Miyerkules, Oktubre 26, 2016

Kasal-Kasali-Magkabahay: Bakit tamang mag-invest sa real estate kaysa mangupahan?

ni MJ Gonzales


Kapag sarili o pagmamay-ari ninyo ang inyong bahay, hindi ba’t napakasarap na tawaging “aming tahanan” ito? Ito ay ibang-iba kung ikaw ay nangungupahan o nakikipisan lamang. Kaya naman magandang paglaanan ang pagkakaroon ng sariling bahay para sa pamilya.

Totoo rin na sa panahon ngayon ay mahirap at napakamahal magkaroon ng bahay. Kailangan mong maghigpit ng sinturon at gawin ang lahat ng paraan para mas lumaki ang iyong kita para maunti-unti ang pagtatayo ng pangarap mong bahay. Hanggang bata ka pa at kumikita ay mainam na unahin ang pag-iipon sa pagtatayo ng bahay kaysa sa mga bagay na madaling bumaba ang value.

Bakit nga ba tama rin na mag-invest sa real estate ang mag-asawa o magiging magkabiyak pa lamang?

Temporary vs. permanent house

Kadalasan sa anumang application forms ay kailangang sagutin mo kung ano ang iyong “current address” at “permanent address.” Kung iisa ang iyong permanente at kasalukuyang address ay maaaring simpleng “same” o pareho lamang ang iyong isusulat sa form.  Subalit, kung magkaiba ay hindi ba’t pinaalala lamang nito na tumitira o nakikipisan kayo  sa bahay ng iba?  Baka nga sa susunod ay iba na ulit ang numero, kalye, at lungsod na ilalagay mo.

Sa realidad ay marami talagang mag-asawa ang nagsisimulang  mangupahan dahil sa sumusunod na kadahilanan:

  • Para makabukod kaagad sa kani-kanilang pamilya. Ito ay para na rin makaiwas sa away o anumang negatibong isyu  sa magkakamag-anak.


  • Para manirahan malapit sa trabaho, paaralan, at pamilihan. Ito ay lalo na’t parehong nagtatrabaho ang mag-asawa.


  • ·   Para makapagsimula ng bago at tumayong mag-isa bilang mag-asawa. Iba rin ang may kalayaan kayong magdesiyon para sa inyong plano. Ang inyo lamang pinagtutuunan ng pansin ay para sa inyong kapakanang  mag-asawa o bilang pamilya.

Ang buhay-renter at ang buhay-house owner

Bago man o medyo matagal na, mahirap pa rin sa isang magkabiyak ang mag-budget. Ang  buhay-renter ay hindi lamang nangangahulugan ng pagbabayad ng buwan-buwan. Ang halaga nito ay maaaring tumaas pa depende sa pulisiya  ng may-ari ng bahay.  

Bukod pa rito ay kailangan din na ireklamo at ipagbigay alam pa sa landlady o landlord kapag may kailangang ipagawa. Sa madaling sabi, ikaw na ang naabala at ikaw pa rin ang gagastos sa nasira. Siyempre ay wala pa riyan ang uri ng kapaligiran at pakikisama na kailangan n’yong gawin. Maaaring hindi ma-enjoy ang pribadong oras o kaya naman ang iyong landlady ay parang kontrabida sa mga teleserye kung makapaningil.

Maaaring magastos nga ang bumili ng sariling bahay, condo unit o mag-invest sa real estate. Subalit, ang mga bagay na ikinukunsidera mong abala ngayon ay siya palang magbibigay sa iyo ng ginhawa sa darating na panahon.

Ang pagsasama ng kita, pag-iipon, at pagba-budget ng mag-asawa ay dapat na napupunta sa kanilang magkatuwang na investment.  Isa pa’y ang ang sariling bahay ay nagbibigay ng seguridad na may disente kayong bahay na uuwian, pagbibigay ng tuldok sa walang katapusang paglipat ng bahay, at higit sa lahat ay may matatawag na tahanan para sa inyong pamilya.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento