Linggo, Pebrero 22, 2015

Manila Cathedral, tampok sa 66th Sapporo Snow Festival

Ni Florenda Corpuz 


Kuha mula sa DOT Tokyo
Sa kauna-unahang pagkakataon ay isang tanyag na landmark ng Pilipinas ang naitampok sa sikat na snow festival sa Hokkaido.

Kabilang sa mga atraksyon sa 66th Sapporo Snow Festival na ginanap noong Pebrero 5 hanggang 11 ang makasaysayang Manila Cathedral.

Ginamitan ng 220 10-ton trucks ang 13-metrong ice replica ng Manila Cathedral na itinayo sa tulong ng Self-Defense Force ng Japan sa Hokkaido, sa koordinasyon ng Philippine Tourism Board, Philippine Embassy in Japan at Hokkaido Broadcasting Co. (HBC) na siya rin nag-sponsor sa snow exhibit ng Pilipinas.

Ayon kay Sapporo City Mayor Fumio Ueda, napili nila ang Manila Cathedral dahil “it’s resilience symbolizes the resilience of the Filipino people.”

“The 400-year old historical structure had withstood both the test of time and the trials brought about by natural and man-made catastrophes,” saad pa ni Ueda sa ginanap na turn-over ceremony at opening ceremony ng HBC Philippine Square.

Sa isang pahayag na binasa ni DOT Undersecretary Benito C. Bengzon, Jr., pinasalamatan ni Tourism Sec. Ramon Jimenez, Jr. ang mga organizers ng snow festival sa pagbibigay ng pagkakataon sa Pilipinas na ipamalas ang isa sa mga magagandang atraksyon ng bansa.

“First time ever! Ice replica Manila Cathedral at Sapporo Snow Festival. What an honor. Mabuhay!” sabi pa ni Jimenez sa kanyang twitter.

Isa rin sa nagpatingkad sa Manila Cathedral snow sculpture ay ang Philippine folk dance performance ng Sindaw Dance Troupe. Pinatingkad pa ng HBC Philippine Square ang pagdiriwang sa pamamagitan ng booth kung saan iba’t ibang pagkaing Pilipino ang inihanda kabilang na ang adobo, sisig, kape at beer.

Isa pa sa mga atraksyon ay ang photo booth kung saan ang white sand beach ng Boracay ang background. Nakatanggap naman ng espesyal na regalo na VPY pouches with disposable heat pads ang mga bisitang nag-post ng litrato sa kanilang facebook account. Ipinakita rin sa malaking monitor ang pinakabagong “Visit the Philippines Year” (VPY) promotional videos.

Dumalo rin sa turn-over ceremony sina Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez at TPB COO Domingo Ramon Enerio.

Pangatlo ang Japan sa mga bansang may pinakamalaking foreign tourist arrivals sa Pilipinas. Umabot sa humigit kumulang 460,000 ang mga Hapon na bumisita sa bansa noong 2014.

“Various strategic promotional activities are lined up to dovetail the year-long calendar of exciting and fun events for the ‘Visit the Philippines Year.’ We believe that we will breach the 500,000 threshold of Japanese arrivals to the Philippines in 2015, thus, making the Philippines a major tourist destination for Japanese outbound travelers,” ani Philippine Department of Tourism Tokyo Attache Valentino Cabansag.

             


            

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento