Lalong lumaki ang interes ng
maraming Pilipino na nasa Japan sa katatapos lamang na 2nd
Philippine Property Expo na ginanap sa Tokyo Garden Terrace Kioicho kung saan humigit-kumulang
sa 400 Pilipino ang dumalo.
Mas mataas ang bilang ng mga dumalo
na Pilipino sa naturang expo kumpara noong una itong ginawa nitong Hulyo 31 na
nasa mahigit 300 katao na inorganisa rin ng IPS. Nagpapakita lamang ito ng
lumalawak na interes ng maraming Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Japan na
ilagay sa tamang investments ang perang kanilang kinikita sa pagtatrabaho sa Japan.
Kabilang sa mga exhibitors ang
Aboitiz Land sa pangunguna ni Joey Zamora, Assistant Vice President; DMCI sa pangunguna
ni Christina Perilla, International Lead Broker; Robinsons Land sa pangunguna
ni Kmar PeƱaflorida, Area Manager; Alveo Land sa pangunguna ni Clod Figueroa,
Senior Area Sales Director; at SMDC sa pangunguna ni Royce Pellerin, Marketing
Partner mula sa Transtech.
Isa-isang ibinida ng exhibitors
ang iba’t ibang land properties na kanilang ibinibenta sa Pilipinas kung saan ang
ilang units ay nagkakahalaga sa ¥10,000 pataas kada buwan na ikinamangha ng maraming
Pilipino na nais bumili.
Dahil dito, naging masaya ang mga
sumaling exhibitors dahil sa tagumpay ng ikalawang expo kaya maaga pa lamang ay
agad na silang nagpahayag ng kanilang kagustuhan na maging bahagi ng susunod na
expo na gaganapin sa Marso ng susunod na taon.
Ikinatuwa rin ng mga dumalo ang
pagdating ng sikat na Kapuso actress na si Camille Prats na magiliw na nagkuwento
kung paano siya nag-invest sa ilang properties sa Pilipinas. Hinikayat din ng
magandang dalaga, na endorser din ng Shinagawa Lasik &
Aesthetics-Philippines, ang mga dumalong Pilipino na bumili ng ari-arian habang
nagtatrabaho at may kinikita pa sila.
“I started working at the age of
7 kasi gusto ko po talaga mag-artista so I worked hard para matupad ko po ang
mga pangarap ko. Kagaya niyo rin po ako, I’m sure, na mayroong mga pangarap
para sa ating pamilya at mahal sa buhay.
“So I invested in a condo, apat
na taon ko po iyon hinulugan. Sobra po akong nagtipid kasi nakatatak po sa isip
ko iyong babayaran ko every month. Na-realize ko po na talagang dapat ginawa ko
iyon habang bata pa ako, habang kaya pa ho ng katawan ko, at may projects pa
akong ginagawa.
“Ngayon, tapos ko na po iyon
[condo] bayaran. And I’m really glad that I was able to do that kasi kung
hindi, wala po siguro akong naipundar na maipapamana ko sa anak ko,” pahayag ng
aktres na nagpaunlak din ng Q&A at photo op.
Iginiit din ng aktres ang
kahalagahan ng mayroong sariling bahay na matutuluyan na isang katibayan umano
ng pagsisikap at pagsasakripisyo ng maraming OFWs na mangibang-bansa upang may
maibigay na magandang kinabukasan sa pamilya.
“Masarap po sa pakiramdam na pag-uwi
niyo sa Pilipinas, may matitirhan kayo. You’ll see the fruit of your labor.
Kampante po kayo na kahit na tumanda kayo mayroon kayong matutuluyan na alam
niyong sa inyo at hindi po kayo
mapapaalis kasi po sa inyo iyan, bahay niyo iyan,” dagdag pa ni Camille na
sinang-ayunan ng maraming Pilipino na naroroon.
Bukod kay Camille, nagbigay din
ng maikling mensahe si Dino Galida na mula sa Office of the President. Ipinaliwanag
ni Galida, na tubong Davao City, ang ilang plano at proyekto ng administrasyong
Duterte.
“When we speak about public
agenda, our President Rodrigo Duterte is doing a lot of jobs and trying his
best to lift up the condition of the Filipino people and its community by achieving
peace and order, fighting drugs to pressing lawless elements among others.”
Nagkaroon din ng raffle prizes kung
saan ilang Pilipino ang nag-uwi ng gift certificates mula sa Shinagawa Lasik
& Aesthetics, iPad Mini, Quo Card (¥5,000), at round trip ticket sa
Pilipinas mula sa Philippine Airlines.
Tumayong host ng naturang event
si John Nite na naging bahagi ng “Walang Tulugan” show ng yumaong German Moreno.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento