Ni Jovelyn Javier
Kapag nanonood tayo ng mga pelikula at mga serye sa
telebisyon, sinasabayan ng musika ang mga mahahalagang pangyayari sa kwento, na
lalong nakakadagdag sa ganda ng bawat eksena at nakakaapekto sa reaksyon at
karanasan ng manonood.
Kadalasan ay nagiging trademark ng mga pelikula ang
musika nito kung kaya’t kapag naririnig mo ang mga naturang musika lalo na
kapag live ay binabalik nito ang iyong emosyon at isip sa pelikulang pinagmulan
nito.
Iconic movies come alive in music
Kaya naman nito lamang ay itinanghal sa ikalawang
pagkakataon ngayong taon ng Manila Symphony Orchestra (MSO), sa pangunguna ni
Maestro Arturo Molina, ang “Silver Screen Symphonies: By Request” na bahagi ng
Rush Hour Concerts Season 2018 ng MSO sa Ayala Museum sa Makati.
Dito ay isinabuhay ng MSO ang mga tumatak nang musika
mula sa mga classic at award-winning films gaya ng Hitchcock psychological
films na “Psycho” (1960) at “Vertigo” (1958) sa musika ni Bernard Hermann, drama-romance
na “Out of Africa” (1985) sa musika ni John Barry, Italian drama na “Cinema Paradiso” (1988) sa musika ni Ennio
Morricone, mga musicals na “Prince of Egypt” (1998) sa musika nina Hans Zimmer
at Stephen Schwartz, “Chicago” (2002) sa musika nina John Kander at Danny
Elfman, at “Phantom of the Opera” (2004) sa musika ni Andrew Lloyd Webber,
“Themes from 007” sa areglo ni Calvin Custer, “John Williams Highlights” sa areglo
ni Ted Ricketts, at “Tribute to John Williams” sa areglo ni Paul Lavender.
Tagahanga ka man o hindi, sadyang kamangha-manga ang marinig
nang live ang mga musikang gawa ni John Williams habang ipinapakita sa screen
ang ilang eksena sa mga iconic Hollywood films na “Star Wars,” “Jaws,” “Superman,”
“Harry Potter,” “Indiana Jones,” “E.T.
The Extra-Terrestrial,” “A.I. Artificial Intelligence,” at “The Patriot.”
Nakaka-goosebumps ang musika ng Prince of Egypt, ang animated
musical drama na adaptation ng Book of Exodus tungkol sa buhay ni Moses habang
mapapaindak ka naman sa jazz music ng crime comedy-drama na Chicago. Samantala,
nag-uumapaw din ang emosyon sa isa sa pinakapopular na musical sa mundo na
Phantom of the Opera.
At kung mayroong James Bond music ay hindi naman nagpahuli
ang suspenseful music ng “Mission Impossible” ni Lalo Schifrin na tinugtog sa
encore ng Silver Screen Symphonies.
Itinatag ang MSO noong 1926 ni Viennese conductor Dr.
Alexander Lippay at isa sa pinakaunang symphony orchestras sa Asia. Marami nang
mga conductors ang namuno sa orchestra gaya nina Dr. Herbert Zipper, Oscar
Yatco, Helen Quach, at Regalado Jose.
Isinagawa ni Prof. Basilio Manalo ang isang reorganization sa
MSO noong 2001 kung saan sa gitna ng pagtatanghal ay ipinasa ni Manalo ang
pamamahala sa MSO sa kanyang conductor-violinist apprentice na si Prof. Arturo Molina.
Nagsanay si Maestro Molina sa mga tanyag na music
conservatories sa Moscow, Russia at Kiev, Ukraine. Dito ay nagwagi siya sa
prestihiyosong String Competition na nagbunsod para makapagtanghal siya sa
historic Bolshoi Theatre sa Moscow.
Noong 2014 naman ay binuo ng MSO ang MSO Music Academy at
Manila Symphony Junior Orchestra (MJSO) at nitong nakaraang taon naman ay
binuksan din ang bagong MSO Recital Hall sa Ayala Malls Circuit Lane sa Makati,
na nauna nang nagkaroon sa Glorietta 5 at Burgundy Transpacific sa Taft Avenue
na layong gawing mas accessible ang classical music sa publiko.