Ni
Al Eugenio
Para sa mga taga-Nishi Tokyo tulad
ng Tanashi Kiyose at Nerima, maging sa mga taga-Kawaguchi, Urawa at Koshigaya,
ang pumunta sa Narita Airport ay magiging madali na dahil sa pag-uugnay ng
Gaikan Expressway sa Keio at Higashi Kanto Expressway na malapit nang matapos.
Walang kaalam-alam ang marami na mula sa Matsudo, sa may route 6, ay may
matagal nang binubutas na tunnel sa ilalim ng mga kabahayan na magdurugtong sa
Gaikan Expressway hanggang sa makarating ito sa Higashi Kanto Expressway mula
sa Misato.
Marahil ay inyong napapansin ang itinatayong
mga haligi ng tulay sa kabi-kabilang panig ng daan sa bandang Ichikawa kung
kayo ay tumatahak sa Bayshore route
patungo sa Narita airport. Dahil sa araw-araw ay dumadaan ang inyong lingkod
sa lugar na ito, nakamamangha ang bilis nang pagkakadugtong-dugtong ng mga
tulay at ng mga daan na para bang hinahabol nilang tapusin
ang bahaging ito ng Gaikan bago matapos ang taon.
Para sa mga Hapon, napakahalaga ang
magkaroon ng maayos na mga daan. Ito man
ay daan para sa mga tren, para sa mga pribadong sasakyan, mga sasakyang
naghahatid ng mga pasahero o kaya naman ay mga kalakal o simpleng daan para sa mga nakabisikleta
o mga nilalakaran ng mga mamamayan. Binibigyan nila ng malaking importansya ang
kahalagahan ng pagkakaroon ng maaayos at magagandang daan.
Maaayos na mga daan upang huwag
maabala ang mga bumibiyaheng mga sasakyan. Hindi butas-butas o bako-bako upang
hindi maging dahilan nang pagkasira ng mga dadaang sasakyan. Matitibay na daan
upang magtagal nang matagal na panahon at mapakinabangan pa rin ng mga darating
pang mga henerasyon.
Magagandang daan na may sapat
na impormasyong makakatulong sa mga
naglalakbay upang malayo sa sakuna at madaling makarating sa kanilang paroroonan. Malalaking
sign at ilaw na magtuturo sa mga biyahero upang makapag-ingat at para rin hindi
maligaw. Pagkakaroon ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng maaayos na
palikuran kahit na naglalakbay pa sa mga medyo ilang na lugar.
Sa mga service area, maging ito ay
sa loob ng expressway o sa mga tinatawag na “Michi-no-Eki” o istasyon sa mga
daan, hindi lamang mga pagkain at mga pasalubong ang mayroon, mainit na o’cha o
tsaa ang naghihintay nang walang bayad para sa sinumang magnais ng mainit na
maiinom at hindi matamis.
Pangkaraniwan na rin ang mga
impormasyon tulad ng libreng mapa sa mga kung
saan-saang lugar na maaaring mapasyalan na hindi naman kalayuan sa lugar
na daraanan. Mga popular na kainan at
mga ipinagmamalaking prutas o mga bagay na yari o luto ng pook na kinaroroonan.
Sapat na impormasyon na kung sakaling hindi pa masyadong maunawaan, huwag
mahiyang magtanong sa mga taga-roon at buong lugod nilang ibabahagi ang marami
pang bagay na maaaring makatulong pa upang mas maging kaayaya ang pagpapatuloy
ng bawat paglalakbay.
Noong araw, sinasabi na kapag
inilagay lahat sa daan ang lahat ng sasakyang mayroon sa Japan, kukulangin ang
daan dahil sa sobrang dami ng mga sasakyan.
Ito ang dahilan na noong mga dekada ‘80 ay napakahaba at matagal din ang trapik sa mga lansangan. Kaya
naman binigyan ng pamahalaan ng Japan ng sapat na budget ang pagpapagawa ng mga
bagong daanan. Nadagdagan ang mga highway na nagbigay ng kaluwagan sa
pagsisikip ng mga lansangan sa loob ng kalungsuran. Nitong mga nakaraang taon,
bihira na lamang ang matatagal na trapik, maliban na lamang kung mayroong
sakuna na naganap sa daan.
Dahil sa maaayos at mga pinag-isipang
pagpaplano sa pagpapagawa ng mga daan dito sa Japan, maginhawang nakakapasok sa trabaho ang mga
mamamayan at pati na rin ang mga nag-aaral. Ang mga kalakal naman ay
maginhawang nakakarating sa kanilang mga patutunguhan. Patuloy na mayroong
laman ang mga convenience stores, department stores at iba pang pamilihan ng pangangangailan
sa araw-araw. Dahil na rin sa kaayusan ng halos lahat ng mga dinaraanan,
patuloy na nakakapaghanap-buhay ang mga mamamayan kasabay ang patuloy na pag-unlad
ng sambayanang Japan.
Sa kasalukuyang nangyayari naman sa
Pilipinas, kulang na kulang pa rin ang maaayos na daan. May expressway nga
ngunit ubod naman ng mahal na parang ginawa lamang para sa may mga kaya. Tulad
ng ating mga tren na binulok na ng panahon
at dahil sa ang mga nanunungkulan ay hindi naman sumasakay sa mga ‘yan.
Kung mayroon lamang sanang maayos
na pananaw ang mga namumuno sa ating bayan at natatanaw nila ang magiging
pangangailangan sa mga darating na panahon ng ating mga mamamayan mula pa noong
araw, sana kahit na hindi na katulad ng Japan, sana kahit na maaasahang mga
pampublikong mga sasakyan tulad ng tren na marami ang maisasakay. Mga karagdagang daan upang madaling makarating
ang mga kalakal at ang mga naghahanapbuhay.
Sana ay malaki na ang nakita nating pagbabago. Dahil
sa maabilidad naman tayong mga Pilipino, tiyak na mas marami ang makakapagtrabaho.
Tiyak na mas marami pa ang makakapagnegosyo.
Mas marami pa ang makapagtatapos ng pag-aaral. Higit sa lahat ay marami
ang makakabili ng kanilang mga gusto. Mas marami ang mabibiling mga paninda.
Mas marami ang iikot na pera. Mas marami ang
papasok na buwis na maaaring
ipangsweldo sa mga guro at iba pang naglilingkod sa mga mamamayan. Makakapagpatayo
pa ng mga ospital at marami pang paaralan.
Ganito sana ang dapat na larawan ng
kaunlaran. Hindi ang tulad ng mga balitang ang tanging umuunlad sa ating bayan ay ang mga nanunungkuklan sa
ating pamahalaan.