Len Armea
Sa paghihiwalay ng bandang Westlife nitong 2012 matapos ang 14-taong karera bilang isang banda, malinaw sa lead vocalist nito na si Shane Filan kung ano ang susunod niyang hakbang: ipagpatuloy ang pagkanta at paglikha ng musika ng mag-isa. Hindi man madali na magsimulang muli ngunit naniniwala ang 32-anyos na Irish singer na ito ang kanyang nais gawin sa mahabang panahon.
Bilang patunay, bumisita sa Pilipinas si Shane para i-promote ang kanyang EP na pinamagatang “Everything to Me” sa ilalim ng MCA Music. Mismong si Shane ang nagsulat ng kantang Everything to Me kasama pa ang tatlong kanta, “Everytime”, “Once,” at “Today’s Not Yesterday.”
“The song is a true story. It’s about what’s important in my life – my wife, my children and my life in general. When I write songs it has to be something that I can relate to, something that is true,” ani Shane sa kanyang naging inspirasyon sa pagsulat ng kantang Everything to Me na edgy pop ang tema.
Inamin pa nito na malaking hamon ang pagtataguyod ng solo career lalo na’t galing siya sa isang banda na napakalaki ng narating at nagawang kontribusyon sa mahigit na isang dekada na itinakbo ng kanilang karera.
Matatandaang nakapagbenta ang Westlife ng halos 50 million records kabilang na ang pagkakaroon ng 14 hit singles sa United Kingdom na ikatlong pinakamalaki sa kasaysayan ng UK. Ang Westlife na binubuo ni Shane, Kian Egan, Mark Feehily, Nicky Byrne at Brian McFadden, ang nasa likod ng mga sikat na kanta tulad ng “If I Let You Go,” “I Lay My Love On You,” “Swear it Again,” at “Flying Without Wings.”
"Going solo is definitely a new experience for me and it’s something that’s going to take getting used to but it’s still singing, so it’s not something that’s completely different than before but yes, you’re on your own. It’s likely a lot more exposed and focused, so in everything you do you have to be 100%; you can’t sit back. I think for me, so far, it has been amazing,” dagdag pa ni Shane na nakatakdang maglabas ng kanyang full-length album bago matapos ang taon.
Sinabi rin ng gwapong singer na kung mayroon man siyang natutuhan sa kanyang pagiging Westlife band member ito ay ang pagiging masipag at matiyaga. Kaya sa pagsisimula ng kanyang solo career, wala siyang masyadong iisipin kundi ang patuloy na maibigay sa kanyang fans ang musikang kanilang nais marinig mula sa kanya.
“I just got to take it one song at a time and try to build
people to like my music here in the Philippines and in other countries and just work hard and hopefully things will get very good. I just got to take it one step at a time,” positibong sagot ni Shane.
Ang pagbisita ni Shane sa Pilipinas bilang bahagi ng kanyang Asian tour ang kanyang pang-limang beses sa bansa. Apat na beses na siyang nakabalik sa Pilipinas kasama ang iba pang miyembro ng Westlife at ang pang-lima ay ang kanyang unang pagbalik sa bansa bilang solo singer.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento