Lunes, Mayo 27, 2019

Pagbisita ni Duterte sa Japan ngayong Mayo, kinumpirma ng Malacañang


Ni Florenda Corpuz

Nakisalamuha si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga botante sa
Davao City noong nakaraang halalan. (Presidential photo)
Tiyak na ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Japan ngayong Mayo matapos itong kumpirmahin ng Malacañang.

Sinigurado ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing na ginanap sa Palasyo kamakailan.

“Sure na pupunta siya roon,” pagtitiyak ni Panelo nang tanungin ng isang mamamahayag.

Ito na ang magiging pangatlong pagbisita ni Duterte sa Japan simula nang siya ay mahalal bilang pangulo ng Pilipinas noong 2016 – una noong Oktubre 2016 at sumunod noong Oktubre 2017.

Nakatakdang dumalo si Duterte sa 25th International Conference on the Future of Asia na gaganapin sa Mayo 30 at 31 sa Tokyo.

Ayon sa conference program, magbibigay ng keynote speech ang Pangulo sa pangalawang araw ng global conference na isa sa pinakamalaki sa Asya.

Bukod kay Duterte ay nakatakda rin dumalo rito sina Malaysian Prime Minister Mahathir bin Mohamad, Bangladesh Prime Minister Sheikh Hasina, Cambodian Prime Minister Hun Sen at Lao Prime Minister Thongloun Sisoulith.

Magugunitang kinansela ang nakatakda sanang pagbisita ni Duterte sa Tokyo noong Hunyo 2017 para daluhan ang 23rd International Conference on the Future of Asia bilang isa sa mga keynote speakers sa imbitasyon ng Nikkei Inc. dahil sa kaguluhan sa Marawi City sa Mindanao.

Biyernes, Mayo 10, 2019

Japanese actor Koji Yakusho, pinarangalan sa 13th Asian Film Awards

Ni Florenda Corpuz

Ginawaran si Japanese actor Koji Yakusho ng Best Actor award para sa pelikulang “The Blood of Wolves” at Yakusho ang Excellence in Asian Cinema Award sa katatapos lamang na 13th Asian Film Awards. (Kuha mula sa Asian Film Awards Academy)
Kinilala ang husay ng Japanese leading international actor na si Koji Yakusho sa nakaraang 13th Asian Film Awards (AFA) na ginanap sa TVB City sa Hong Kong.

Pinarangalan bilang Best Actor si Yakusho para sa pelikulang “The Blood of Wolves” kung saan siya gumanap bilang pulis na nagsisimula nang maging katulad ng mga kriminal na sinisikap niyang arestuhin.

“I really hadn’t thought about winning this award. AFA is giving me this award to make me think how lucky I am, and I feel like I have used up all the luck in my life to win this award. It is very scary and alarming. Talking about the production crew of ‘The Blood of Wolves,’ I think they will also feel very surprised, but they will feel happy for me. I’m very lucky and happy to win this award. 

“This award will arouse more interest in ‘The Blood of Wolves.’ I think more people will go to see it. I will be happy if there are expanded audiences for our film. Thank you,” aniya sa kanyang talumpati nang kanyang tanggapin ang parangal.

Bukod sa Best Actor award ay ginawad din kay Yakusho ang Excellence in Asian Cinema Award.

“This is a great honor. I am actually not comfortable with this kind of gorgeous venue. I’d rather disappear into the crowd. But I told myself to accept this since I’m an old guy now. Maybe I have this backwards, but I’m going to work hard to be the level of actor who deserves this award. I sincerely thank the Asian Film Awards for giving me this motivation,” pagbabahagi ng 63-taong-gulang na aktor.

Ilan sa mga pelikulang kanyang pinagbidahan ay ang “The Eel” na nag-uwi ng 1997 Palme d’Or sa Cannes. Napabilang din siya sa mga Hollywood movies tulad ng “Babel” at “Memoirs of a Geisha.”

Samantala, inuwi rin ng mga Japanese films at talents ang mga parangal para sa Best Film (“Shoplifters”), Best Editing (Shinya Tsukamoto para sa pelikulang “Killing”) at Best Original Music (Haruomi Hosono para sa “Shoplifters”). 

Nagsilbi naman bilang celebrity juror ang Academy Award at Tony Award nominee na si Ken Watanabe.

Ang AFA Academy o AFAA ay binubuo ng Tokyo International Film Festival (TIFF), Hong Kong International Film Festival at Busan International Film Festival na layong itaguyod ang Asian cinema at ang mga talento nito. 

Jerome Ponce at Jane Oineza, tampok sa pelikulang ‘Finding You’



“Dear You. Both of us have no idea how it all started pero wala tayong pakialam. All we know is this, we found our beginning.”

Ito ang maririnig na diyalogo ni Nel na ginagampanan ni Jerome Ponce sa trailer ng pinakabagong pelikula ng Regal Entertainment, ang romance-drama na pinamagatang “Finding You” na pinagbibidahan din ng aktres na si Jane Oineza bilang Kit. 

Nakatakdang ipalabas ang pelikula sa darating na Mayo 29 sa mga sinehan sa Pilipinas kung saan kabilang din sina Barbie Imperial, Paeng Sudayan, Claire Ruiz, at Kate Alejandrino at mula naman sa direksyon ni Easy Ferrer. 

Pagsasamang muli sa proyekto 

Nagsisilbing reunion project ng Kapamilya young stars na sina Jerome at Jane ang Finding You, na unang nagkatrabaho sa panghapon na teleserye ng ABS-CBN na “Nasaan Ka Nang Kailangan Kita” (2015) bilang magkatambal na sina Ryan at Corrine. 

Sa naturang trailer, hindi malinaw kung sino ang “Dear You” na tinutukoy ni Nel dahil sa dami ng iba’t ibang babae na nakikilala niya kung saan sa gitna ng lahat ng ito ay kasama niya ang kaibigang si Kit. 

Tila ipinapahiwatig ng kwento nito ang tungkol sa mga alaala, maganda man o hindi, ng karakter ni Nel kung saan kasama niya rito si Kit, at kahit sa kagustuhan niyang makalimot ay  hindi niya makalimutan ang mga alaala sa kabila ng kanyang mga iniisip. 

Nagsisimula ang kwento nina Nel at Kit sa isang pagkakaibigan, ngunit ang kaabang-abang ay ang misteryo sa kanilang relasyon—kung mauuwi ba sa isang romantikong relasyon ang dalawa. 

Galing sa pag-arte 

Mapapanood din muli ang galing sa pag-arte nina Jerome at Jane, lalo na’t napatunayan na ng dalawa ang kanilang husay sa pagganap sa industriya. 

Huling napanood si Jerome sa telebisyon sa pamamagitan ng “Ipaglaban Mo: Bastardo” at sa  award-winning primetime drama na “The Good Son” (2017-2018) kung saan siya ay ginawaran ng parangal bilang Best Actor sa pagganap niya bilang Enzo sa 32nd PMPC Star Awards for Television nitong nakaraang taon. 

Sa pelikula naman ay itinampok din siya sa “Walwal” at Metro Manila Film Fest entry na “Outlum” nitong nakaraang taon. Una naman siyang nakilala sa kanyang pagganap bilang Luke sa toprating daytime series na “Be Careful With My Heart” (2012-2014). 

Nagsimula naman bilang child star si Jane bilang bahagi ng “Goin’ Bulilit” at sa kanyang mga pagganap sa mga teleseryeng “Sa Dulo Ng Walang Hanggan” (2001), “Sana’y Wala Nang Wakas” (2003), “Marina” (2004), at marami pang iba. 

At ngayong malaki na siya, matapang ang International Emmy-nominated actress na hamunin ang iba’t ibang klase ng pagganap gaya na lang ng pagtanggap niya sa proyektong “Precious Hearts Romances Presents: Araw Gabi” (2018) bilang Amber, at sa kasalukuyang umeere sa Kapamilya Gold na “Precious Hearts Romances Presents: Los Bastardos” bilang Gigi. 

Nakatakda rin na magsama muli ang dalawang Kapamilya talents sa isa pang pelikula ng Regal na pinamagatang “Ang Henerasyong Sumuko sa Love” na ipapalabas din ngayong taon. Makakasama rin nila rito sina Tony Labrusca, Myrtle Sarossa, at Albie Casiño sa ilalim ni “100 Tula Kay Stella” (2017) at “The Day After Valentine’s” (2018) director Jason Paul Laxamana. 

Pagpaplano, pagpopondo, at pamumuhunan sa edukasyon

Ni Lorenz Teczon


Pagpatak ng Abril ay dama na sa Pilipinas ang bakasyon ng mga estudyante. Ibig sabihin ay pahinga na rin muna sa gastos sa baon, school service, at matrikula.  Subalit dahil nga bakasyon lamang ay hindi magtatagal at maghahanda na muli para sa panibagong taon ng gastusan. Ganoon pa man, may mga paraan para mapagaan ang pamumuhunan sa edukasyon at kinabukasan ng kabataan.

Tunay ngang ang pagpapaaral ang isa sa pinakamahalagang investment at pinakamagastos din.  Iyan ay dahil sa maraming taon na gugugulin kasabay ng patuloy na pagtaas ng matrikula halos taun-taon. 

Nitong Pebrero 2019 ay inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang pagtaas ng matrikula ng may 31 paaralan sa elementarya at sekondarya sa kalakhang Maynila. Ito ay bahagi pa lamang ng may 200 eskwelahang nagpaplano rin na magtaas ng matrikula. Ayon kay DepEd National Capital Region (NCR) Director Wilfredo Cabral, ang hiling na tuition fee hike ay bunsod na rin ng inflation rate, pagtataas ng sahod ng mga guro at mga tauhan, at pagpapabuti ng pasilidad. 

Ganito rin ang sitwasyon sa mga pamantasan at unibersidad. Noong isang taon ay nakatanggap din ng aplikasyon ang Commission on Higher Education (CHED) mula sa 234 private higher education institutions (HEIs) ng hiling na dagdag-singil sa matrikula.  

Gaya ng ibang financial goals, malaking bagay kung habang maaga ay pinagpaplanuhan at pinag-aaralan na ang gastos sa edukasyon ng mga anak. Mainam na mapag-isipan kung saan sila pwedeng pag-aralin at matukoy kung anong linya ang gusto ng mga bata. 

Maaga pa lang ay pagplanuhan na ang paaralan. Sa pagpili ng paaralan, tiyak na mas mababa ang matrikula sa mga pampubliko kaysa pribadong paaralan. Ang state universities ay napakainam sa mga nagkokolehiyo, lalo na’t maraming nagbibigay ng scholarship dito. Sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ay may privately sponsored grants mula sa iba’t ibang foundation at kumpanya. Iyan ay maliban sa mismong scholarship program ng nasabing pamantasan.  Ang ilan sa kanilang scholars ay nakatatanggap pa ng buwanang allowance para sa transportasyon, pagkain, libro, at mga proyekto.

Bukod sa mataas na grado, isang salik para makapasok sa isang state university ay paninirahan. Kaya kung gustong pag-aralin ang anak sa isang city state university, maiging tumira sa sakop ng lungsod nito ng mahigit isang taon man lamang para maging kwalipikado.  Bukod dito, mas praktikal kung malapit ang estudyante sa kanyang eskwelahan. 

Maghanap ng kabuhayang pang-matagalan, matatag, at mataas ang kikitain.   Dahil regular ang pagbabayad sa pagpapaaral, kailangan din ng regular na pambayad. Dahil maaasahan palagi ang pagtaas ng tuition fees, dapat sikapin na mapataas ang kita sa kabuhayan. 

Maging maalam sa mainam na mapag-ipunan ng pondo para sa edukasyon.  Maraming magulang noon ang nadismaya sa pagkuha ng educational plans sa mga pre-need companies. Mayorya kasi sa mga ito ay nagbagsakan at halos hindi naibalik ang ibinayad ng mga plan holder.  Nangyari ito dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng tuition fees at financial crisis.  Ang kasaysayan na ito ay magandang aral na huwag basta tumanggap sa investment o huwag umasa sa educational plan lamang. Dapat ay magkaroon din ng kaalaman sa pagpaplanong pinansyal at matututo sa iba’t iba pang paglalagakan ng pera.

‘Breadwinner’: Kung sagot mo sila, sinong may sagot sa iyo?


Ni MJ Gonzales

Kuha mula sa internet
Naniniwala ka ba na ang dali o hirap sa pagba-budget ay nakadepende rin sa iyong estado? Iba kung ikaw ang solong “breadwinner” o pinakanagtataguyod sa pangangailangan ng iyong pamilya. Kaya kung ikaw ay isang breadwinner o nagmamalasakit sa isang gaya nito ay mainam na maging maalam kung paano maging masinop sa pera. 

Karaniwan kapag sinabing breadwinner ay ito ang pinakasumusuporta sa pinansyal na pangangailangan ng pamilya.  Maaaring mayroon katuwang, subalit sila pa rin ang pangunahing nagtutustos ng perang panggastos sa bahay. Marami sa kanila ay maituturing na dakila sapagkat kadalasan ay halos lahat ng kanilang kinikita ay nauuwi sa kanilang mahal sa buhay. Kaya sila rin iyong may malabong: 

Inaasahan sa hinaharap. Ang isa sa malungkot na realidad ng mga breadwinner, kabilang na ang mga OFWs, ay kapag tumanda silang walang ipon at aasahang tutulong.  Bagaman likas sa mga Pilipino ang maging maalaga sa kapamilya, iilan ang kayang makapagbigay ng tulong pinansyal. Kaya mainam para sa mga breadwinner ang maghulog sa SSS o GSIS, Pag-ibig fund, at pension/retirement plan. Ito ay upang siguradong may inaasahang pera sa hinaharap.   

Proteksyon sa buhay. Matanda man o bata pa, masasabing malapit sa disgrasya at sakit ang mga breadwinner. Sila kasi ang bugbog sa trabaho at biyahe araw-araw sa loob ng isang linggo. Kaya naman marami sa kanila ay bihirang kumukuha ng personal insurance.  
Ang personal insurance ay maaaring health insurance, life insurance, at accident insurance.  Alin man sa mga ito ay tulong sa panahon ng pagkakasakit, pagkamatay, aksidente o sakuna. Kung susumahin, ang personal insurance ay investment para sa pinakamahalagang ari-arian ng tao—ang kanyang buhay.  Katunayan kung hindi na kaya o pumanaw na ang breadwinner ay makakatulong para rin siya gamit ang kanyang insurance. 

Ma-enjoy ang kanyang pera.   Dahil abala sa trabaho, hindi maiiwasan na ipinagpalit ng mga breadwinner ang kanilang oras  sa sarili, pagsasaya, o pagpapayabong ng kakayahan.   

Ang mga hakbang para sa breadwinners, dependents

Turuan ang dependents tungkol sa budgeting.  Ang family budget ay hindi nakadepende sa breadwinner o sa kanyang kita lamang.  Malaking tulong kung ang bawat miyembro ng pamilya ay alam kung paanong magtipid sa gastusin at kung paano makakaambag para magkaroon ng dagdag na pondo.  Halimbawa ng mga nito ay pagkakaroon ng sideline business ng asawa at pagtuturo ng pag-iipon sa mga anak.

Turuan ang sarili na maging financially literate. Maraming breadwinner ang nagkakaroon ng interes sa pag-i-invest, pagnenegosyo, at pag-iipon kung kailan sa palagay nila ay nakaluwag na sila.  Ang problema ay nangyayari ito kung kailan sila ay may edad na at limitado na ang kakayahang mamuhunan.  Kadalasan kasi ang perang natabi sa pagtanda ay mas bagay na pang-retirement fund kaysa ipangpuhunan. Kung gagamitin naman ay dapat maging masinop at konserbatibo sa paggamit. 

Kung mag-aaral ng money management agad ang isang breadwinner ay hindi na niya kailangang hintayin ang pagtanda para makapag-ipon at makapag-invest.  Maaaring habang bata pa lamang ay magaling na siya sa pagpapalago ng kanyang kinikita kaysa tipirin ang sarili.  Halimbawa na lamang rito ay ang pagkuha ng tax incentives, passive investments, at pagtatayo ng siguradong papatok na negosyo. Dagdag na rin dito ang pagkakaroon ng kaginhawaan habang ginagampanan ang kanyang obligasyon at nagpupunla sa kanilang kinabukasan. 


Huwebes, Mayo 9, 2019

Japan national team pasok kaagad sa Tokyo 2020 Olympic basketball, 3x3 basketball tourneys

Isa ang women’s national team basketball player Mai Yamamoto sa
mga maglalaro sa Tokyo Olympics 2020. (Kuha mula sa FIBA)
Awtomatikong lalaban ang men’s at women’s national teams ng Japan sa Olympic Basketball at 3x3 Basketball Tournaments ng Tokyo 2020 Games matapos magdesisyon ang FIBA Central Board na bigyan sila ng “automatic places” sa pagpupulong na ginanap kamakailan sa Abidjan, Cote d’Ivoire.

Isinagawa ang desisyon base sa aplikasyon ng Japanese Basketball Association (JBA) na nagkukumpirma na natugunan nila ang iba’t ibang sporting requirements.

“There has been a continuous stream of positive developments in the country’s basketball landscape in recent years, including the on-court success of the men’s and women’s senior national teams, the revamp of the B. League (the national top-flight men’s competition) and making history by being part of the first-ever successful multiple countries bid - together with Philippines and Thailand - to be awarded the hosting rights for a FIBA Basketball World Cup, for the 2023 edition,” pahayag ng FIBA sa kanilang inilabas na ulat.

Nakatakdang isagawa ang historic debut ng 3x3 Basketball bilang bahagi ng basketball Olympic program ng Tokyo 2020 kung saan ang Japan, na siyang host country, ay kakatawanin ng men’s at women’s teams matapos bigyan ng automatic places ng FIBA Central Board dito na sasailalim sa pag-apruba ng International Olympic Committee (IOC).

Sa kasalukuyan ay nasa pang-apat na pwesto ang Japan men’s team habang ang women’s team naman ay nasa pang-walong pwesto. Ang Japan ang host ng World Tour event kada pitong taon at ngayong taon ay idaraos ang World Tour Final sa Utsunomiya. 

Japan nanguna sa dami ng bilang ng restaurants na pasok sa Asia’s Best 50


Ni Florenda Corpuz
Kinilala ang mga magagaling na restaurants na kabilang sa 
Asia’s 50 Best Restaurants 2019  sa isang awards ceremony 
na ginanap sa Wynn Palace sa Macau kamakailan.
 (Kuha mula sa Asia’s 50 Best Restaurants 2019)

Nanguna ang Japan sa listahan ng Asia’s 50 Best Restaurants 2019 na inisponsoran ng S. Pellegrino & Acqua Panna kung saan pasok ang 12 restaurants mula sa bansa.

Kinilala ang mga ito sa awards ceremony na ginanap sa Wynn Palace sa Macau kamakailan.

Pasok sa listahan ang Den (No. 3) na pinangalanan bilang “The Best Restaurant in Japan” sa pangalawang magkasunod na taon. Ginawad kay Zaiyu Hasegawa, ang chef ng Den, ang 2019 Chefs’ Choice Award sponsored by Estrella Damm.

Kabilang din sa top 10 ang Florilège (No. 5), Narisawa (No. 8) at Nihonryori RyuGin (No. 9). Ang Sazenka at Sugalabo, na parehong matatagpuan sa Tokyo, ay parehong bagong pasok sa listahan, na nasa No. 23 at No. 47 spots.

Kabilang din ang La Cime (No. 14), Il Ristorante Luca Fantin (No. 18), La Maison de la Nature Goh (No. 24), Sushi Saito (No. 25), L’Effervescence (No. 26) at Quintessence (No. 45).

Ginawaran naman ng Asia’s Best Pastry Chef award sponsored by Valrhona si Fabrizio Fiorani mula sa Il Ristorante Luca Fantin, Tokyo habang inaugural winner naman ng American Express Icon Award si Chef Seiji Yamamoto.

Samantala, kinilala naman ang Filipino restaurant na Toyo Eatery (No. 43) sa Maynila bilang “The Best Restaurant in the Philippines.” Matatandaang ginawad dito ang Miele One To Watch Award noong 2018 na ibinibigay sa isang restaurant na hindi kabilang sa listahan ng Asia’s 50 Best list ngunit kinikilala bilang “rising star of the region.”

Ang listahan ay ginawa mula sa mga boto ng Asia’s 50 Best Restaurants Academy, isang maimpluwensiyang grupo na kinabibilangan ng may mahigit sa 300 lider sa restaurant industry sa Asya. Ang panel sa bawat rehiyon ay binubuo ng mga food writers at critics, chefs, restaurateurs at nirerespetong ‘gastronomes.’

Gerald Anderson at Julia Barretto, unang beses magtatambal sa romantic-drama na ‘Between Maybes’


“Between Maybes is a story of two people who have lost control of their own lives. One is a famous actress and one is the son of OFW parents who were deported from Japan.” 

Ito ang pagbabahagi ni writer-director Jason Paul Laxamana sa isang Twitter post ng Black Sheep tungkol sa bagong pelikula na pinamagatang “Between Maybes” tampok ang bagong tambalan nina Gerald Anderson at Julia Barretto. 

Aniya, ang lokasyon ng pelikula, ang siyudad ng Saga sa isla ng Kyushu ang pangunahing inspirasyon sa likod ng kwento ng Between Maybes dahil sa “brand of quietness” sa naturang lugar. Inilarawan din niya ito bilang perpektong lokasyon para maihiwalay ang sarili sa lahat. 

Isang eksaminasyon ng pagkakabukod 


Dagdag pa ng direktor, isinulat niya ang mga karakter nina Louie (Gerald Anderson) at Hazel (Julia Barretto) na kung saan ang tema ng kanilang mga problema sa buhay ay sinolusyunan nila sa pamamagitan ng “isolation.”

Aniya, bunsod ito ng kagustuhan niyang siyasatin ang mga dahilan kung bakit kailangang ihiwalay ng mga tao ang kanilang sarili mula sa mga bagay-bagay. 

“It can be because of trying to escape from something stressful. At the same time, it can be a way of regaining control of your life,” ang pagbabahagi pa ni direk Paul, na siyang direktor din ng 2018 Black Sheep romantic-comedy na “To Love Some Buddy.” 

Sentro ng kwento ang pagtatagpo ng landas nina Louie at Hazel sa tagong prepektura ng Saga at ang mga sandali ang  pagsasama nila kung saan sila’y makakahanap ng katuwang sa isa’t isa sa tamang panahon sa gitna ng kinakaharap na pansariling problema. 

Bagaman magkaiba ang mundong ginagalawan, si Hazel na isang aktres na nahaharap sa ilang pagsubok sa kanyang karera at hindi sanay mag-isa, si Louie nama’y isang simpleng tao na nakikita ang kakulitan at pakikisama ni Hazel bilang bagong karanasan sa kanyang buhay. 

Kakaibang tambalan nina Gerald at Julia 

“Lahat naman kasi tayo we have times in our lives na parang gusto natin ng tahimik, gusto natin lumayo sa kung ano’ng magulo sa buhay natin—‘yung trabaho natin o minsan personal life sa family natin. ‘Yun talaga ang foundation ng story na ito eh, keeping it simple—you’re not losing yourself and finding yourself; and how ‘yung malayo sa ugali mo, how someone can help you find yourself again.”

Ito ang pagbabahagi ni Gerald sa kanyang tingin sa pelikula at kanyang karakter. Dagdag pa ng Kapamilya leading man, masaya siya na maganda ang materyal ng kanilang istorya, gayon din ang unang beses niyang makatrabaho si direk Paul at pagkakaroon ng bagong leading lady.

“Kinikilig ako sa fact na iba ‘yung makikita sa background ko; hindi ‘yung mga jeep or mga opisina natin dito, iba, iba siya. Mababaw ang kaligayahan ko eh, so ‘yung feeling na parang Hollywood star na nakakapag-shoot sa ibang bansa; and it’s for Black Sheep, so exciting,” ang masaya pang kwento ng aktor. 

“It’s a fresh new tandem. I don’t think it’s anything anyone ever expected na magkakatambalan. There will be exchange of wisdom, I feel like I’m gonna grow from him and this project,” ang pahayag naman ni Julia sa karanasan niyang makatambal si Gerald na marami nang matagumpay na pelikula at seryeng nagawa sa kanyang karera. 

Dagdag pa ng aktres, espesyal ang pagganap niya bilang si Hazel dahil naiintindihan niya ang pinagdadaanan ng karakter na ang pakiramdam ay pagod na at wala ng kontrol sa kanyang buhay.

Lunes, Mayo 6, 2019

Mamitas ng ubas sa ‘grape capital ng Pilipinas’ na La Union




Sikat na destinasyon ang La Union lalo na kapag summer para sa mga gustong mag-beach, mag-surfing o kaya mag-relax sa presko at malamig na tubig ng mga matatayog na talon. Subalit, hindi na lang ang mga ito ang pwedeng ma-enjoy tuwing summer dahil nariyan din ang mga grape farms sa Bauang.

Kadalasang iniisip na ang mga grape vineyards ay matatagpuan lamang sa mga malalamig na lugar sa Europe at America; ngunit ngayon ay hindi na kailangang lumayo pa. Bagaman nitong 2014 lamang nang unang lumawak ang kaalaman ng publiko sa matagal nang presensiya ng mga vineyards sa La Union, unti-unting nakagawa ng pangalan ang La Union bilang “grape capital ng Pilipinas.”


Lomboy Farms

Itinuturing na kauna-unahang grape farm sa bansa ang Lomboy Farms na pinangangasiwaan ng binansagang “Philippines’ King of Grapes” na si Avelino Lomboy na sinimulan niya noong 1972.

Matatagpuan ito sa Barangay Urayong sa Bauang, La Union na nagsimula lamang sa pamamagitan ng 20 grape cuttings na galing Cebu na itinanim sa 25-ektaryang lupain. Ngayon, may 3,000 square meters na ang lawak ng vineyard at hindi na lang mga ubas ang inaalagaan dito kundi pati na rin ang guapple at dragon fruit.

Aniya, mas matatamis ang mga ubas tuwing tag-init kaya naman pinakamainam ang dumalaw dito sa pagtatapos ng Marso hanggang Mayo para siguradong matatamis ang mga ubas na mapipitas.

Mayroon ditong Php100 na entrance fee at Php350 ang grape-picking kada kilo. Maganda rin itong pagkakataon para masuportahan ang agri-tourism sa pagtangkilik ng mga produktong gawa sa ubas at guapple gaya ng grape wines at jams, gayon din ang iba pang produkto ng mga taga-La Union para sa iuuwing souvenir at pasalubong.

Bukas ito mula Lunes-Sabado (7am-4pm) at Linggo (7am-3pm). Maaari nang mag-reserve ng slots at group tours sa Lomboy Farms, makipag-ugnayan lamang sa Lomboy Farms Facebook paage o tumawag sa (072) 705-2105.

Gapuz Grapes Farm

Tinatawag na “The Porch Life” ang Gapuz Grapes Farm na pinayabong ni Joe Gapuz noong 2010 at nagmula naman sa Lomboy ang kanilang unang cuttings. Bukas ito 7am-6pm araw-araw at pwedeng kontakin ang farm sa kanilng Gapuz Grapes Farm Facebook page at sa numerong 0915-778-4594.

Wala ritong entrance fee ngunit kung nais kumuha ng larawan sa vineyard ay mayroong Php20 fee at Php250 bawat kilo naman ang ubas na maaaring bilhin o kaya ay pitasin. Makakabili rin dito ng mga grapes cuttings, nariyan din ang farm consultation, demo at seminars sa farm.

Swak naman ang sumali para sa mga mahihilig kumain sa boodle fight na isa rin sa patok na dinadayo rito sa Gapuz Grape Farm. Para sa 10 katao ay may bayad itong Php1, 500.

Calica Grapes Farm

Unang makikita naman ang Calica Grapes Farm pagdating sa Bauang-Caba boundary arch at malapit sa kalsadang  patungo sa isang baybayin. Pinapangasiwaan ito ng mag-amang Virgilio at Jenee Calica na nagsimula noong 2010.

Bukas din ito araw-araw mula 6am-7pm at walang entrance fee. Bagaman ang harvest season ay nagaganap tatlong beses sa isang taon, maiging magtanong sa farm sa pamamagitan ng kanilang Calica Grapes Farm LaUnion Facebook page o tumawag sa 0907-905-0303.

Manguerra Grapes Farm

Matatagpuan naman kalapit ng Gapuz ang Manguerra Grapes Farm na bukas sa publiko araw-araw mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-sais ng hapon.  Makipag-ugnayan para sa inyong pagbisita sa Manguerra Grapes Farm Facebook page o sa 0909-446-0152/0907-858-6784.

Mula Maynila, mag-bus (Partas, Florida o Fariñas) na biyaheng Laoag o Vigan. Apat hanggang anim na oras ang biyahe at may pamasahe mula Php401-Php450 at bumaba sa boundary arch ng Bauang at Caba.

Linggo, Mayo 5, 2019

Manila-Osaka flight ng AirAsia lilipad na simula Hulyo 1

Ni Florenda Corpuz


Inanunsyo ng AirAsia na sisimulan na nila ang kanilang kauna-unahang flight sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan nang paglulunsad ng kanilang araw-araw na serbisyo sa Manila-Osaka na ruta simula sa Hulyo 1.

Ang Osaka ang magiging pang-walong international destination ng AirAsia mula Pilipinas na mag-uugnay sa mga Pilipino sa Osaka.

“The launch of direct flights between the Philippines and Japan is a milestone occasion, and we’re excited to connect our capital, Manila with Osaka,” pahayag ni AirAsia Philippines President and CEO Dexter Comendador.

“Being able to travel directly and affordably to Osaka is fantastic news for Filipinos and we’re confident this new route will serve as a gateway for guests to connect to other popular destinations in Japan such as Kyoto and Nara.

“We are also excited to welcome guests from Osaka and its neighbouring regions to the Philippines. This international route will contribute to the government’s target of 8.2 million visitors this year,” dagdag pa niya.

Lilipad ang AirAsia mula Maynila patungong Osaka (Z2 188) 8:30 ng umaga at lalapag ng 1:15 ng hapon habang ang Osaka patungong Maynila naman (Z2 189) ay aalis ng 1:50 at lalapag ng 4:55 ng hapon.

Para ipagdiwang ito ay naglabas ng all-in promotional fares ang AirAsia sa pagitan ng Manila at Osaka simula sa presyong Php1,990 (one-way travel only). 

Ang Osaka ang pangatlo sa pinakamalaking lungsod sa buong Japan. Ilan sa mga popular na tourist attractions dito ay ang Osaka Castle, Sumiyoshi Taisha at Shitenno-ji Temple. Matatagpuan din dito ang mga sikat na amusement parks tulad ng Universal Studios Japan at Legoland Discovery Centre. 

Kilala rin ang lugar sa tawag na “Nation’s Kitchen” kung saan hindi makukumpleto ang pagbisita rito kung hindi susubukan ang mga popular na pagkain tulad ng takoyaki, okonomiyaki at kushikatsu.

Sa kasalukuyan ay bumibiyahe ang AirAsia sa 13 international destinations mula sa Maynila kabilang ang Kuala Lumpur, Kota Kinabalu, Bangkok, Bali, Seoul, Taipei, Kaohsiung, Shanghai, Guangzhou, Shenzhen, Hong Kong, Macau at Ho Chi Minh City.