Martes, Hulyo 1, 2014

Top 5 Popular Musicals

Kung mahilig ang mga Pilipino sa panonood ng pelikula ay ganoon din naman sa mga itinatanghal na musicals. Isa sa mga dahilan ay ang malaking pangalang nilikha ni Lea Salonga na ngayon ay kilala at respetadong Broadway Star at iba pang Pilipino tulad ni Isay Alvarez at Rachelle Anne Go. 

Isang kakaibang sining ang pagtatanghal sa teatro – ibang disiplina, ibang paraan ng pagpapahayag ng kuwento. Ang musical theatre ay isang paraan ng theatrical performance kung saan pinagsasama ang pagkanta, pag-arte, at pagsasayaw. 

Simula pa noong sinaunang panahon ay mayroon nang pagtatanghal ng ganitong uri partikular na sa kagustuhan ng mga hari at reyna ngunit noong 19th century umusbong ang tinatawag na Wester musical theatre. Noong unang bahagi ng 20th century ay mas nakilala ito sa tawag na musicals.

Narito ang ilan sa popular Broadway (New York) at West End (London) productions, na naitanghal na ng mahigit sa 2,500 beses. Ang Broadway at West End productions ang pinakamalaki, pinakapopular na commercial theatre na pinagtatanghalan ng mga musicals.

1.Les Miserables

Base sa nobela ni Victor Hugo, ang Les Miserable o mas kilala sa tawag na Les Mis ang longest-running musical sa West End at pangalawang longest-running musical sa Broadway. Mahigit sa 10,000 beses na ito naitanghal at tuluy-tuloy pa rin ang produksiyon nito.  Kuwento ito ni Jean Valjean, isang magsasakang Pranses, na nakulong sa loob ng 19 taon dahil sa pagnanakaw ng tinapay para sa nagugutom na anak ng kanyang kapatid. Tumakas si Valjean para magsimula ng bagong buhay ngunit patuloy ang pagtugis sa kanya ng pulis na si Javert.

Nanalo ang Les Miserables ng walong Tony Awards, isa sa mga presitihiyosong award-giving body sa Broadway, kabilang na ang Best Musical at Best Original Score. Nitong 2012 ay ginawa itong pelikula na pinagbidahan ni Anne Hathaway, Russell Crowe at Hugh Jackman na tumabo sa takilya.

2.Miss Saigon

Isang musical na likha nina Claude-Michel Schönberg at Alain Boublil na hango sa opera na ginawa ni Giacomo Puccini na may pamagat na “Madame Butterfly.” Kuwento ito ng pag-iibigan sa pagitan ng isang babaeng Vietnamese at Amerikano sa Saigon sa kalagitnaan ng Vietnamese war.

Una itong itinanghal sa London noong 1989 at sa Broadway noong 1991. Dito sumikat si Lea Salonga na gumanap bilang bidang babae na si Kim.

3.Phantom of the Opera

Tungkol ito sa istorya ng isang misteryong henyo sa musika na nahumaling sa magandang dilag na isang soprano singer. Hango ang istorya ng Phantom of the Opera sa French novel na Le Fantôme de l'Opéra ni Gaston Leroux kung saan ang musika ay nilikha nina Andrew Lloyd Webber, Richard Stilgoe at Charles Hart.

Nagsimula itinanghal sa West End noong 1986 at sa Broadway noong 1988, naparangalan na ito sa Olivier Award at Tony Award. Ito ang pinakamatagumpay na musical sa kasaysayan na kumita na ng humigit-kumulang sa $5.6 bilyon at napanood na ng halos 130 milyong katao mula sa 145 lungsod ng 27 bansa, batay sa talaan noong 2011.

4.Cats

Isang musical na nilikha ni Andrew Lloyd Webber batay sa Old Possum's Book of Practical Cats ni T. S. Eliot, ito’y tungkol sa tribo ng mga pusa na tinatawag na Jellicles at ang gabi na gumawa sila ng “Jellicle Choice” kung saan nagdedesisyon sila kung sino ang aakyat sa Heaviside Layer upang mabuhay muli. Tumakbo ito sa West End sa loob ng 21 taon habang tumagal ang produksiyon nito sa Broadway sa loob ng 18 taon.

5.The Lion King

Ang The Lion King musical na hango sa animated film ng Disney noong 1994 na may parehong pamagat ang nagtala ng may pinakamataas na kita na umabot na sa hmuigit-kumulang sa $1 bilyon. 

Mayroong mga bahagi sa musical ang iniba mula sa pelikula tulad ng pagbabago ng kasarian ni Rafiki na ginawang babae at ang eksena na nagkaroo ng pag-uusap sa pagitan nina Mufasa at Zazu. Agad na naging matagumpay ang The Lion King nang una itong ipalabas sa Orpheum Theatre sa Minnesota noong 1997. Ganoon din ang naging pagtangkilik ng mga manonood ng una itong itanghal sa Lyceum Theater sa West End noong 1999 at sa kasalukuyan ay tuluy-tuloy pa rin ang produksiyon nito.

Naimbitahan din ang West End production na magtanghal sa Royal Variety Perfomance noong 2008 sa London Palladium kung saan ilan sa mga nanood ay miyembro ng British Royal family.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento