Lunes, Hulyo 7, 2014

An enjoyable summer at Tokyo’s Sanno Matsuri

Ni Florenda Corpuz

Tuwing sasapit ang buwan ng Hunyo ay inaabangan ng maraming tao ang pagdiriwang ng Sanno Matsuri na isa sa pinakapopular na festivals sa lungsod ng Tokyo at isa rin sa tatlong pinakamalaking festivals sa buong Japan.

Nitong Hunyo 13 ay sinimulan ang pagdiriwang ng Sanno Matsuri na tatagal nang mahigit sa isang linggo kung saan iba’t ibang kaganapan ang isasagawa kabilang na ang pangunahing prusisyon na kung tawagin ay “Jinkosai”. Ang Jinkosai ay nagaganap lamang tuwing even number ang taon. Dito, daan-daang katao ang makikitang nakasuot ng makukulay at sinaunang kasuotan habang may buhat na “mikosho” o portable shrines at “dashi” o festival floats na napapamalamutian ng phoenix, isang uri ng ibon, sa tuktok nito. Habang ang iba naman ay may hawak na drums o di kaya’y nakasakay sa kabayo.

Makakakita rin ng mga taong nakadamit tulad ng goblin na nagngangalang Tengu na may pulang mukha at mahabang ilong at pinaniniwalaang nagtataglay ng mga supernatural powers. Sila ay nagpuprusisyon mula Hie-jinja Shrine kung saan nakadambana ang guardian deity ng Tokyo na pinaniniwalaang tagapagbantay ng siyudad patungo sa Tokyo Station, Diet Building, Ginza at iba pang pangunahing lugar sa lungsod. Tumatagal ng halos 10 oras ang prusisyon na umaabot sa mahigit sa 600 metro ang haba.

Bukod sa Jinkosai, kaabang-abang din ang “Sanno Chinkasai,” isang purification ceremony na ginaganap sa Hie Shrine kung saan ang mga tao ay nagtutungo sa isang malaking bilog na hinabi gamit ang kawayan na pinaniniwalaang nag-aalis sa mga kasalanan na nagawa sa nakalipas na anim na buwan at nakapagbibigay ng swerte. Makakakita rin ng mga display ng mga bulaklak na nakaayos sa istilo ng Ikebana. Maaari rin makatikim ng masarap at espesyal na Japanese green tea. 

Ayon sa kasaysayan ang pagdiriwang ng Sanno Matsuri ay iniaalay para sa mga tagapamuno noong Edo period (1603-1867). Sa kasalukuyan, nag-aalay ng panalangin para sa Imperial Family. Noong 2012, nag-alay naman ng panalangin para sa mga naging biktima ng Great East Japan Earthquake.


Sa paglipas ng panahon, ang pagdiriwang ng Sanno Matsuri ay hindi na kasing grandiyoso noong Edo period upang hindi makaabala sa trapiko at komersyo. Kung dati’y aabot sa 40 floats ang pinaparada, iilan na lang ito sa kasalukuyan. Sa kabuuan ng pagdiriwang, maaaring makisaya sa iba’t ibang kaganapan na nagpapakita ng mayamang kultura at tradisyon ng mga Hapon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento