Martes, Marso 26, 2013


TEPCO idinemanda ng Pinay
Ni Enrique Gonzaga

Dalawang taon na ang nakalipas simula noong niyanig ng malakas na lindol at tsunami ang Fukushima na bahagi ng Tohoku region. Isa sa mga naging epekto nito ay ang nangyaring “meltdown” ng Fukushima nuclear power plant na pinamamahalaan ng Tokyo Electric Power Co. Ltd (TEPCO) at nagdulot ng banta sa kalusugan dahil sa radiation levels.

Isa mga naapektuhan nito ay ang pamilya ni Shigekiyo Kanno na nakapangasawa ng isang Pinay na si Vanessa Abordo at mayroong dalawang anak na lalaki. Pangunahing pinagkakakitaan ng mag-asawa ang sakahan sa Soma, Fukushima na hindi na napakinabangan dahil sa naturang sakuna.

Umabot sa 40 ang baka na inaalagaan ng mag-asawa bago maganap ang trahedya na pinagkukuhanan nila ng binibentang gatas. Subalit, 10 araw pagkatapos ng trahedya ay nagkaroon ng “core meltdown” ang tatlong nuclear reactors ng TEPCO kaya’t inatasan ang mga naninirahan dito na likasin ang kanilang mga tahanan. Ipinatigil din ng gobyerno ang pag-uungkat ng mga produkto na mula sa Fukushima kabilang na ang gatas, na negosyo ng mag-asawa, dahil sa panganib na “radioactive contamination.”

Napilitang umuwi ng Pilipinas si Vanessa noong Abril 2011 upang doon muna patirahin ang kanilang dalawang anak habang naiwan si Shigekiyo sa Japan. Nangako si Shigekiyo kay Vanessa na maghahanap na lamang ng bagong trabaho para pantustos sa gastusin ng pamilya.

Imbes na maghanap ng trabaho ay pinili ni Shigekiyo na magpakamatay. Lingid sa kaalaman ni Vanessa ay nakautang pala ang kanyang asawa ng limang milyong yen para sa pagpapagawa ng compost pit para sa kanilang sakahan.

Nag-iwan si Shigekiyo ng paumanhin sa kanyang asawa at pamilya dahil sa kanyang ginawa dahil nawalan na umano siya ng gana na maghanap ng bagong trabaho matapos ang nangyari sa ipinundar na sakahan.

 “Ipagpatawad mo na naging ama ako sa mga anak natin at hindi nakagawa ng kahit ano para sa inyo,” ayon pa sa isinulat ni Shigekiyo sa kanyang iniwang sulat.

Pinayuhan din ni Shigekiyo ang asawa na huwag ng bumalik ng Japan at siguraduhing palakihin ng mabuti at malusog ang kanilang dalawang anak na lalaki.

Dahil sa malungkot na nangyari, nagpasya si Vanessa na magsampa ng demanda sa TEPCO makalipas ang dalawang taon. Ani Vanessa na hindi siya nagtatanim ng galit sa TEPCO ngunit humihingi siya ng kabayaran sa danyos-perwisyo na sanhi ng nuclear plant meltdown.

“Lahat gagawin ko para sa aking mga anak,” ani Vanessa.

Ayon kay Yukuo Yasuda, abogado ni Vanessa, mabibigyan ito at ang kanyang mga anak ng compensation mula sa TEPCO dahil hindi sila tumira sa pabahay ng gobyerno na inilaan para sa mga biktima ng Fukushima.
Dagdag pa ni Yasuda, ang pagpapakamatay ni Shigekiyo ay bunsod ng nangyaring nuclear plant meltdown kaya’t dapat na magbigay ng compensation ang TEPCO sa pamilya ni Shigekiyo.




Martes, Marso 19, 2013

Colton Dixon: There’s Life After AI



Dumating kamakailan ang American Idol Season 11 finalist na si Colton Dixon sa Manila upang mag-promote ng kanyang debut album na pinamagatang “A Messenger” at para ipakita ang buong suporta para sa kapwa AI finalist na si Jessica Sanchez sa concert nito sa Big Dome.

Naglalaman ng 13 kanta ang album ng 21-taong-gulang na rakista na tubong Tennessee na kilala sa pag-awit nito ng mga Christian music. Kabilang sa album na idi-distribute sa Pilipinas ng MCA Music ang “Never Gone” at “You Are” na parehong patok sa music charts. Ipinamalas ni Colton ang versatility ng boses nito na kayang maging masidhi at malambing habang sumusunod sa saliw ng pagpa-piano niya at pagpe-perform ng mga kantang puno ng pag-asa at inspirasyon. 

Bumenta ng 21,000 kopya ang kanyang kanta na Never Gone sa unang linggo pa lang ng release nito at mabilis din nitong sinakop ang iTunes Christian and Gospel Singles chart, Billboard’s Christian Digital Songs at Christian/Gospel Digital song charts. Umangat din sa #1 ang “You Are” sa parehong charts at napili ng USA Today para maging “Song of the Week” pagkatapos nitong magkaroon ng digital release noong October 30, 2012.

Ipinagmamalaki ni Colton, isang singer na tinitingala ang ilang music artists gaya nila Chris Daughtry, Coldplay, Lifehouse, at Switchfoot, ang debut album na ito na naging instrumento upang masakatuparan ang isa sa mga pangarap niya.

“We’ve all been deep in that valley, and I know what I’ve been through. Whenever I’m in those dark places, I feel that God has pulled me through, and I want to inspire others by telling them about my experiences. That’s the central message of A Messenger. Those who never saw me on Idol will get to know where my heart lies pretty fast when they listen. Musically, I also think that it’s important to present a vibe that has a unique and fresh energy and point of view,” ani Colton.

Kinilala rin ni Colton ang suporta ng mga Filipino fans sa kanyang music career. Ibinunyag nito sa kanyang Facebook fan page, ang pinakamalaking bilang ng kanyang mga tagahanga ay galing ng ‘Pinas.

“Thank you, guys, for being so awesome!”

Aabangan din sa album na pinagtulung-tulungang buuin ng ilan sa mga respetadong songwriters sa music industry ang mga kanta tulad ng “Noise,” “I’ll Be The Light,” “Love has Come for Me,” “Scars,” “Rise,” “Where My Heart Goes,” “This is Who I Am,” “In and Out of Time,” “Let Them See You,” at “The Shape of Your Love.”   

Matatandaang pang-pito sa mga na-eliminate si Colton sa American Idol Season 11 ngunit hindi nagpatumpik-tumpik ang binata at nagsimulang mag-sulat at mag-record ng mga kantang ngayon ay laman na ng kanyang album. Natalo man sa American Idol, pinatunayan ni Colton na hindi ito hadlang upang magkaroon ng music career.
           
             


Lunes, Marso 11, 2013

OAV: Kailangan pa ba ito?

Ni Ramil Lagasca

Gaganapin na naman ang midterm election sa Pilipinas sa darating na Mayo 13 at lingid sa kaalaman ng lahat na kahit na nasa ibang bansa ang mga Pilipino ay maaari pa rin itong bumo sa pamamagitan ng Overseas Absentee Voters (OAV). Simula Abril 13 hanggang Mayo 13, maaaring bumoto ang mga Overseas Filipino Wokers (OFWs).

Naisabatas ang OAV o Republic Act no. 9189 noong Pebrero 13,2003 na nagbibigay ng oportunidad bilang isang mamamayan ng Pilipinas na makilahok sa pagboto sa halalan kahit nasa labas ito ng bansa. Subalit, marami sa OFWs ang hati ang opinyon hinggil sa pagpapatupad ng batas na ito.

Malaking isyu sa Pilipinas ang pagbili umano ng mga kandidato ng boto para manalo na hindi magagawa sa mga Pinoy na nasa Japan. Sino nga ba ang magbebenta ng boto sa halagang P500 kung sumasahod ka ng Y8,000 kada araw? Ang mas malaking katanungan ay kung kilala ba nila ang mga kandidato dahil karamihan ay matagal ng hindi nakakauwi ng bansa at wala rin sapat na oras para subaybayan ang plataporma ng bawat pulitiko. Ito ang dahilan kaya ang ilan ay mga beterano o kilalang kandidato na lamang ang binuboto.

Ang ilan sa mga migranteng kababayan natin ay nagsasabi na mas maiging ilaan na lang ang budget sa pagpapagawa ng mga paaralan at imprastruktura sa bansa kaysa gastusin sa OAV. May mga komento rin ang ating mga kababayan na hindi na mababago o makakaapekto sa pagbabago ng sistema kahit bumoto pa dahil sa maliit lamang ang bilang ng mamboboto sa ibang bansa. At ang iba ay nawalan na rin ng interes dahil sa pag-aalala na baka hind imaging matuwid ang iboboto. Mas ninanais ng iba na maupo at manahimik na lamang at ‘wag makialam dahil sila`y mas kampante na sa kasalukyang estado sa buhay sa ibang bansa.

Bukod dito, marami rin ang nagtatanong kung paano nga ba ang proseso sa OAV? Saan nga ba makukuha ang Voter`s ID? Kailan matatanggap ang balota at paano makakasiguro na ligtas ang mga balota? Iyan lamang ang iilan sa mga katanungan ng ating mga kababayan na hindi masyadong naipaliwanag noong sila ay nagparehistro.

Subalit, marami rin naman ang pabor sa OAV dahil karapatan umano ng bawat Pilipino na bumoto na isa sa kanilang pakunsuwelo dahil sa kanilang remittance na umaabot ng milyun-milyong dolyares kada taon na nagpapaganda sa ekonomiya. Isang malaking partisipasyon ito para sa OFWs upang makakadagdag ng boto sa karapat-dapat na kandidato dahil mahalaga ang bawat boto.

Sumugod din ang Embahada ng Pilipinas sa Japan sa iba’t ibang bahagi upang hikayatin ang mga Pilipino na magparehistro at makilahok sa OAV. Nagpalabas din ang Embahada sa kanilang website ng listahan noong nakaraang buwan ng mga pangalan ng maaaring maalis dahil sa hindi pagboto ng dalawang magkasunod na beses. Maaari naming manatili pa rin sa listahan basta’t ipagbibigay-alam sa kinauukulan.

Magbago man o hindi ang sistema sa Pilipinas, ang karapatan sa pagboto ay hindi maaring hadlangan lalo na’t nakasaad ito sa batas. Kung babalikan ang kasaysayan ng bansa ay napakaraming nang buhay ang ibinuwis laban sa pananakop sa mga Kastila , Amerikano at Hapon upang makamit lamang ang tunay na  kalayaan at kasama sa kalayaan na ito ay ang pagboto.

Ang mamamayang nawawalan ng pag-asang makamit ang kaunlaran at kapayapaan sa Pilipinas ay parang isang sundalong sumuko sa gitna ng labanan kahit may kakayanan pa itong lumaban. Kaya`t huwag sayangin ang panahon, bumoto ng tama para sa ikabubuti ng kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
       
Sa darating na halalan, sana naman ang mga Pilipino ay matuto nang pumili ng tamang taong maninilbihan sa bansa, isang kandidato na hindi makakalimutang pagsilbihan ng maayos at igalang ang mga taong nagluklok sa kanilang pwesto kabilang na iyong mga nasa ibang panig ng mundo.

Linggo, Marso 10, 2013

Kwento ng 2 Pinay: Tuloy ang buhay pagkatapos ng 3/11 tragedy


Dalawang taon simula nang maganap ang trahedya sa Japan, partikular na sa Tohoku region, kung saan niyanig ang bansa ng lindol na may lakas na 9.0 sa Richter scale na sinundan ng malaking tsunami. Ito ang itinuturing na pinakamalagim na trahedya sa Japan pagkatapos ng ilang dekada.
Ayon sa ulat ng Japan National Police Agency, tinatayang nasa 15, 878 katao, 6, 126 ang sugatan at 2, 713 naman ang nawawala sa loob ng 20 prefectures. Bukod dito, ilang kabahayan at gusali ang gumuho kung saan umabot sa US$14.5 to $34.6 bilyon ang halaga ng danyos.

Sa trahedyang ito, maraming Pilipino ang lubhang naapektuhan ng insidenteng ito – bawat isa ay mayroong istorya ng kalungkutan, pangungulila, pag-asa at muling pagbangon. Dalawa sa kanila ay sina Lovely Pineda Ishii at Itou Charito Navalez.

Para sa kapakanan ng pamilya

Nanginginig at kinikilabutan pa si Lovely Pineda Ishii, tubong Davao, kapag inaalala ang nangyari noong Marso 11, 2011. Sariwa pa sa kanya ang alaala ng araw na iyon kung saan muntik nang mawala sa kanya ang bunsong anak na si Oubi. Halos kalalampas lamang ng sinasakyang school bus ng pitong-taong-gulang na anak nang gumuho ang dinaanang tulay.
Lovely Pineda Ishii

Malapit lamang sa nuclear plant sa Fukushima ang tinitirahan ni Lovely, hiwalay sa asawa, at may tatlong anak kaya’t nang sinabi ng mga awtoridad na kailangan nilang lumikas ng bahay ay agad itong nag-empake at pumunta sa evacuation center.

“Hindi na kami pinapayagang tanggalin ang aming masks dahil sa mataas na rin ang radiation count,” pahayag ni Lovely.

Ilang araw ng pagtigil sa evacuation center, sumabog ang Fukushima plant kaya’t kailangan nilang lumisan sa mas malayong lugar upang makaiwas sa panganib ng radiation. Napadpad ang mag-iina sa Tamura, 40 kilometro, ang layo mula sa planta at pagkatapos ay inilipat sila sa Aizuwakamatsu na mas ligtas na lugar.

Naawa si Lovely sa kanyang tatlong anak na sila Yudai, 12, Daichi, 10, at Oubi, dahil sa isang gymnasium sila nakatira kasama ang ilang daang katao.

“Naaalala ko noong panahon iyon, sa “taikukan” o gymnasium kami nakatira at hindi naging madali lalo na sa mga anak ko dahil halos isang komunidad ang kasama namin sa iisang bubong,” dagdag pa ni Lovely.

Makaraan ang isang taon, nagpasyang lumipat si Lovely sa Ichikawa, Chiba na sa tingin niya ay makakabuti sa kanyang mga anak. Mas ligtas umano dito at mas malayo sa pangamba kaya’t makapag-aaral ng mabuti ang kanyang mga anak ng walang takot.

Sa ngayon, inaatupag ni Lovely ang kanyang negosyo na Loyds International Marketing Kabushiki Kaisha na itinayo kamakailan lamang upang magbigay ng pangkalahatang serbisyo sa Filipino communities sa Japan.

Kwento ng pag-asa at pagbangong muli

Itou Charito Navalez at Bayanihan Kesennuma Flipino Community
Hindi na mawawala ang sakit at pait na idinulot ng trahedya kina Itou Charito Navalez at ng mga kasamahang Pilipino. Nakatira at nagtatrabaho si Charito kasama ang 70 Pilipina sa Kesennuma City, Miyagi Prefecture, kung saan 50% sa mga ito ay nagtatrabaho sa fish factory na malapit sa dagat.

Matapos ang trahedya, nawalan ng trabaho si Charito at mga kasama, na kasal sa mga Hapon, kaya’t umaasa lamang sila sa binibigay ng mga taong may magagandang kalooban sa kanila. Ang iba ay gusto nang umuwi ng Pilipinas ngunit sa huli ay pinili pa rin pumirme sa lugar dahil nagkaroon na sila ng pamilya rito.

Buti na lamang ay nakilala ni Charito at ng kanyang mga kasama ang ilang grupo ng simbahan at asosasyon ng mga Pilipino na tumulong sa kanila sa pinagdadaanang suliranin. Isa na rito ay ang Kesennuma Filipino Community na tumulong sa kanila na magkaroon ng trabaho.

Sa loob ng ilang buwan, binigyan sila ng grupo ng libreng pag-aaral at training para makakuha ng lisensiya bilang isang caregiver at bilang English teacher ng mga batan Hapon. Sa 34 Pilipina, isa si Charito sa nakapasa at nakakuha ng lisensiya bilang unang caregiver sa Miyagi at sa 10 English teachers, isa rin siya sa mga napili.

Hindi man kaagad maibalik ang lahat ng nawala, unti-unti siya at ang kanyang mga kasama na bumabangon at nagpupundar.

“Ang Panginoon ang lagi naming gabay sa pang araw-araw  naming buhay. Ang mga bagay na nawala ay lagging may nakahandang kapalit para sa atin mula sa Kanya. Kung kaya kailangang mahalin at pahalagahan ang mga biyayang ibinigay sa atin dahil maaari itong mag-iwan ng mapait na alaala at pagsisisi kapag ito’y nawala,” pagtatapos ni Charito.

Miyerkules, Marso 6, 2013

KMP: Nakatuon sa mga isyu ng migranteng Pinoy


Ni Enrique Toto Gonzaga

Nagsimula bilang Maryknoll Missonaries na unang pinamunuan ni Father Patrick O’Donoghue, dating pinuno ng Maryknoll Japan at ng Pag-aalay ng Puso Foundation noong 1999, nagsagawa ng pastoral outreach program ang grupo upang maabot ang mga Pilipino sa Japan sa pamamagitan ng spiritual retreats.

Kinalaunan ay tinawag na ang grupo  na Maryknoll Philippine Center, isang Philippine Help Desk na nagbibigay serbisyo sa mga Pilipino sa Japan tungkol sa problemang legal at iba pang usapin.

Tuwing panahon ng tagsibol at taglagas, humihiling ang grupo sa Pag-aalay ng Puso Foundation para pangunahan at gumawa ng mga serye ng mga seminar, legal consultation, conferences at iba pang kaganapan na mahalaga sa mga Pilipino.

Ilan sa mga ito ay ang legal conference na pinamunuan ni Undersecretary Merlin M. Magalona kasama ang ilang propesor ng University of the Philippines College of Law at iba pang Japanese lawyers, Mayo ng 2001.
Sinundan ito legal consultation ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ang International Labor Organization (ILO) para sa mga migranteng Pilipino na ginanap sa Maryknoll Center.  Pangunahing layunin nito na maipalam na suportado ng gobyerno ang mga Pilipinong nangingibang-bansa at ang kahandaang tumulong sa mga problemang dinadanas.

Idinaos din sa Tokyo Inernational Forum ang kauna-unahang legal symposium sa Tokyo kung saan nabuo ang Kapisanan ng Migranteng Pilipino (KMP) na pinamunuan ni Marian Chiquette D. Tanizaki. Dinaluhan ito ng ilang opisyales tulad nina dating Ambassador Domingo Siazon, Teofisto Guingona at iba pa.

Mula ng naidaos ang legal symposium na iyon noong 2001, patuloy na ang pagdami ng mga Pinoy na pumupunta sa tanggapan para makipagpulong sa mga abogado ng Pilipinas at ng Immigration of Japan. Idinulog ng mga ito ang kani-kanilang problema na karamihan ay nabigyan ng solusyon.

Nito lamang Disyembre nang nakaraang taon ay idinaos muli ang isang symposium na pinamagatang “Keeping an Eye on the Law” sa Waseda University. Dinaluhan ito ng halos 100 katao na mga kinatawan ng iba’t ibang Filipino communities sa Japan.

Tinalakay ang maraming bagay na may kinalaman sa buhay ng mga Pilipino tulad ng tungkol sa indulto na magagawad sa mga Pilipinong matagal nang naninirahan sa Japan, halos 20 hanggang 25 na taon, ngunit walang kaukulang dokumento.

Isang mahabang diskusyon ang namagitan sa mga bisita, kinatawan ng Embahada ng Pilipinas na si Consul General Marian Jocelyn R. Tirol – Ignacio, Dean Merlin M. Magalona, Atty. Danilo Concepcion, Professor Patricia Daway at iba pang mga abogado. Pinag-usapan ang mga batas at patakaran ng Immigration of Japan at ang mga karapatan at tungkulin ng mga migranteng Pilipino sa Japan.

Pinamunuan ni Tanizaki ang buong kaganapan kung saan napagtuunan din ng atensiyon ang “Amnesty Program” o indulto ng mga Pilipino sa pagkuha ng legal na dokumento katulad ng pasaporte. Taliwas umano ang mga regulasyon ng Embahada at ng gobyerno ng Pilipinas hinggil sa pagbibigay ng pasaporte sa mga hindi dokumentadong Pilipino sa Japan.

Hiling ng karamihan na mabigyan ng pansin ang bagay na ito dahil maraming mga Pilipino ang nangangailangan ng pasaporte para maisugod sa Immigration of Japan ang kani-kanilang petisyon. Ito ay para magkaroon ng karapatan na manatili sa Japan sa pamamagitan visa.

Hanggang sa kasalukuyan ay pinag-uusapan pa ang bagay na ito na kailangan mabigyan kaagad ng solusyon sa lalong madaling panahon upang mabigyan ng karapatan ang nais manatili sa Japan.