Martes, Hulyo 8, 2014

Parasailing Away!

Ni Herlyn Alegre

Ilan sa mga pinakapatok na beach activities tuwing summer ay ang surfing, snorkeling, scuba diving, helmet diving at kamakailan, unti-unti na rin nagiging popular ang cliff diving. Pero hindi lang mga water sports ang pwedeng pagkaabalahan tuwing summer. Para sa mga naghahanap ng bagong experience, magandang subukan ang parasailing.

Parasailing vs. Paragliding
           
Ang parasailing ay kilala rin sa tawag na “parakiting.” Nakasabit ang parasailers sa isang malaking parachute gamit ang harness. Ang parachute na ito ay especially designed para sa activity na ito at naiiba sa mga karaniwang ginagamit sa skydiving.

Naiiba rin ito sa paragliding dahil ang parasail ay hinihila ng isang sasakyan. May dalawang uri ng parasailing – aquatic at terrestrial. Sa aquatic, hinihila ang parasail ng isang speedboat o yate, habang sa terrestrial naman ay hinihila ito ng isang 4x4 jeep. Walang control ang parasailers sa kanilang parasail dahil ang may control sa pagtaas at pagbaba nito ay ang mga tao na nasa sasakyang humihila nito. Samantalang sa paragliding naman, may kakayahan ang paraglider na ikontrol ang taas, bilis at direksyon ng paraglide. Karaniwang pinalilipad ang parasail sa taas na 400ft-1200ft, samantalang umaabot naman sa 15,000ft ang paraglide.

Sa pagtake-off ng parasail, kailangan walang ibang bagay na nakasasagabal sa paglipad nito. Karaniwan itong ginagawa sa isang open space o sa gitna ng laot kung saan hindi masyadong malakas ang alon. Hindi nagiging stable ang pag-angat ng parasail kung nauuga ang bangka ng malakas ng alon. Samantalang, sa paragliding naman, kailangan itong gawin sa isang mataas na lugar tulad ng bundok kung saan may tamang lakas ng hangin.

Parasailing sa Boracay

Ang isa sa mga pinakakilalang lugar sa Pilipinas kung saan maaaring magparasailing ay walang iba kung hindi sa Boracay. Nagkakahalaga ng P1,500 bawat tao ang parasailing. Maaari itong gawin ng dalawa o tatlong tao ng magkakasabay. Sa una ay isasakay ang parasailers sa isang speedboat na magdadala sa kanila sa laot. Sa laot ay ililipat sila sa isa pang maliit na yate kung saan isusuot ang life vests, helmets at iba pang safety gear. Dito rin ikakabit ang kanilang mga harness sa parasail. At dito dahan-dahang paaangatin ang parasail hanggang sa maabot na nito ang gustong taas.  

Tips sa mga Mga Nais Sumubok mag Parasail

Sadyang nakakakaba talaga sa una ang pagpaparasail lalo na yung panahon kung kalian dahan-dahan itong itinataas sa ere. Pero hindi naman mabilis ang pagtataas na ito, mabagal at maingat itong ginagawa kaya ligtas naman. Ang sumusunod ay ilang tips para sa mga nais sumubok ng parasail:

  • l  Huwag titingin sa ibaba. Tumingin sa malayo at i-appreciate ang laot, ang mga isla, ang papalubog na araw, pero ‘wag na ‘wag titingin sa ibaba dahil siguradong magbibigay kaba at lula lamang ito.
  • Kumapit sa harness at mag-relax. Sa una lang naman nakakatakot ang pagpaparasail, pero kung nasa itaas ka na ay nakakarelax na ito. Presko ang simoy ng hangin at tahimik. Marami kang mga makikita at madidiskubreng mga bagay mula sa pagtanaw mula sa ibabaw ng dagat. May makikita kang mga lumulundag na mga isda, may mga taong kumakaway mula sa mga dumadaang pampasaherong barko, may magagandang isla sa malayo at marami pang iba.  
  • Magsama ng pamilya o malapit na kaibigan. Mas masaya kung may kasama kang kabahan, matakot, tumawa at tumingin sa ganda ng paligid. Mas nagiging maganda ang mga tanawin kung nakikita mo ito kasama ang mga taong mahalaga sa’yo.  


Parasailing sa Japan

Hindi lamang sa Pilipinas maaaring masubukan ang parasailing. Marami rin mga lugar sa Japan kung saan maaaring subukan ang parasailing, Okinawa ang pinakapopular dito. Tulad ng sa Pilipinas, maganda rin ang dagat sa Okinawa – malinaw ang tubig at maraming mga magagandang magkakalapit na isla. Pwede rin subukan sa Kanagawa, Chiba at Saitama ang parasailing. Mayroong mga package online na maaaring ipa-book ilang linggo bago ang planong pagpaparasail para hindi maubusan ng slots lalo na kung peak season.


Kaya ngayong summer, para maiba naman, isang magandang experience ang subukan ang parasailing. Hindi lamang ito isang bagong paraan ng pagtanaw sa paligid, kung hindi isang bagong paraan sa pagsalubong ng tag-init!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento