Huwebes, Nobyembre 7, 2013

Ang Bagong Harana: A Filipino Musical Journey




Ang paghaharana ang isa sa mga paraan ng panliligaw ng ating mga ninuno upang masungkit ang matamis na “oo” ng kanilang iniirog. Bibisita sila sa mga bahay ng mga dalaga at kakantahan ang mga ito ng mga natatanging musikang Pinoy. Ngunit sa paglipas ng panahon, unti-unti ay nakakalimutan ito at napapalitan ng mga mas makabagong paraan sa panliligaw at musikang mula sa impluwensiya ng ibang mga kultura. 

Sa pamamagitan ng “Ang Bagong Harana” na inihanda ng Philippine Opera Company, muling naranasan ng bawat Pinoy ang isang katangi-tanging pang-musikang paglalakbay sa pagtatanghal nito sa RCBC Plaza, Carlos P. Romulo Auditorium sa Ayala, Makati. Itinatampok ang mga pinakamagagandang mga kanta mula sa iba’t ibang kategorya ng musikang Pinoy. Ang pagtatanghal na ito ay higit pa sa isang seleksyon ng paboritong mga awitin ng pag-ibig kundi isang liham ng pagmamahal sa bawat Pinoy, sa mayamang kasaysayan ng bansa, mga prinsipyo at mga kaugalian na kailangan natin sa ating paglalakbay bilang isang buong nasyon patungo sa isang magandang kinabukasan. 

Napapanahon ang pagtatanghal na ito lalo na sa panahong ito na ang mga kabataan ay halos hindi na kilala ang mga natatanging mga awiting Pinoy dahil sa malaking impluwensiya ng kanluran. Maganda rin itong maipakita sa mga turista bilang paunang hakbang para maranasan nilang tunay ang isang orihinal na musika at kulturang Pinoy. 

Nagbukas ang pagtatanghal sa isang sari-saring klase ng mga paboritong kantang pambata na nagbabalik ng ating kamusmusan na pimagatang “Paghabi ng Buhay”. Ito ay sinundan ng “Katutubo, Kalikasan, Kabuhayan” kung saan maririnig ang mga tradisyonal na Cordillera at Maranao na awitin. Pagkatapos nito ay ang “Tara na sa Piyesta” na nakatuon sa pagrespeto sa kapaligiran na isinagawa sa senaryo na isang piyesta. Sa “Indio, Ilustrado, Rebolusyonaryo” itinanghal naman ang mga awiting kundiman na sinundan ng “Viva Sylvia” bilang pagpupugay kay Sylvia La Torre, “Contempo Filipino’ at “Siglo ng Buhay”. 

Kabilang sa mga kantang itinatanghal ay ang “Pakiusap”, “Anak Dalita”, “Ili-ili”, “Nasaan Ka Irog”, “Madaling Araw”, “Hating Gabi”, “Gaano Ko Ikaw Kamahal”, “Ngayon at Kailanman”, “Penpen di Sarapen”, “Leron, Leron Sinta”, “Paano Kita Pasasalamatan”, “Sana’y Wala ng Wakas”, “Kalesa”, “Kahit Ika’y Panaginip Lang” at marami pang iba. 

Mula sa direksyon ng Palanca winner na si Floy Quintos at magagaling na mga mang-aawit at mananayaw na gaya nila Karla Gutierrez, Twinkle Prietos, Janine Santos, Criselda Go, KL Dizon, Lawrence Jatayna, Nazer Salcedo, Jurgen Unterberg, Michael Odoemene, Al Gatmaitan at kasama ang Ramon Obusan Folkloric Group, isang napakagandang musikang pagtatanghal ang inihatid simula pa nitong nakaraang taon. At ngayon ay muling nagbabalik sa entablado.  Sa gitna ng globalisasyon, mahalagang malaman natin na tayo ay mayroong taglay na matatawag nating orihinal na Pinoy. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento