Huwebes, Nobyembre 7, 2013

‘Alice in Wonderland’ itinanghal ng Repertory Philippines




Inilunsad ng Repertory Philippines’ Theatre for Young Audiences ang nakakatuwa at paboritong kwento ng “Alice in Wonderland” bilang handog nito sa selebrasyon ng ika-21 taon ng Repertory Philippines sa pagtatanghal ng mga katangi-tanging musicals sa bansa.

Orihinal na nobela ang Alice’s Adventures in Wonderland o Alice in Wonderland ng Alemang nobelista na si Charles Lutwidge Dodgson sa ilalim ng sagisag-panulat ni Lewis Caroll noong 1865. Umiikot ang kwento nito sa isang batang babae na si Alice nang mahulog siya sa isang butas na gawa ng isang kuneho at napunta sa Wonderland, isang kakaibang mundo kung saan pinaninirahan ng mga kakatwang nilikha.

Mula ng ito ay lumabas sa publiko, nanatiling isang malaking impluwensiya ang Alice in Wonderland sa tanyag na kultura at lalo na sa panitikan. Ilang tunay na karakter at lugar ang naging inspirasyon nito. Isa na rito ang prinsipal na bulwagan sa Christ Church na kagaya ng hagdan sa “Rabbit Hole”. Ang Christ Church ay isa sa pinakamalaking constituent colleges ng University of Oxford sa England.

Naiiba ang pagtatanghal na ito sapagkat puno ito ng magagandang musika sa halip na dialogo. Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng malikhaing paraan ng pagsasakwento sa pambihirang pakikipagsapalaran ni Alice sa Wonderland. Ayon sa direktor nitong si Joy Virata, maihahalintulad ang pagtatanghal sa isang opera dahil sa pambihirang paggamit nito ng mga magagandang musika at kantahan. At hindi lang mga bata ang matutuwa, maging ang buong pamilya.

Hango ang pagtatanghal sa panibagong pagsasakwento ng Alice in Wonderland sa libro na isinulat ni Jim Eiler, mula sa musika ni Jeanne Bargy at Jim Eiler at liriko ni Jim Eiler. At dahil dito, mas lalo pang naging kaabang-abang at nakakabighani ang muling pagpapakita ng mga paboritong karakter na sina King & Queen of Hearts, Tweedledee and Tweedledum, the Gryphon, Mock Turtle, Dormouse, Mad Hatter and March Hare, the Dutchess, Cheshire Cat at ang White Rabbit.

Pinangungunahan nina Dani Gana at Chaye Mogg (Alice), Nacho Tambunting, Jim Ferrer at Reb Atadero (Rabbit), Liesl Batucan (Duchess), Bituin Escalante at Natalie Everett  (Queen of Hearts), Oliver Usison at Kendrick Ibasco (Walrus / King of Hearts), Nic Campos at Joel Trinidad (French Mouse / Carpenter / Mad Hatter), Onyl Torres at James Stacey (Caterpillar / March Hare), Antonio Lane at Jay Pangilinan (Mock Turtle), Dingdong Rosales (Lory / Baby / Tweedledum), Josh Ramirez at Chino Veguillas (Dodo / Tweedledee / Doormouse), Shalee Vicencio at marami pang iba.

Patuloy ang pagtatanghal ng nakakatuwang paglalakbay ni Alice sa Wonderland sa Onstage, 2F, Greenbelt 1, Paseo de Roxas cor. Legaspi St., Makati City hanggang Disyembre 15.






Walang komento:

Mag-post ng isang Komento