Martes, Nobyembre 26, 2013

Embahada inulan ng tulong para sa biktima ng bagyong ‘Yolanda’



Nagdagsaan ang tulong sa Embahada ng Pilipinas mula sa iba’t ibang tao, kababayan, at mga kumpanya sa Japan para sa mga nasalanta ng bagyong "Yolanda" sa Visayas region kamakailan. Isa sa nakakuha ng atensiyon ay ang anim na taong gulang na Japanese na si Shoichi Kondoh na pumunta sa Embahada kasama ang kanyang ina para ibigay ang naipon niya sa kanyang alkansiya na nagkakahalaga ng Y5,000.

Nagbigay din ang isang Japanese na kinilalang si Kenji Hirakawa ng Y200,000 sa ngalan ng kanyang ama na namatay sa Pilipinas at hindi na niya nakilala pa.

“My father lies sleeping in a mountain somewhere in Luzon,” pahayag ni Hirakawa sa kanyang liham na nakalakip sa ibinigay niyang donasyon.

Ani Hirakawa, sanggol pa lamang siya ng umalis ang kanyang ama para pumunta sa Pilipinas bilang miyembro ng Japanese Imperial Army noong World War II at hindi na nakabalik sa Japan simula noon.

“I am enclosing here Y200,000 for all the troubles my father may have caused to the Filipino people,” dagdag pa nito.

Personal din na iniabot ni AEON Co. Ltd at AEON 1% Club Board Chairman Naoki Hayashi kay Philippine Ambassador Manuel Lopez ang donasyon ng kumpanya na nagkakahalaga ng Y10 milyon para sa mga nasalanta ng bagyo. Ipinarating din nito ang kanilang pakikisimpatiya sa nangyaring trahedya.

Agad rin nagpaabot ng donasyon ang Keidanren sa pamamagitan ng mga kinatawan nito na si Nobuko Sanui at Yumi Shimmyo na nagkakahalaga ng Y1 milyon. Ipinahayag din ni Sanui ang pakikiramay ni Keidanren chairman at director general na si Yoshio Nakamura sa mga naging biktima at naapektuhan ng bagyong ito.

“[My] sincere condolences and heartfelt sympathy to all the victims, their families, and friends who have been affected by the calamity. I [earnestly believe] that [the] people of the Philippines would be able to overcome the disaster and rebuild their homeland,” pahayag ni Nakamura sa kanyang ipinadalang sulat.

Tumulong din ang New Komei Party (Komeito) ng Y1 milyong donasyon na ibinigay ng pangulo nito na si Natsuo Yamaguchi kasama si Councillor Kozo Akino, M.D. Nagpaabot din sila ng liham ng simpatya para kay Pangulong Benigno Aquino III at sa sambayanan.

Ilan pa sa mga nagbigay ay sina Koji Suwa ng CocoJapan, Masuori Takahashi ng Cooperative Assoc. Amity, Kazunori Sakamoto ng Biz Asset, Terumitsu Hoshi ng FRP JHK Corporation, Chiba Prefecture partikular ang Hata Elementary School, Shigeo Kanaya, Kumiko Umeda, Yasushi Takahashi at marami pang iba.

Ipinaabot naman ni Ambassador Lopez ang kanyang pasasalamat sa mga tumulong sa ngalan ng gobyerno ng Pilipinas. Aniya, agad na ipapadala ang mga nalikom na donasyon sa gobyerno ng Pilipinas sa lalong madaling panahon upang makatulong sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima sa Tacloban, Samar, Leyte at Cebu.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento