Ni Rey Ian Corpuz
Magkaiba ang antas ng pamumuhay sa Japan at Pilipinas kung kaya’t napakarami rin pagkakaiba ang sistema ng edukasyon. Isantabi muna natin ang isyu ng “pera” at himay-himayin natin ang ilan sa mga pagkakaiba ng mga paaralan sa Japan at Pilipinas sa elementary at junior high school.
1. Compulsory schooling.
Sa Japan, lahat ng bata simula anim na taon hanggang 14-anyos ay dapat pumapasok na sa paaralan. Ang enrollment ay ginagawa mismo sa siyudad kung saan nakatira ang pamilya. Walang dahilan na hindi mag-aral ang mga bata dahil na rin naayon ito sa kanilang batas.
2. Walang class repeater.
Sa Pilipinas, kapag bumagsak ka sa isang subject sa final grading ay hindi ka maaaring umusad sa susunod na baitang. Istrikto sa atin at maraming mga bata na umuulit ng taon lalo na kapag ito ay bumagsak sa isang subject o higit pa. Sa Japan naman ay walang ganitong sistema. Pinagbabasehan ng gobyerno ang edad ng mag-aaral at kung anong baitang siya dapat mag-aral. Sa edad mula anim hanggang pito ay dapat Grade 1 na ang bata. Kahit bumagsak ang bata sa mga subjects nito ay makakausad pa rin ito sa susunod na baitang.
Sa katunayan may mga batang Pilipino na hanggang elementarya lang sa Pilipinas at pagdating sa Japan ay pinahihintulutan nang pumasok ng junior high school dahil ayon sa Kagawaran ng Edukasyon dito, pinagbabasehan nila ang edad at hindi isyu kung may sertipikasyon ba o diploma ito na nakuha sa bansang kanilang pinanggalingan.
3. Accelerations at class sections.
Sa Pilipinas, hinahati ang mga estudyante sa bawat sections batay sa kanilang general average. Ang mga matatalino at may mga matataas na marka ay nasa “honor section” o “cream of the crop section” at ang mga mababa ang grado ay nasa lower sections. Kapag sobrang talino naman ay maaaring ma-accelerate sa susunod na baitang ang isang estudyante.
Walang ganitong sistema sa Japan dahil lahat ay pantay-pantay. Lahat ng magagaling sa klase at mahihina ay hinahalo sa isang grupo. Pantay-pantay ang pagkakabahagi kung kaya’t hindi ka mangangamba kung mahina ka at hinding-hindi ka mabibilang sa last section. Gifted child ka man o hindi ay hindi nagbibigay ng acceleration ang Japan.
4. Ranking ng mga grado.
Sa Pilipinas, naging kultura na natin ang kumpetisyon sa bawat isa. Kaya tuwing matapos ang pagsusulit ay nangangamba kung ikaw ba ay nasa unahan o hulihan ng listahan at mayroong “Recognition Day” para bigyan ng medalya o certificates ang nasa honor roll. Sa Japan, walang ganitong sistema. Ang achievement ng isang bata ay para lamang sa bata mismo at hindi na kailangan na bigyan ng special mention.
5. Pagdadala ng pagkain.
Lahat ng mga paaralang elementarya at middle school sa Japan ay may subsidized school lunch. Sagot mismo ng gobyerno ang pagkain ng mga estudyante na sabay-sabay na niluluto at saka ipapamahagi. Wala rin snack time o recess kung tawagin sa Pilipinas.
Sa Pilipinas naman, walang subsidized school lunch. Kanya-kanyang dala ng pagkain o bili sa school canteens. Ang iba naman ay umuuwi tuwing pananghalian para kumain sa bahay. Ang iba ay pera ang dala dahil kakain na lang sa labas o bibili ng ulam.
6. Paglilinis sa paaralan.
Sa Pilipinas ay may naka-assign na mga maglilinis o “cleaners of the day” pagkatapos ng klase. Malimit na naglilinis ang mga guro at ang mga nasa exclusive schools ay nagbabayad ng tagalinis. Dito sa Japan, lahat ay naglilinis sa loob ng 10 minuto habang may background music – walang boss, principal o guro. Ang paglilinis ay ginawa minsan sa umaga, sa tanghali o kaya naman ay bago mag-uwian, depende sa mga paaralan.
May nasusulat ba saPagkakapareho ng edukasyon sa Hapon at Pilipinas
TumugonBurahin