Martes, Pebrero 3, 2015

306 Pinoy nurses, caregivers patungong Japan sa Hunyo

Ni Florenda Corpuz


  Chargés d'affaires Amano with the candidates
 (
Kuha mula sa Embahada ng Japan sa Pilipinas)
Nasa 306 Pinoy nurses at caregivers ang inaasahang darating sa Japan sa Hunyo upang sumailalim sa Japanese language training.

Ang mga nabanggit na health workers ay miyembro ng ika-pitong batch ng mga trainees na sasailalim sa “Preparatory Japanese Language Training for Nurse and Certified Care Worker Candidates” sa Pilipinas at Japan sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement o JPEPA.

Nagsimula noong Nobyembre 11 ang pagsasanay ng mga trainees kung saan 203 sa kanila ang tinuturuan ng mga Hapon at Pinoy language teachers sa Language Skills Institute ng Technical Education & Skills Development Authority (TESDA) habang ang nalalabing 103 naman ay sa Nihongo Center Foundation, Inc. Sinasanay at itinuturo sa mga trainees ang mga pangunahing kaalaman na may kinalaman sa kultura at wikang Hapon.

Bibiyahe patungong Japan ang mga trainees sa Hunyo kung saan sila ay muling sasailalim sa anim na buwang Japanese language training.

Sinabi ni Charge d'affaires to the Philippines Tetsuro Amano na ang bilang ay mahigit 60 porsyento mas mataas kumpara noong nakaraang taon.

“More than 300 of you comprise the 7th batch. This is more than a 60% increase from last year. This eloquently signifies the increasing demand and expectation for Filipino nurses and careworkers in Japan,” pahayag ni Amano.

“I expect that more and more Filipino nurses and careworkers will work in Japan. I, myself, may be attended to by one of you in the future. So rest assured that the Japanese Government, in cooperation with the Philippine Government, will continue to support you,” dagdag pa nito.

Sasailalim sa tatlong taong on-the-job-training sa Japan ang mga Pinoy nurses at caregivers upang maging kwalipikado sa pagkuha ng Japanese Licensure Examinations kung saan sila ay bibigyan ng isang pagkakataon na maipasa ang pagsusulit na tanging paraan upang sila ay permanenteng makapagtrabaho sa bansa.

Samantala, aabot sa 41 nurses at 97 caregivers na ang nakapasa sa licensure examination ng Japan simula noong 2010. Nagsimulang tumanggap ang Japan ng mga Pinoy nurses at caregivers noong 2008 bilang bahagi ng Economic Partnership Agreement (EPA).

          


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento