Lunes, Oktubre 24, 2016

‘Die Beautiful’ ni Jun Lana, pasok sa Tokyo Int’l Film Festival 2016

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa The IdeaFirst Company Octobertrain Films


Muling magbabalik sa Tokyo International Film Festival (TIFF) ang award-winning director na si Jun Lana sa pagkakapasok ng kanyang bagong pelikulang “Die Beautiful” sa main competition ng prestihiyosong festival ngayong taon.

Sumali si Lana noong 2012 at nagwagi ng Special Mention prize para sa kanyang pelikulang “Bwakaw” na pinagbidahan ni Eddie Garcia. Muli siyang sumali taong 2013 para sa pelikulang “Barber’s Tales” na nagbigay ng Best Actress award kay Eugene Domingo na kauna-unahang acting award ng Pilipinas mula sa TIFF.

Makikipagtunggali ang “Die Beautiful” sa 15 pang pelikula para sa Tokyo Grand Prix award. Napili ang mga ito mula sa 1,502 pelikula mula sa 98 na bansa at rehiyon.

“Kinikilig kami sa tuwa! Our newly finished film ‘Die Beautiful’ has been selected in the Main Competitoon of the Tokyo International Film Festival,” pahayag ni Lana sa kanyang Instagram.

Pinagbibidahan ni Paolo Ballesteros ang transgender comedy drama kasama sina Gladys Reyes, Christian Bables at Joel Torre.

Lalaban naman sa Asian Future section ang “I America” na idinirehe ni Ivan Andrew Payawal at ang “Birdshot” na idinirehe naman ni Mikhail Red.

Ipapalabas naman sa World Focus section ang obra ni Lav Diaz na “A Lullaby to the Sorrowful Mystery” habang mapapanood din ang omnibus film ni Brillante Mendoza na “Shiniuma (Dead Horse)” sa Asian Three-Fold Mirror 2016: Reflections.

Pangungunahan ng direktor na si Jean-Jacques Beineix ang jury ngayong taon.

Inaasahan ang pagdalo ng mga sikat na Hollywood stars tulad nina Meryl Streep at Hugh Grant na mga bida ng “Florence Foster Jenkins” na opening film ng festival.

Ang Tokyo International Film Festival ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong mundo. Layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga film fans na mapanood ang mga high-quality at world-class films mula sa Japan at ibang bansa.

Gaganapin ang 29th Tokyo International Film Festival sa Roppongi Hills, EX Theater Roppongi at iba pang other lugar sa Tokyo mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento