Huwebes, Nobyembre 7, 2013

Paano mag-iimpok habang nasa ibang bansa?


Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Panahon na naman ng taglamig dahil sa hudyat ng taglagas o autumn kaya naman mahihirapan na naman tayong hanapin ang mga itinabi nating mga winter clothes sa sulok ng aparador.  Minsan ay hindi natin agad namamalayan ang pagpapalit ng panahon kaya’t nagagahol tayo sa paghahanap nito. 

Kadalasan ay pupunta na lang tayo sa pinakamalapit na department store para bumili ng bago na ating  susuotin.  Kaya naman napakagastos kapag nasa ibang bansa tayo na may iba’t ibang panahon sa isang taon ‘di gaya sa ‘Pinas na sa buong taon ay tag-init at taglamig lamang ang panahon.

May nangmungkahi  sa akin isang araw, “Mam Elvie, bilang isang ekonomista, pwede mo bang isulat ang mga dapat gawin upang makapag-impok --  maliit man o malaki ang kita ng isang tao?  

Kahit na tinitipid-tipid natin ang pera natin kung hindi tayo marunong mag-budget at magtimpi sa ating mga gustong bilhin ay hindi rin tayo makakaipon.  Kailangan may formula po ang ating buwanan o ang ating budget kada araw. 

Narinig ninyo na po ba ang 70-20-10 o 10-20-70 percentage formula?  Ang ibig sabihin nito ay sa isang buwan nating suweldo o allowance ay kailangang gastusin lang natin sa pangangailangan ang 70% na kabuuan nito, ang 20% ay i-deposit natin sa bangko upang maipon at panggastos sa hinaharap o pang-puhunan sa negosyo, at ang 10% ay pasasalamat o pagtanaw sa Diyos ng utang na loob sa mga biyayang natanggap sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa Kung walang formula ay walang hangganan din ang ating paggastos dahil hangga’t may hawak na pera ay gagastusin lang natin o ipapadala pa ang natitira sa ating pamilya sa ‘Pinas.  

Narito ang kunkretong halimbawa, kunin na lang natin ang average na kita dito sa Japan ng mga manggagawa sa factory (dahil bukod sa full time job ang iba, may iba naman na part-time lang) na ¥100,000 labas na ang mga binawas sa suweldo natin:  Total monthly salary:  ¥100,000 x .70 = ¥70,000 ang panggastos kada buwan. Halimbawa:  ¥ 20,000 ang padala sa pamilya sa ‘Pinas kada buwan at ¥ 50,000 ang panggastos sa pagkain, tubig, kuryente, damit, iba pang gamit at gamot kung kailangan.  

Ang 20% ng ¥100,000 ay ¥20,000 na dapat ipunin o i-deposit sa sariling bank account kada buwan, at magplano ng matubong negosyo na kayang umpisahan pagdating ng panahon o kaya naman ay pambayad ng utang sa investment sa negosyo o sa real estate.  At ang natitirang 10% ng ¥100,000 o ¥10,000 ay tinatawag na “ikapu” o bigay sa kawanggawa sa simbahan, sa mga mahihirap o nasalanta ng kalamidad, na naaayon sa kalooban ng Diyos dahil ito ang mga nasusulat sa mga sumusunod na talata sa Bibliya na mula sa Malakias 3:6-12  -- Ang Pagbibigay ng Ikasampung Bahagi.

 “Ako si Yahweh. Hindi pa kayo lubusang nalilipol sapagkat hindi ako nagbabago sa aking pangako.  Subalit tulad ng inyong mga ninuno, tumalikod kayo at sinuway ninyo ang aking mga kautusan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo,” sabi ni Yahweh na makapangyarihan sa lahat. Itinatanong ninyo, 'Paano kami manunumbalik sa inyo?'
             
“Ang tanong ko nama'y, matuwid bang pagnakawan ng tao ang Diyos? Hindi! Ngunit pinagnanakawan ninyo ako. Sa paanong paraan? Sa mga ikasampung bahagi at mga handog.  Isinumpa ko kayong lahat sapagkat ako'y pinagnanakawan ng buong bansa.  Dalhin ninyo nang buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala.  Hindi ko rin hahayaang salantain ng mga balang ang inyong mga pananim at mamumunga na nang sagana ang inyong mga ubasan.  Dahil dito'y sasabihin ng lahat ng bansa na kayo'y mapalad sapagkat napakainam manirahan sa inyong lupain," sabi ni Yahweh na makapangyarihan sa lahat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento