Linggo, Hulyo 6, 2014

Jiro Ono and his perfect sushi

Ni Florenda Corpuz

 
Jiro Ono. Kuha mula sa Magnolia Pictures

Kamakailan ay mainit na tinanggap ni Prime Minister Shinzo Abe si U.S. President Barack Obama nang bumisita ito sa bansa sa pamamagitan ng pagdadala rito sa Sukiyabashi Jiro, ang pinakamasarap na sushi restaurant sa buong mundo na ginawaran ng prestihiyosong three-star rating ng Michelin Guide.

Ang three-star Michelin rating ay nangangahulugan na sulit magtungo sa isang bansa para lamang kumain sa isang partikular na restaurant. 

Matatagpuan sa basement ng isang gusali sa subway station sa Ginza, ang Sukiyabashi Jiro ay 10-seat, sushi-only restaurant na naging popular sa mga lokal at dayuhang turista dahil sa TV show ni Anthony Bourdain na “No Reservations.” Lalo pa itong naging pamoso matapos ipalabas ang documentary film na “Jiro Dreams of Sushi” ni David Gelb.

Sa docu film, ipinakita kung paano inihahanda ang sushi sa nasabing restaurant mula sa masusing pagkuha ng mga sangkap sa Tsukiji Fish Market at mabusising paghahanda rito ng mga apprentices na mahigit 10 taon na pinag-aralan ang mga technique hanggang sa kanila itong maperpekto.

Sabay na ninamnam ng dalawang lider pati na rin ng kanilang entourage ang masasarap na sushi na inihain sa kanila ng 89-taong-gulang na si Jiro Ono, ang may-ari ng Sukiyabashi Jiro na tinaguriang “World’s Greatest Sushi Chef.” Pagkatapos ng hapunan ay hindi napigilang sambitin ni Obama ang mga katagang “best sushi I’ve ever had in my life.”

Dahil sa popularidad ng Sukiyabashi Jiro, may kamahalan ang presyo ng sushi na inihahain dito na aabot sa Y30, 000. Ito ay ang Chef’s Recommended Special Course na binubuo ng 20-piece sushi at inihahanda sa loob lamang ng lampas 20 minuto. Sadyang napakarami ng mga taong nagnanais na matikman ang perfect sushi ni Jiro Ono kaya naman kinakailangan magpareserba isang buwan bago ang nakatakdang pagbisita.

Isinilang si Jiro Ono noong Oktubre 25, 1925 sa Shizuoka at nagsimulang matuto ng paggawa ng sushi noong siya ay siyam na taong gulang pa lamang. Sa paglipas ng panahon, naperpekto niya ang paggawa nito kaya naman ngayon ay itinuturing siyang national treasure ng bansa.

Sa kasalukuyan, katuwang ni Jiro Ono ang kanyang panganay na anak na si Yoshikazu Ono at kanilang mga apprentices sa pagpapatakbo ng Sukiyabashi Jiro. Habang ang pangalawa naman niyang anak na si Takashi Ono ay ang siyang nangangasiwa sa kanilang Roppongi branch.

            Samantala, kumalat kamakailan ang kontrobersiya ukol sa isang Chinese student na nag-aaral sa Japan na hindi nagustuhan ang hilaw na sushi na inihanda rito. Nag-request ang estudyante na iluto ito na mariing tinanggihan nina Jiro Ono sapagkat ito ay taliwas sa kanilang nakagawian. Naayos din ang problema nang muling bumalik ang estudyante sa restaurant at personal na humingi ng paumanhin na tinanggap naman ng master sushi chef.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento