Ni Florenda Corpuz
Ang Filipino delegation kasama si Francis Libiran. Kuha ni Din Eugenio |
Dumating sa Tokyo ang sikat na Pinoy fashion designer na si Francis Libiran upang maging kinatawan ng bansa sa Sakura Collection 2013 na ginanap sa Tokyo Tower kamakailan.
Inimbitahan si Libiran kasama ang lima pang propesyonal at magagaling na fashion designers mula sa ASEAN countries na sina Nita Azha
r ng Indonesia, Heng Nam Nam at Chen Kah Lee ng Singapore, Chai Jiamkittikul ng Thailand, Si Hoang ng Vietnam at Joe Chia ng Malaysia para ipakita ang kanilang mga designs sa tatlong araw na palabas.
“This is my first time in Tokyo and I am very proud to represent the Philippines in this event,” pahayag ni Libiran.
Rumampa sa red carpet ang mga top fashion models ng bawat bansa suot ang mga naggagandahang gowns ng mga designers.
Masigabong palakpakan at malakas na sigawan mula sa mga kinatawan ng Filipino community ang sumalubong sa Japanese-Filipino at Miss Universe-Japan 2011 finalist na si Naomi S. Kida nang kanyang irampa sa red carpet ang pulang gown creation na idinisenyo ni Libiran. Rumampa rin sa runway si Kida suot ang bughaw, itim at puting gowns ng pamosong designer.
Bukod sa mga designers, dalawang fashion design students din mula Malaysia at Vietnam ang inimbitahan na nagwagi sa ginanap na “Asian Students Award 2013.”
Nagkaroon din ng song and dance interpretation number na nagpasaya sa mga manonood.
Samantala, nakibahagi rin sina Libiran at iba pang designers sa mga business meetings at sightseeing tours sa Tokyo na may layong ilapit sila sa kultura at tradisyong Hapon.
Gaganapin ang isang public voting at ang designer na makakatanggap ng pinakamaraming boto ang siyang tatanghaling best designer at iimbitahang magtungo sa Paris.
Ang Sakura Collection 2013 ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-55 anibersaryo ng Tokyo Tower.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento