Lunes, Disyembre 9, 2013

Maxie The Musicale: Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros


Kuha ni Jovelyn Bajo

Naging hit noon bilang isang pelikula, mapapanood na muli ang “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” sa pamamagitan ng isang musical na handog ng Bit by Bit Company, PETA Theater Center at Cultural Center of the Philippines (CCP). Tampok dito ang liriko ni Nicolas B. Pichay, musika ni William Elvin Manzano, JJ Pimpinio at Janine Santos, direksyon at choreography ni Dexter Santos.

Pinagbibidahan ito ni Jayvhot Galang, isang batang tubong Sta. Ana, na mahilig kumanta at idolo si Whitney Houston. Bagaman walang karanasan sa pagtatanghal sa teatro, sinanay siya sa PETA Summer Acting Workshop, voice lessons at dance classes sa pangangalaga ni Janine Santos, isang classical opera singer.

Kabilang sa cast ang ilan sa mga respetadong pangalan sa mundo ng teatro tulad nina Roeder Camanag at Nazer Salcedo bilang Paco Oliveros, Jojo Riguerra bilang Victor Perez, Al Gatmaitan at OJ Mariano bilang Boy Oliveros at Jay Gonzaga bilang Bogs Oliveros.  Nandito rin sina Aaron Ching (Nar), Nomer Limatog Jr. (Leslie), Teetin Villanueva (Monique), Eo de Guzman at Merdin Mojica ( Peter) at Greg de Leon (Chief Dominguez).

Unang nakilala si Maximo Oliveros sa 2005 na pelikula mula sa direksyon ni Auraeus Solito at panulat ni Michiko Yamamoto. Pinagbidahan ito ni Nathan Lopez bilang Maxie kasama sina Ping Medina at JR Valentin. Naging official entry din ito ng Pilipinas sa 79th Academy Awards at ipinalabas sa iba’t ibang international film festivals.

Naiuwi nito ang ilang mga tropeo: 2005 Best Film mula sa Asian Festival of First Films, 2005 Best Picture sa Toronto Imagine Native Film Festival, 2005 Zenith Award for Best Picture sa Montreal World Film Festival, Glass Bear Special Mention sa Berlin International Film Festival at 2007 Independent Spirit Award sa IFC Spirit Awards.

Nakasentro ang kwento kay Maxie na isang 12-taong gulang na homosexual at nakatira sa mahirap na lugar kasama ang mga kuya at tatay nito. Sa kabila ng pagiging homosexual ni Maxie, tanggap siya ng kanyang dalawang kuya at tatay. Nakilala niya si Victor nang iligtas siya nito ng may magtangka sa kanya. Mahuhulog ang loob ni Maxie kay Victor ngunit siya ay nababagabag din sa ilegal na ikinabubuhay ng kanyang pamilya.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento