Huwebes, Pebrero 5, 2015

Washoku: Traditional Japanese Cuisine as Cultural Heritage

Ni Florenda Corpuz

      Ang Ichiju-Sansai (rice, miso soup, mukou-zuke, yaki-mono, taki-awase) 
       ay pinagsaluhan ng mga dayuhang mamamahayag sa reception. 
       Ito ay inihanda ng Aoyagi, isang traditional Japanese restaurant.
           
“Food speaks volumes about a culture.”

Isa ang Japan sa paboritong destinasyon ng mga dayuhang turista sa buong mundo, patunay nito ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga turista sa bansa na umabot na sa mahigit sa 13 milyon noong 2014. Bukod sa hitik sa kasaysayan, mayamang kultura at magagandang lugar, atraksyon ng bansa ang masasarap na pagkain nito kabilang na ang “washoku” na kamakailan ay napabilang sa listahan ng UNESCO Intangible Cultural Heritage.

Kasaysayan ng Washoku

Nag-ugat ang kasaysayan ng washoku (traditional Japanese cuisine) kasabay nang pagpapakilala ng rice cultivation sa bansa.

Nagsimula ang paglilinang ng bigas dito bago matapos ang Jomon period, may 3,000 taon na ang nakakalipas. Sinasabing dinala ito sa Korean Peninsula mula sa Jiangnan region ng China at nakarating sa Kyushu. Pinapaniwalaan din na direkta itong nakarating sa Kyushu mula sa Jiangnan region ng China. May mga nagsasabi rin na ipinakilala ito sa Amami islands pagkatapos ay dinala sa Southern Kyushu mula China sa pamamagitan ng Miyakojima sa Okinawa. Mabilis itong kumalat sa buong bansa kung saan ang full-scale rice cultivation ay inumpisahan noong Yayoi Period o may 1,700-2,300 taon na ang nakakalipas, mula sa Northern Kyushu patungo sa Kinki, sunod sa Tokai, na bumagay at sumang-ayon sa klima at natural na kapaligiran ng bawat rehiyon sa bansa, maliban sa Hokkaido.

Katangian ng Washoku

May apat na katangiang taglay ang washoku. Una, ang paggamit ng sariwang sangkap at ang natural nitong mga lasa. Pangalawa, ang well-balanced at healthy diet. Pangatlo, ang paggalang sa kalikasan na makikita sa presentasyon nito. At ang huli ay ang koneksyon nito sa taunang kaganapan sa pamamagitan ng paggamit ng tradisyonal na kaalaman at kaugalian na malapit sa kalikasan.  

Bukod sa mga katangiang ito, binubuo rin ng tatlong pangunahing elemento ang washoku: ang lutong kanin (gohan) na nagsisilbing staple food, soup, side dishes at Japanese pickles. Ito ay karaniwang tinatawag na “Ichiju-Sansai” (a bowl of soup and three side dishes). Dahil palagi naman kabilang ang lutong kanin at Japanese pickles, hindi na ito sinama sa terminolohiya.

Kaugalian sa Pagkain

Ang paggamit ng mga chopsticks at tablewares tulad ng earthenware bowls at wooden soup bowls ay isa rin sa mga katangian ng washoku. Sinasabing ang tablewares na ginagamit sa washoku ang pinakakakaiba sa buong mundo kung saan iba’t ibang hugis ang ginagamit na ang iba ay hango pa sa hugis ng mga hayop o dahon, gamit ang iba’t ibang materyal tulad ng ceramic, kahoy, kawayan at salamin. Bihira o walang makikita na gawa sa metal.

Kadalasan ay makikita sa hapag kainan ang washoku tuwing ipinagdiriwang ang Bagong Taon. Naghahanda ng mga espesyal na pagkain ang mga tao na may magagandang disenyo gamit ang mga sariwang sangkap na may makabuluhang kahulugan. Natatangi rin ang lugar na pinagkakainan sapagkat nilalagyan nila ito ng dekorasyon na hango sa panahon tulad ng pag-display ng mga seasonal flowers.

Pinapalakas ng washoku ang relasyon ng bawat miyembro ng pamilya na sama-samang kumakain nito habang pinapahalagahan ang mga sangkap mula sa kalikasan.

Ang Washoku Bilang Isang Cultural Heritage

Noong Disyembre 2013 ay napabilang sa listahan ng UNESCO Intangible Cultural Heritage ang washoku sa ilalim ng pangalang “Washoku, traditional dietary cultures of the Japanese,” dahil sa mayaman nitong kasaysayan, kasama ang French, Mediterranean, Turkish at Mexican cuisines. Ipinagdiwang ito sa pamamagitan ng isang reception para sa mga dayuhang mamamahayag sa Tokyo.

Bilang paggunita rin sa unang anibersaryo nang pagkakatalaga ng washoku sa UNESCO Intangible Cultural Heritage, gaganapin ang WASHOKU-DO: The World Japanese Cuisine Show sa iba’t ibang lugar sa Kyoto mula Enero 30 hanggang Pebrero 1.

Inaasahan na ang pagkakabilang ng washoku sa prestihiyosong listahan ay magiging daan upang  ito ay mas makilala at kalaunan ay ituring na global food, makadagdag sa interes ng mga dayuhang turista sa pagkaing Hapon, at sa Japanese rice bilang pundasyon ng Japanese dietary cuisine.



           

           



           


             

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento