Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kyoto. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na kyoto. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Disyembre 5, 2017

Lodging tax ipapataw ng Kyoto sa mga turista

Ipinasa kamakailan ang isang ordinansa na magpapataw ng lodging tax sa mga lokal at dayuhang turista na mananatili sa mga hotels, inns at pribadong lodging services sa lungsod ng Kyoto.

Ipapatupad ang ¥200 hanggang ¥1,000 na lodging tax kada gabi sa bawat turista na mananatili sa lungsod base sa halaga ng kanyang kwartong tinutuluyan. Sisimulan ito mula Oktubre 2018.

Tinatayang aabot sa ¥4.56 bilyon ang malilikom dito ng lungsod ng Kyoto na gagamitin sa promosyon nito sa turismo.

Aabot sa humigit-kumulang 55 bilyong katao ang bumisita rito noong 2016.

Nasa halos 2,500 lodging services ang matatagpuan dito na karamihan ay mga guest houses at boarding houses.

Nakapagtala ng record breaking na 7.86 milyong pananatili ng mga dayuhang turista sa mga hotel at inn sa buong Japan noong nakaraang Abril kung saan pumangatlo ang Kyoto sa 689,600 kasunod ng Tokyo sa unang pwesto at Osaka sa pangalawang pwesto. Hindi naman kabilang dito ang mga dayuhang turista na nanatili sa mga pribadong lodging services tulad ng Airbnb at mga cruise ships.


Samantala, sinimulan nang tugunan ng pamahalaan ang problema sa kakulangan sa mga hotel at inn sa pamamagitan nang pagpayag sa pagpapaupa ng mga Airbnb hosts sa Japan ng kanilang mga bahay at kwarto sa mga turista. Isinabatas ito ng Diet noong Hulyo.

Martes, Agosto 8, 2017

A world’s first: The most Japanese-like Starbucks opens in Ninen-zaka street, Kyoto



“As this store is in an area of great cultural significance, we feel a responsibility to be the stewards of the building’s traditional architecture and ensure that it remains an integral part of its historic neighborhood for many years to come,” ang pahayag ni Starbucks Coffee Japan CEO Takafumi Minaguchi sa panayam ng CNN.

Pinangalanan ang naturang bagong coffee house na Starbucks Coffee Kyoto Ninen-zaka Yasaka Chaya branch, na binuksan sa publiko kamakailan at matatagpuan sa preserved historic district ng Kyoto.

Sa pangkalahatang 1,260 Starbucks branches na nasa buong Japan kung saan 26 dito ay matatagpuan sa Kyoto, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagbukas ang American coffee house giant ng traditional Japanese-designed Starbucks na taliwas sa nakasanayan ng itsura ng Starbucks na gawa sa bakal at salamin ang loob at labas nito.

Ang Japan ang unang international market ng Starbucks sa labas ng North America simula pa 1996 at 21 taong na ang makalipas ay nananatiling ikaapat ang Japan sa pinakamalaking market ng kumpanya sa buong mundo.

Ingenious art house: Traditional Kyoto aesthetics and Starbucks café culture

“Walking through the ‘noren’ at the entrance and venturing inside, we want customers to experience a feeling of being inside a traditional Kyoto ‘machiya’ wooden townhouse,” ang pagpapatuloy ni Minaguchi sa layunin at konsepto na nasa likod ng Starbucks Kyoto Ninen-zaka.

Isa pa sa pangunahing atraksyon nito ay hindi nagtayo ng bagong istruktura ang kumpanya kundi ginawan lamang ng minor renovations ang isang 100-taon na tradisyonal na dalawang palapag na Japanese townhouse o tinatawag na “machiya.”

Medyo naiiba rin ang nasabing machiya dahil ito lang ang natatanging istruktura na may “daibeizukuri” (walled-fence) na siyang humihiwalay dito sa mismong kalsada kumpara sa mga katabi nitong 19th-century Japanese shrines at townhouses. Isa ito sa mga elementong pinanatili ng Starbucks bilang pagkilala at pakikibagay sa katangi-tanging kultura ng itinuturing na historic district ng Japan.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na naglunsad ang Starbucks ng nakakamanghang disenyo sa kanilang branch, gaya na lang ng Starbucks Dazaifu na idinisenyo ng Japanese architecture firm Kengo Kuma and Associates at matatagpuan sa port city ng Fukuoka.

A time capsule back to the Meiji and Taishō era

Makilala lang na isang Starbucks branch ito dahil sa kulay indigo na noren curtains na may Starbucks logo na nasa bungad, na siyang tanging pagkakakilanlan nito na malayo sa karaniwang neon-lit Starbucks logo.

Pagpasok mo pa lang ay parang bigla kang ibinalik nito sa panahon ng Meiji at Taishō. Pagkalampas mo sa noren curtains, makikita mo ang isang mahaba at makipot na hallway na pinapasukan ng mahiwagang sikat ng araw. Nakadugtong ito sa espresso bar counter at isa sa tatlong courtyards, at ang bawat courtyards naman ay may garden at ‘tsukubai’ o stone water basins.

Sa ikalawang palapag, kinakailangan nang iwanan ang sapatos sa pintuan nito bago pumasok sa tatlong kwarto na may “tatami” flooring at “zabuton” cushions na gawa sa “chirimen” (kimono fabric) mula sa Tango region ng Kyoto. 

Tunay nga namang ibang klase ng relaxation at coffee house experience ang mararanasan dito sa  Starbucks Ninen-zaka, isang pagkakataon na ‘di dapat palampasin at kalauna’y magiging isang pangunahing tatak ng makasaysayang Kyoto. 


Mula sa Starbucks, ang cobblestoned street na ito ay diretso rin sa Yasaka Jinja Shrine at UNESCO World Heritage na Kiyomizu-dera Temple. Bukas ito Lunes  hanggang Biyernes, 8:00am-8:00pm at ang eksaktong address nito ay 349 Banchi, Masuya-cho, Shimogawara Higashi-iru, Kodaiji Minamimon-dori, Higashiyama-ku, Kyoto. 

Lunes, Enero 30, 2017

Book and Bed accommodation bookshop nagbukas ng ikalawang branch sa Kyoto


“The perfect setting for a good night’s sleep is something you will not find here. There are no comfortable mattresses, fluffy pillows nor lightweight and warm down duvets. What we do offer is an experience while reading a book. An experience shared by everyone at least once: the blissful ‘instant of falling asleep’.”

Mababasa ang mga pangungusap na ito sa about section ng website ng Book and Bed, isang “accommodation bookshop” na unang nagbukas sa publiko Nobyembre nitong nakaraang taon, na matatagpuan sa 1-17-7,  7th floor Lumiere Building, Nishi Ikebukuro, Toshima-ku, Tokyo at 30 segundo lamang ang layo mula sa C8 exit ng Ikebukuro station. Pinapatakbo ito ng kumpanyang R-Store.

The reader’s paradise

Ang konseptong accommodation bookshop ay hango sa pinasimulang trend ng Junkudo, isa sa mga pangunahing bookstore chains ng Japan, na nagsagawa ng trial run ng bookstore night camp sa kanilang branch sa Kasumigaseki kung saan ang mga guests ay pwedeng matulog overnight sa bookstore nang libre. Kailangan lamang bumili ng isang libro o magazine at magdala ng sariling sleeping bag at pwedeng mag-late-night reading sessions.

Sa pagbubukas ng Book & Bed Tokyo, ngayon ay hindi na pagtataasan ng kilay ang sinumang papasok sa isang bookshop, magbabasa at makakatulog sa pagbabasa. At mas may pagkakataon na ang marami pang mga travelling bookworms at maging mga Japanese locals na maranasan ito sa pagkakaroon ng bagong branch sa Kyoto ngayong Disyembre.

Tunay nga namang pambihira at ‘di pangkaraniwan ang experience sa Book and Bed, lalo na sa mga bookworms na gustong napapalibutan ng mga samu’t saring libro na pwedeng basahin nang libre.

Book & Bed & Beer

Kagaya ng Tokyo branch, sa bunk beds na ginawa sa istilong naglalakihang bookshelves matutulog ang mga guests. May 20 beds na dalawang klase – ang bookshelf (sleep behind the bookshelf) at river view (with Kamogawa river view) at dalawang bed sizes – standard at compact. Lahat ng bunk beds ay may book lights, outlet, curtain, clothes hanger, at free Wifi connection. Available naman nang 24 oras ang shared toilet/showers. Mayroon din na rental dryer (not available from 12am – 7am) at dial locker (limited).

May 2,500 book titles dito mula sa seleksyon ng bookstore na Keibunsha, na kumbinasyon ng Kyoto-themed travel guide books na nasa English at Japanese.

Dinisenyo ito ni Makoto Tanjiri ng Suppose Design Office, na siya rin nagdisenyo ng Tokyo branch. May dagdag na atraskyon naman sa Kyoto branch na matatagpuan sa 9th floor Kamogawa Building 200, Nakanocho-Nishiiru, Higashiyama-ku, Gion district at ‘di kalayuan sa Kawaramachi station, ito ang bar space tampok ang iba’t ibang klase ng craft beers na isang lumalaking industriya sa Kyoto.

Malapit din ito sa mga sightseeing spots gaya ng Yasaka Shrine, Nanzenji Temple, Fushimi Inari Shrine, Ginkakuji Temple, Keibunsha, Kyoto Museum of Contemporary Art, Rissei Cinema, UrBANGUILD, mga restaurants at cafes.

Makabibili rin ng exclusive items sa Kyoto branch gaya ng traveler’s factory (pens, notebooks, stationery, bookmarks) at japonica gown o yukata styled-pajamas. Nagsisimula ang rates sa ¥4,445 sa compact bed at ¥4,908 sa standard, check-in ng 4:00pm at check-out ng 11:00am.



Lunes, Nobyembre 7, 2016

Exploring lesser known autumn spots in Kyoto

Ni Herlyn Alegre


Kilala ang Kyoto na mayaman sa kasaysayan. Marami itong mga templo na itinayo ilang daang taon na ang nakalilipas. Karaniwan itong pinupuntahan ng mga tao para magpasalamat at idalangin ang kanilang mga hiling. Pero kapag dumating na ang panahon ng “momiji,” hindi lamang nagiging lugar ng panalangin ang mga templo, dinarayo rin ang mga ito dahil sa makukulay na mga dahong nakapaligid sa mga ito.

Karaniwan nang makikita sa listahan ng magagandang puntahang lugar kapag panahon ng taglagas ang Kiyomizudera at Ginkakuji sa Kyoto. Pero bukod sa mga ito ay marami pang hindi gaanong kilalang templo ang maganda rin bisitahin.  

Kodaiji. Hindi nalalayo sa Kiyomizudera ang Kodaiji. Kilala ito sa naggagandahan nitong mga maple leaves na lalong tumitingkad kapag nailawan sa gabi. Nagsisimula ang night illumination mula paglubog ng araw hanggang 9:30 ng gabi. ¥600 ang regular na ticket para makapasok dito at ¥250 naman para sa mga estudyante. Maaari rin na kumuha ng espesyal na discounted ticket sa halagang ¥900 kung gusto mong pumunta sa Kodaiji Temple, Kodaiji Sho Museum at Entokuin Temple.

Gioji. Sa ilang mga templo sa Sagano, isa ang Gioji sa mga dapat ilagay sa listahan ng pupuntahan. Ayon sa kwentong, “Heike Monogatari,” minsan daw nanirahan dito sina Gio at Hotoke-Gozen, mga babaeng inibig ni Taira Kiyomori, isang makapangyarihang samurai noong 12th Century. ¥500 ang regular na ticket sa templo pero maaaring kumuha ng discounted ticket para sa Gioji at Daikokuji sa halagang ¥600.  

Kuramadera. Matatagpuan ito 30 minuto mula sa sentro ng Kyoto. Maaaring mag-hike paakyat ng bundok ng Kurama habang pinagmamasdan ang mga pulang dahon o ‘di kaya naman ay sumakay ng cable car para mas makita ang ganda ng mga ito. Hindi rin kalayuan ang Kurama Onsen kung saan maaari kang mag-relax pagkatapos ng mahabang hike. Bukas ang templo hanggang 4:30 at ¥200 ticket para rito.

Kitano Tenmangu. Bagamat mas kilala ang templong ito dahil sa mga plum blossoms nito na namumukadkad tuwing Pebrero, marami rin itong mga puno ng maple na tumutubo sa may kanlurang bahagi ng main hall malapit sa Kamiya River. Makikita rin sa bahaging ito ng templo ang “Odoi,” mga batong pansanggalang na itinayo noong 1591 ni Toyotomi Hideyoshi, isa sa pinakamakapangyarihang “daimyo” sa kasaysayan ng Japan. May night illumination din dito na nagsisimula paglubog ng araw at nagtatapos ng alas-otso ng gabi.

Shinnyodo. Kung pagod ka nang makipagsiksikan sa mga tao sa Ginkakuji, maaari kang dumaan sa Shinnyodo na matatagpuan sa ‘di kalayuan. Natatago ito sa mas tahimik at mas residensiyal na bahagi ng Kyoto. Siguradong maaaliw ka sa paglalakad habang pinagmamasdan ang mga magagandang pulang dahon dahil walang masyadong dumadaang mga sasakyan sa bahaging ito. Walang bayad ang pagpasok sa paligid ng templo pero kailangang kumuha ng ticket kung gusto mong masilip ang inner chamber ng main hall o makita ang magandang Japanese garden.


Kahit paulit-ulit na pumunta sa Kyoto sa iba’t ibang pahanon, hindi ito nauubusan ng mga lugar na maaaring magpabilib at magpahanga sa iyo. Ang panahon ng momiji ang sinasabing pinakamainam na panahon ng pagpunta sa Kyoto kaya hindi ito dapat palagpasin. Kung hindi, kakailanganin mo pang maghintay ng 12 buwan para mapagmasdan ang ganda ng mga templong nababalot ng mga naghahalong pula at dilaw! 

Miyerkules, Oktubre 26, 2016

Bela Padilla, dumalo sa Kyoto Film Festival

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa KIFF2016

Bela Padilla and Jacky Woo
Dumalo ang aktres na si Bela Padilla sa kakatapos pa lamang na 3rd Kyoto International Film and Art Festival (KIFF) kung saan ipinalabas ang kanyang pelikula na “Tomodachi.”

Dinaluhan ni Padilla ang opening ceremony ng KIFF na ginanap sa makasaysayang Nijo Castle kasama ang aktor na si Woo.

Ginampanan ni Padilla ang papel ng Pilipinang si Rosalinda na nagkaroon ng relasyon sa Hapon na si Toshiro na ginampanan naman ng Japanese-Chinese actor na si Jacky Woo. Malapit na kaibigan ng nakakatandang kapatid ni Rosalinda na si Edilberto (Pancho Magno) si Toshiro na kilala bilang tomodachi (kaibigan) sa Cavite.

Nang pumutok ang World War II, bumalik si Toshiro bilang opisyal ng Japanese Imperial Army at ang dalawang magkaibigan ay nagkaroon ng hindi pagkakasunduan dahil si Edilberto ay lumalaban para sa mga guerilla.

Ito ay idinirehe ng batikang direktor na si Joel Lamangan.

“It wasn’t conventional for Rosalinda to be in love with a Japanese soldier so she had to be strong, stick by her decision. I guess in that era things were simpler…so if you liked someone back then there was a 100% chance you were going to end up with them. So I think that is where the characters were coming from,” paliwanag ng batang aktres sa mga press at manonood na dumalo sa screening ng pelikula na ginanap sa Aeon Cinema Kyoto Katsuragawa.

Napanaluhan ng World War II drama ang Best Foreign Language Feature Film at Best Musical Score sa 2016 Madrid International Film Festival.

Pagkatapos sa KIFF ay nakatakda rin itong ipalabas sa Berlin Art Film Festival at Milano Film Festival sa Italy.

Samantala, inaasahan din na dadalo si Padilla sa 29th Tokyo International Film Festival kung saan ang kanyang pelikulang “I America” ay lalaban sa Asian Future section ng prestihiyosong festival.


Lunes, Enero 12, 2015

2014-15 Winter Illuminations in Japan

Ni Florenda Corpuz
Winter illumination sa Japan. Kuha ni Din Eugenio


Taglamig na naman! Bukod sa snow na inaabangan ng maraming tao, pinakaaabangan din ng mga lokal at dayuhang turista ang mga illuminations sa iba’t ibang lugar sa bansa bilang bahagi ng kanilang winter experience.

Narito ang listahan ng mga lugar na may popular na winter illuminations sa bansa ngayong 2014-15:

1. Roppongi Hills – May temang “Artelligent Christmas,” labis na ikinamangha ng mga tao ang pailaw sa pinakapopular na “city within a city” sa Tokyo. Sa kahabaan ng Keyakizaka Street, makikita ang Galaxy Illumination ng “Snow&Blue” at “Candle&Red.” Sa 66 Plaza naman ay makikita ang isang giant Christmas tree na may taas na walong metro at pinatingkad pa ng mga LED lights habang malaking chandelier naman ang naka-display sa West Walk.

2. Tokyo Midtown – Nasilayan dito ang signature winter display ng lugar na “Starlight Garden” kung saan 180,000 fragments of light ang matatanaw sa abot ng mga mata. Pinatingkad pa ito ng dinagdag na stick illumination na kauna-unahan sa bansa at nagbibigay liwanag na aabot sa apat na metro at lumilikha ng 3D.

3. Ginza – Pinatingkad muli ng Mikimoto Jumbo Christmas Tree ang kahabaan ng Chuo Street na nakadagdag sa rangya ng sikat na high-end shopping district na naka-display hanggang Disyembre 25.

4. Ebisu Garden Place – Tampok pa rin ngayong taon ang kaaki-akit na “Baccarat Eternal Lights” kung saan may nakalatag na mahabang red carpet patungo sa 5-meter-tall crystal chandelier tower na siyang pinakatampok na atraksyon ng lugar. Bukas ito sa publiko hanggang Enero 12, 2015 mula 4 p.m. hanggang 12 m.n.

5. Shiodome – Ang “Canyon d'Azur” ang tampok na atraksyon ngayong taglamig sa Caretta Shiodome kung saan makikita ang tila karagatan ng mga LED lights. Bukas ito hanggang Enero 12, 2015 mula 5 p.m. hanggang 11 p.m.

6. Shirakawa-go – Hinirang na UNESCO World Heritage Site sa Gifu Prefecture, dinarayo ang lugar na ito dahil sa katangi-tanging tanawin. Umaabot sa mahigit sa apat na metro ang snowfall dito kung saan ang mga gassho-zukuri farmhouses sa Ogimachi village ay iniilawan. Bukas ito sa Enero 17, 24, 25, 31; Pebrero 1, 7 at 14, 2015.

7. Sapporo – Isa sa pinakamalaking winter events sa bansa ang Sapporo Snow Festival kung saan makikita ang mga nakakamanghang crystal-like ice structures at puting snow na lalo pang pinatingkad ng winter illumination nito. Gaganapin ito mula Pebrero 5 hanggang 11, 2015.

8. Kobe – Nagsimula noong 1995, ang Kobe Luminarie sa Hyogo Prefecture ay ginaganap taun-taon upang gunitain ang Great Hanshin-Awaji Earthquake. Ito rin ang orihinal na illumination attraction ng bansa. Makikita rito ang naggagandahang hand-painted lights at LEDs na napapailawan upang gunitain ang mga biktima ng lindol at pagdiriwang sa muling pagbangon ng Kobe.

9. Osaka – Bilang bahagi ng “Festival of the Light in Osaka 2014,” masasaksihan ang “Osaka Hikari-Renaissance” at “Mido-suji Illumination” hanggang Enero 18, 2015.


10. Kyoto – Ngayong Disyembre, ginaganap ang dalawang magkahiwalay na light at flower walkway festivals na kung tawagin ay “Hanatouro” sa mga lugar ng Arashiyama at Higashiyama. Masisilayan dito ang mga naggagandahang hand-sculpted open-air lanterns na may tradisyonal na disenyo at nagbibigay ilaw sa mga walkways patungo sa mga templo, shrines at parke.

Martes, Abril 1, 2014

Kinkaku-ji: Simbolo ng Kyoto

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Tanyag ang Kyoto sa buong mundo bilang dating kapital ng Japan at dahil sa mga naggagandahan at makasaysayang templo at shrines na makikita rito kabilang na ang Kinkaku-ji, ang itinuturing na simbolo ng lugar.

Matatagpuan sa rehiyon ng Kansai, ang Kyoto ay naging kapital ng Japan noong ikawalong siglo at naging sentro ng pulitika, ekonomiya at kulturang Hapon sa loob ng 1,100 taon. Sa mahabang panahon na ito, maraming templo at shrines ang itinayo sa lugar, isa na rito ang Kinkaku-ji o Temple of Golden Pavilion.

Ang Kinkaku-ji ay isang Buddhist hall na nagtataglay ng mga relics ni Buddha. Ito ay orihinal na bahagi ng templo, ang Rokuon-ji, na itinayo noong ika-14 na siglo bilang pwesto ng Kitayama-dai villa na pag-aari ni Saionji Kintsune. Nagustuhan ito ni Ashikaga Yoshimitsu, ang pangatlong shogun noong Muromachi period, at binili mula sa pamilyang Saionji noong 1397. Nagtayo siya rito ng sariling villa na kanyang tinawag na Kitayama-den.

Nang pumanaw si Yoshimitsu, inihabilin niya sa kanyang testamento na gawin itong templo ng Zen sect ng Budismo na popular sa pagsasagawa ng zazen o religious meditation.

May tatlong palapag ang Kinkaku-ji. Bawat palapag ay may kanya-kanyang architectural style. Ang unang palapag ay itinayo ng shinden style ng imperial aristocracy; ang ikalawang palapag ay may buke style ng warrior aristocracy; at ang ikatlong palapag naman ay sa Chinese zenshu-butsuden style. Nababalutan ng gold leaf ang ikalawa at ikatlong palapag habang sa pinakatuktok ay may nakalagay na phoenix.

Sinasabing ang hardin at gusali sa palibot ng Kinkaku-ji ay kinatawan ng Pure Land of Buddha sa mundong ito. Idinisenyo ang hardin upang magbigay ng iba’t ibang view habang naglalakad sa paligid ng malaking lawa na tinawag na Kyoko-chi. Dito’y may mga nakalagay na malalaki at maliliit na bato na may iba’t ibang hugis na donasyon ng mga mga provincial lords ng mga panahon na iyon.

Makikita rin dito ang Sekka-tei Tea House, isang hiwalay na teahouse na itinayo noong Edo period kung saan masisilayan ang kinang at ganda ng Kinkaku-ji.


Maraming beses nang natupok ng apoy ang Kinkaku-ji noong panahon ng digmaan. Nadale rin ito ng arson. Ngunit ito ay isinaayos noong 1955 at 1987. Kinilala ito ng UNESCO bilang World Cultural Heritage noong 1994.

Biyernes, Disyembre 6, 2013

Best Koyo Spots in Japan

 Ni Florenda Corpuz



Autumn is here! Tuwing panahon ng taglagas, popular na libangan ng mga lokal at dayuhang turista sa Japan ang “autumn leaf viewing” o ang tinatawag na “momijigari.”
           
Bahagi na ng kulturang Hapon ang momijigari. Sinusubaybayan nila ang tinatawag na “koyo front” kung saan ang kulay berdeng dahon ay nagiging pula, dalandan at dilaw. Ang koyo front ay nagsisimula sa northern mountains ng Hokkaido pababa sa central at southern parts ng Japan. Kadalasan ay nagtutungo sa mga hardin, parke, templo at bulubunduking lugar ang mga tao para masilayan ang mga naggagandahang autumn colors ng bansa.

Narito ang listahan ng ilan sa mga paboritong koyo spots sa buong Japan:

Daisetsuzan National Park – Ito ang pinakamalaking mountain national park sa buong Japan na may total area na 230,000 hectares. Tinatawag na “the roof of Hokkaido” ang lugar na ito dahil sa mga naglalakihang bundok na makikita rito. Dito unang masisilayan ang autumn colors ng taglagas na kadalasan ay makikita kalagitnaan ng Setyembre hanggang Oktubre.

Onuma Park – Itinalaga bilang quasi national park, kilala ang lugar na ito dahil sa napakagandang Mount Komagatake. Ito ay matatagpuan sa katimugang bahagi ng Hokkaido kung saan ma-e-enjoy ang ganda ng autumn colors tuwing buwan ng Oktubre.

Oirase Mountain Stream – Ang Oirase-gawa River ay dumadaloy mula sa Lake Towada-ko at sa pagitan ng 14-kilometer source section sa pagitan ng Nenokuchi at Yakeyama. Ito ay tinalagang natural monument ng Aomori. Makikita ang autumn colors dito simula kalagitnaan ng Oktubre.

Tateyama Kurobe Alpine Route – Isa sa pinakamagandang mountain crossings sa buong Japan. Ito ay nakumpleto noong 1971 at kumukonekta sa Toyama City sa Toyama Prefecture at Omachi Town sa Nagano Prefecture. Pangunahing atraksyon nito ang Tateyama Mountain Range na bahagi ng Chubu Sangaku National Park. Masisilayan ang naggagandahang autumn colors dito simula huling bahagi ng Setyembre hanggang unang linggo ng Nobyembre.

Nikko – Ito ay matatagpuan sa paanan ng Mt. Nyoho-san sa kanlurang bahagi ng Tochigi. Ang lugar na ito ay itinuturing na temple town ng Futara-san-jinja Shrine, Toshogu Shrine at Rin-no-ji Temple. Masisilayan ang naggagandahang autumn colors sa Okunikko region sa paligid ng Lake Chuzenji at Yumoto Onsen simula Oktubre hanggang kalagitnaan ng Nobyembre.

Miyajima – Matatagpuan sa labas ng Hiroshima Prefecture, ang Miyajima ay kabilang sa top three scenic spots sa Japan at tinatawag na “Island of Gods,” at popular dahil sa floating shrine at Otorii na matatagpuan dito. Ma-e-enjoy ang autumn colors dito sa kalagitnaan ng Nobyembre.

Arashiyama – Ito ay matatagpuan sa outerskirts ng Kyoto kung saan masisilayan ang naggagandahang autumn colors tuwing kalagitnaan ng Nobyembre. Noong unang panahon dinarayo na ng mga aristokrato ang lugar na ito na puno ng rice fields at bamboo woods upang makakita ng magagandang tanawin habang namamangka.

Rikugien Gardens – Isa ito sa pinakamagandang hardin sa buong Japan. Pitong taon ang itinagal bago makumpleto ang lugar na ito noong 1702. Ang Tsutsuji Tea House ay isa sa best spots ng hardin. May special illumination dito ng mga autumn leaves simula Nobyembre 22 hanggang Disyembre 8. 

Mount Takao – Ito ay isa sa pinakadinarayong lugar ng mga Tokyoites kung nais nilang makita ang ganda ng autumn colors dahil malapit lamang ito sa central Tokyo. Ang makahoy na bundok ay pinupuntahan dahil sa templo at hiking opportunity na ibinibigay nito. Ang buwan ng Nobyembre ang peak ng autumn colors dito.

Icho Namiki (Ginkgo Avenue) – Itinuturing na opisyal na puno ng lungsod ng Tokyo ang ginkgo o icho. Sa Meiji-jingu Gaien Park matatagpuan ang tinatawag na Icho Namiki o “Ginkgo Avenue” kung saan nakahilera ang naggagandahang ginkgo trees na masarap puntahan tuwing huling bahagi ng Nobyembre hanggang unang linggo ng Disyembre.

Sa Kyoto unang nagsimula ang tradisyon ng autumn leaf viewing na nagsimula pa noong Heian period (late 8th century).