang ay mayroon kang alam na dapat paglaanan. Alam mo na rin kung saan tamang ilagay ang iyong perang pinaghihirapan.  

Miyerkules, Oktubre 26, 2016

Kasal-Kasali-Magkabahay: Bakit tamang mag-invest sa real estate kaysa mangupahan?

ni MJ Gonzales


Kapag sarili o pagmamay-ari ninyo ang inyong bahay, hindi ba’t napakasarap na tawaging “aming tahanan” ito? Ito ay ibang-iba kung ikaw ay nangungupahan o nakikipisan lamang. Kaya naman magandang paglaanan ang pagkakaroon ng sariling bahay para sa pamilya.

Totoo rin na sa panahon ngayon ay mahirap at napakamahal magkaroon ng bahay. Kailangan mong maghigpit ng sinturon at gawin ang lahat ng paraan para mas lumaki ang iyong kita para maunti-unti ang pagtatayo ng pangarap mong bahay. Hanggang bata ka pa at kumikita ay mainam na unahin ang pag-iipon sa pagtatayo ng bahay kaysa sa mga bagay na madaling bumaba ang value.

Bakit nga ba tama rin na mag-invest sa real estate ang mag-asawa o magiging magkabiyak pa lamang?

Temporary vs. permanent house

Kadalasan sa anumang application forms ay kailangang sagutin mo kung ano ang iyong “current address” at “permanent address.” Kung iisa ang iyong permanente at kasalukuyang address ay maaaring simpleng “same” o pareho lamang ang iyong isusulat sa form.  Subalit, kung magkaiba ay hindi ba’t pinaalala lamang nito na tumitira o nakikipisan kayo  sa bahay ng iba?  Baka nga sa susunod ay iba na ulit ang numero, kalye, at lungsod na ilalagay mo.

Sa realidad ay marami talagang mag-asawa ang nagsisimulang  mangupahan dahil sa sumusunod na kadahilanan:

  • Para makabukod kaagad sa kani-kanilang pamilya. Ito ay para na rin makaiwas sa away o anumang negatibong isyu  sa magkakamag-anak.


  • Para manirahan malapit sa trabaho, paaralan, at pamilihan. Ito ay lalo na’t parehong nagtatrabaho ang mag-asawa.


  • ·   Para makapagsimula ng bago at tumayong mag-isa bilang mag-asawa. Iba rin ang may kalayaan kayong magdesiyon para sa inyong plano. Ang inyo lamang pinagtutuunan ng pansin ay para sa inyong kapakanang  mag-asawa o bilang pamilya.

Ang buhay-renter at ang buhay-house owner

Bago man o medyo matagal na, mahirap pa rin sa isang magkabiyak ang mag-budget. Ang  buhay-renter ay hindi lamang nangangahulugan ng pagbabayad ng buwan-buwan. Ang halaga nito ay maaaring tumaas pa depende sa pulisiya  ng may-ari ng bahay.  

Bukod pa rito ay kailangan din na ireklamo at ipagbigay alam pa sa landlady o landlord kapag may kailangang ipagawa. Sa madaling sabi, ikaw na ang naabala at ikaw pa rin ang gagastos sa nasira. Siyempre ay wala pa riyan ang uri ng kapaligiran at pakikisama na kailangan n’yong gawin. Maaaring hindi ma-enjoy ang pribadong oras o kaya naman ang iyong landlady ay parang kontrabida sa mga teleserye kung makapaningil.

Maaaring magastos nga ang bumili ng sariling bahay, condo unit o mag-invest sa real estate. Subalit, ang mga bagay na ikinukunsidera mong abala ngayon ay siya palang magbibigay sa iyo ng ginhawa sa darating na panahon.

Ang pagsasama ng kita, pag-iipon, at pagba-budget ng mag-asawa ay dapat na napupunta sa kanilang magkatuwang na investment.  Isa pa’y ang ang sariling bahay ay nagbibigay ng seguridad na may disente kayong bahay na uuwian, pagbibigay ng tuldok sa walang katapusang paglipat ng bahay, at higit sa lahat ay may matatawag na tahanan para sa inyong pamilya.