Miyerkules, Nobyembre 6, 2013

Paghahanda para sa 2020 Tokyo Olympics


Ni Al Eugenio

Halos pitong taon na lamang ang nalalabi at darating na ang torch ng 2020 Olympics dito sa Tokyo. Hindi man tayo kasing excited tulad ng mga Hapon, bilang mga Pilipino dito sa Japan, kailangan nating bigyan ng halaga ang pagkakataong maging bahagi nito hindi lamang para sa mga kinatawan ng Pilipinas kundi pati na rin sa lahat ng kalahok sa pandaigdigang kaganapan na ito.

Marami ang nagalak nang ibalita na nasungkit ng Tokyo ang pagkakataon na maging host ng 2020 Olympics. Ngunit marami rin sa ating mga kababayan dito sa Japan ang nag-aalala kung magkakaroon ba sila ng pagkakataon na mapanood kahit na ang opening ceremony man lamang sa loob ng itatayong stadium? Ilang taon na ba kami noon? 

Hindi naging madali para sa International Olympic Committee na piliin ang Tokyo bilang venue dahil sa ilang isyu. Ang pamahalaang Hapon naman ay nahaharap din sa malaking suliranin. Nangunguna sa mga ito ay ang napakalaking perang kakailanganin para sa pasilidad na gagamitin sa palaro. Marami ang dapat ayusin tulad halimbawa ng crippled nuclear plant sa Fukushima na hanggang ngayon ay hindi pa nakokontena, lalo pa at isa ito sa mga siniguro ni Prime Minister Shinzo Abe na aayusin at hindi umano dapat ipag-alala. 

Magkakaroon din ng mga bagong imprastraktura tulad halimbawa ng kamangha-manghang disenyo ng main stadium. Kasama na rin dito ang magiging Olympic Village na kung saan ay magiging tirahan ng mga darating na atleta, bukod pa sa mga paglalaruan nila sa iba’t ibang  lugar sa loob at labas ng Tokyo.

Dahil din sa dadagsa sa Tokyo ang maraming manonood mula sa iba’t ibang prefecture ng Japan at bansa ay mangangailangan ng bagong mga ruta ng transportasyon mula sa mga paliparan, mga pangunahing istasyon ng bus at tren upang madaling makarating ang mga manonood sa venue.  

Bagamat sinasabi na mayroong budget ang pamahalaan ng Tokyo para sa okasyong ito ay tiyak na mangangailangan pa rin ng bilyun-bilyong halaga upang maisagawa ang malaking paghahandang ito para sa 2020 Olympics. 

Sinasabi na noong nakaraang 1964 Tokyo Olympics ay kinailangang mangutang ang Japan ng bilyun-bilyong yen para maisakatuparan ang mga planong proyekto  para sa Olympic na iyon. Ilan sa mga ito ay ang  shinkansen o ang bullet train. Kasabay din noon ginawa ang Shuto Expressway na hanggang ngayon ay patuloy na nagbibigay ng kaginhawahan sa maraming manlalakbay hindi lamang sa kalakhang Tokyo kundi maging sa malalayong lugar sa labas nito. 

Ang inutang na malaking halaga noong 1964 ay bumilang ng 20 bago nabayaran noong 1984. Maaaring malaking halaga nga at siguradong malaki rin ang kinailangang tubo ngunit nakikita natin na pinapakinabangan pa hanggang ngayon ang mga pasilidad at maging sa darating pang panahon.  

Ang nakaraang 1964 Olympics ay nagbigay ng malaking pagkakataon para sa Japan na  makilala bilang isang mapagkakatiwalaang bansa sa larangan ng industriya at teknolohiya. Habang ang 2020 Olympics naman ay inaasahang mag-iiwan ng marka sa isipan ng maraming tao na tunay na maipagmamalaki ng Japan sa buong mundo.

Para sa ating mga Pilipino dito sa Japan, ang 2020 Olympics, bagamat malayo pa, ay  may  nakaabang na mga oportunidad na  kung iisipin natin ay  maaaring magbigay ng  bagong pagkakataon. Tulad ng mga Hapon, maaari rin tayong makapag-isip ng mga bagong ideya, mga bagong produkto, mga bagong pagkain na maaaring maging patok pagdating ng taong 2020.

Kung negosyo ang pag-uusapan ay marami tayong pwedeng pag-ukulan ng pansin. Hindi na kailangang magkaroon ng pwesto na malapit sa mga pagdarausan ng palaro dahil naririyan naman ang Internet para sa mga produkto at serbisyo na may kaugnayan sa Olympics. Pwedeng magbenta ng mga  souvenir t-shirt, payong, tsinelas, pito, relo, o handbag sa tamang presyo. Maaari rin magbigay ng mga serbisyo sa transportasyon, tours at kung anu-ano pa. Walang limit ang pagiging malikhain ng mga Pilipino.
Tiyak na dadagsain ng mga lokal at dayuhang turista lalo na ng mga Pilipino ang 2020 Tokyo Olympics lalo na’t pinagaan na para sa ating mga kababayan ang makakuha ng tourist visa patungo dito sa Japan. At bilang mga Pilipino na matagal nang namimirmihan dito ay malaki ang magiging tungkulin natin para sa kanila na hindi pamilyar sa kultura at salitang Hapon. Kakailanganin ng marami sa kanila ang gabay ng mga kababayan nilang tulad natin na tunay na nakakaunawa at maaaring makatulong  sa kanilang mga pangangailangan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento