Miyerkules, Nobyembre 6, 2013

Ang bilang ng mga Pilipino sa Japan


Ni Cesar Santoyo

Ayon sa inilabas na bagong istatistika ng Ministry of Justice para sa Taon 2012 ay may nakatalang 202,974 na kabuuang bilang ng mga Filipino na nakarehistro sa naturang ahensya ng pamahalaan. Ang pinakamalaking bilang ng mga kababayan na naninirahan sa bansa ay matatagpuan sa Tokyo sa bilang na 28,148 o 14% at sinusundan ng Aichi sa bilang na 26,246 o 13% ng kabuuang populasyon.

Kanagawa-ken ang pumangatlo sa bilang na 17,718, Saitama-ken sa bilang na 16,110, at panlima ang Chiba-ken sa bilang na 15,436. Sa Shizouka-ken na may bilang na 12,358 ang prefecture at bilang huli sa mga prefecture na may mahigit sa 10,000 populasyon ng mga Filipino sa Japan.

Ang mga prefectures na may bilang na mas mababa sa 10,000 at mas mataas sa 5,000 ay: Gifu, 9,014; Ibaragi, 7,900; Osaka, 6,014; Gunma, 5,687; at Mie, 5,388. Sa kabuuang bilang na 202,974, ang 157, 556 o 77.62% ay mga kababaihan na kalakihan sa bilang ay mga asawa ng Japanese.

Para sa ating kaalaman ang sukat ng buong Tokyo ay katumbas ng mahigit tatlong ulit ng sukat ng buong Metro Manila. Kaya kung iisipin ang pagiging pinakamalaki sa buong populasyon ng mga Filipino sa Japan, sa Tokyo, ay maliit na maliit na tuldok lamang ang mga Pinoy na mahirap magkita o mapang-abot. Ang sukat ng Aichi naman ay kasyang ilagay sa loob ang dalawang beses na laki ng Tokyo kaya imposibleng magkatanawan man lang ang mga kababayan sa lugar na may susunod na pinakamalaking poplusyon. Isang halimbawa pa ay sa Gifu na ang laki ay mahigit 16 na sukat ng ng buong Metro Manila ang kasya sa buong prefecture na mahirap mabaybay ang landas ng mga kababayan roon.

Isa sa mga pinakainteresadong istatistika na nangyari sa kauna-unahang pagkakataon ay mas higit na mas marami ang naitalang diborsyo kaysa nagpakasal sa pagitan ng mga Filipina at Japanese. Sa taon 2012, ang naitalang nagpakasal ay 3,517 samantalang ang nagdiborsyo naman ay 3,881 o 364 ang higit na lamang ng bilang ng divorce kumpara sa kasal noong nakaraan taon. Sa naitalang nagpakasal mula taon  1992-2012 ay umabot sa 146,739 at ang nagdiborsyo sa kaparehong saklaw na taon ay 63,690. Nanatiling 43% ang divorce rate ng mga Filipina kasal sa Japanese.

Kung ang bilang ng mga nagpakasal ay itataya sa nagkaroon ng dalawang anak na Japanese-Filipino ang bilang ng mga kabataan sa loob ng mga Filipino community ay mahigit o kulang sa 300,000. Kung idaragdag ang mga anak na kinuha mula sa Pilipinas ay bilang karagdagan sa bilang ng mga kabataan na nakaugat ang pinagmulan sa Pilipinas. At marami pang mga Japanese-Filipinos ang naninirahan sa Pilipinas na hindi kasama sa istatistika ng Japan.

Sa kategorya ng kapanganakan, ang mga nasa 40 hanggang 44-taon-gulang ang pinakamarami sa bilang na 32,967; sinundan ng mula 45 hanggang 49-taong-gulang sa bilang na 24,036; 30 hanggang 34-taong-gulang sa bilang na 23,773; mula 35 hanggang 39-taon-gulang sa bilang na 23,773; at panlima sa pinakamaking bilang na 19,143 sa edad mula 25 hanggang 29. Ang pang-anim ay ang mga nasa 50 hanggang 54-taong gulang sa bilang na 10,420.

Trabaho ang numero unong problema ng mga kababaihang migrante sa Japan. At maging sa local, pag-umabot na sa edad trenta’y sinko ay nahihirapan ng makipagsabayan sa mga mas bata sa pag-aaply pa lamang ng trabaho. At kung ating iisipin ang mga tumuntong na sa 40- anyos pataas ay mas mahirap pa sa paghahanap ng magandang pagkakakitaan. Sa kabuuan ay umaabot sa 91,196 o 58% ng 157,556 na bilang ng mga kababaihan ay mula sa 35 hanggang 55 na taon gulang na may malaking suliranin sa paghahanap ng trabaho.  

Malaking usapin ang kalusugan pagsapit sa dapithapon sa buhay ng tao. Marami sa ating mga kababayan sa Japan na sa edad 30 pa lamang ay sandamukal na ang taglay na karamdaman dahil sa pag-abuso sa sobrang trabaho at stress ng buhay. Kaya kung mapapansin ang mga produkto para mapigilan ang pagkulubot ng mukha, mga placenta raw na babanat sa mga balat, mga supplements na pampalakas ng resistensya ay ang lumalaking pangangailangan ng malaking bilang ng mga nasa edad ng dapithapon. 

Sa darating na isa pang dekada ay mas malaking bilang na sa ating mga kababaihan ang maitatala na nasa retiradong edad na. Kamustahin naman natin kung papaano ba naman ang paghahanda bago dumating ang pamumuhay sa edad ng takipsilim. Sa malaking bilang ng mga single mothers na walang pension plan, paano kaya sa panahon na nasa dapithapon ay makaipon pa kaya para maihanda ang pamumuhay sa pagsapit ng  takipsilim? Sa mga nasa dapithapon na nagtatrabaho bilang caregiver ay sigurado na naiisip din at nangangamba na sa darating na dekada siya na rin ang nangangalingan ng caregiver. 

Sa totoo lang, hindi naman nakakatakot na umabot ang pamumuhay pagdating ng takipsilim. Mas nakakalungkot nga na pagmasdan na karamihan sa atin sa Japan mula sa nasa kainitan ng katanghalian hanggang ang edad ay nasa takipsilim ay kasalukuyang nakatira sa kadiliman sa sarili nating kagagawan. Sapagkat talamak sa halos lahat ng mga komunidad ng Pinoy sa Japan ay nagtatampisaw sa putikan at namumuhay sa palangganang puno ng talangka.

Sa paglalaro ng putik ay nakagawian na ang siraan, pag-tsismisan at hanapin ang kapintasan ng kababayan imbes na tingnan at suportahan ang taglay na kalakasan. Para ring mga talangka sa palanggana ang gawi ng mga kababayan na hihilahin pababa ang mga papaangat imbes na suportahan mapapunta sa itaas. Tayo rin lamang ang gumagawa ng ating sariling kadiliman at tayo rin lamang ang magliliwanag sa ating patutunguhan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento