Martes, Nobyembre 1, 2016

Lav Diaz: The virtuoso of immaculate, deep-seated cinema


It looks beautiful. This is for my country, for the Filipino people, for our struggle, for the struggle of humanity. Thank you, thank you, thank you so much,” ang pahayag ni Lav Diaz sa kanyang pagtanggap ng Golden Lion trophy para sa “Ang Babaeng Humayo” (The Woman Who Left), sa awarding ceremony ng 73rd Venice Film Festival na ginanap kamakailan sa Sala Grande Theater.

Pinangungunahan ni Charo Santos-Concio ang pelikula sa kanyang pagbabalik sa pag-arte bilang si Horacia, isang guro na 30 taong nakulong dahil sa krimen na hindi niya ginawa. Makaraan ang 30 taon, lumaya siya kung saan naging matinding pagsubok sa kanya kung paano muling magsisimula sa lipunang batbat na ng maraming pagbabago.

May tagal na 228 minuto ang pelikula na si Diaz din ang nasa likod ng editing, screenplay at cinematography. Umani ng maraming papuri ang obra mula sa media at nirerespetong film critics.

“A succinct, poignant revenge drama with immaculate imagery in high-contrast black and white. It is an immensely immersive and engaging tale about a wronged individual’s grueling struggle between reconciliation and revenge,” ang pahayag ni Clarence Tsui ng Hollywood Reporter.

A master of art house Philippine cinema

Ayon kay Diaz, nakuha niya ang inspirasyon sa Ang Babaeng Humayo mula sa “God Sees the Truth, But Waits,” isang maikling kwento ni Leo Tolstoy noong 1872 na pangunahing karakter din ang isang preso na huli na nang mapawalang-sala ngunit ang pagkakaiba ay sa unang bahagi pa lang nito ay nabigyang patawad na ang mga nagkasala.

Inilalarawan ng maestro ang sarili niya bilang isang tagapagsalaysay na gumagawa ng mga obra tungkol sa mga pagsusumikap ng kanyang mga kababayan. Ang mga pelikula niya ay mga kalmadong salaysay ng kalungkutan at katibayan ng mga mamamayang ipinagkanulo ng isang nasyon pagkatapos ng maraming taon nito ng kolonisasyon, na layuning ipamahagi ang self-renewal at patuloy na pagtatanggol sa kalayaan sa mga tao.

Malaking inspirasyon ni Diaz ang premyadong direktor na si Lino Brocka, na isa sa mga itinuturing na haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino. At inihahalintulad din ang istilo niya sa pamamaraan noon ni Brocka sa kanyang mga rebolusyonaryong obra.

Breakthrough in international cinema

Nagtrabaho sa Maynila bilang direktor at scriptwriter si Diaz, na lumaki sa Cotabato, noong 1990s at sa gitnang bahagi ng dekada ay sinimulan niya ang “Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino” na natapos lamang noong 2004. Bago nito, naunang nailabas ang “Serafin Geronimo: Kriminal ng Barrio Concepcion” at “Hubad sa Ilalim ng Buwan.”

Taong 2001 naman nang magsimulang makilala si Diaz sa industriya sa pelikulang “Batang West Side” na umani ng maraming papuri sa loob at labas ng bansa gaya ng Cinemanila International Film Festival, Brussels Independent Film Festival, at Gawad Urian.

Nasundan ito ng “Hesus, Rebolusyunaryo” (2002), “Heremias (Book One: The Legend of the Lizard Princess” (2006), “Kagadanan sa Banwaan Ning Mga Engkanto” (2007), “Melancholia” (2008), “Walang Alaala ang mga Paru-paro” (2009), “Siglo ng Pagluluwal” (2011), “Elehiya sa Dumalaw Mula sa Himagsikan” (2011), at “Florentina Hubaldo” (2012).

Ngunit dumating ang pinakamalaking international break ni Diaz sa “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” (2013) na binigyan ng Un Certain Regard sa 2013 Cannes Film Festival, na hinirang din sa Gawad Urian. Nagtuluy-tuloy ito hanggang sa “Mula sa Kung Ano ang Noon” (2014) na pinarangalan ng Golden Leopard, International Critics’ Prize at Don Quixote Prize, gayon din ang best actress para kay Hazel Orencio sa  Locarno International Film Festival at grand prize sa World Premieres Film Festival.

Ginawaran din ng Silver Bear (Alfred Bauer Prize) ang isa pang obra ni Diaz, ang “Hele sa Hiwagang Hapis” (A Lullaby to the Sorrowful Mystery) sa 66th Berlin International Film Festival nitong unang bahagi ng taon.





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento