Lunes, Pebrero 2, 2015

Libreng Wi-Fi sa 143 Tokyo subway stations, sinimulan na

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa Tokyo Metropolitan Bureau of Transportation at Tokyo Metro Co., Ltd.


Tokyo, Japan – Bilang bahagi ng paghahanda para sa darating na 2020 Tokyo Olympics and Paralympics, nagsimula nang magbigay ng libreng wi-fi service ang Tokyo Metropolitan Bureau of Transportation at Tokyo Metro Co., Ltd. sa 143 subway stations sa lungsod simula Disyembre 1.

Kabilang sa mga wi-fi spots ang 35 istasyon sa apat na Toei subway lines at 108 istasyon sa siyam na Tokyo Metro subway lines na kadalasang ginagamit ng mga dayuhang turista na bumibisita sa lungsod.

Inilunsad ang programa kasunod ng reklamo ng mga dayuhang turista hinggil sa kawalan ng maayos, mabilis at libreng internet access.

Maaaring gamitin ang libreng wi-fi service sa pamamagitan ng pag-download ng mga users ng “Japan Connected-free Wi-Fi” app sa kanilang mobile devices. Ire-rehistro nila rito ang kanilang valid email address at magkakaroon na sila ng tatlong oras na libreng wi-fi access bawat session kahit ilang beses sa isang araw.

Bukod sa mga subway stations, maaari rin ma-access ang libreng wi-fi sa humigit- kumulang 90,000 access points kabilang na ang 1,452 Toei buses na una nang nagpatupad sa serbisyo noong Marso 2014.


Ayon sa JTB Corp., isang travel agency sa bansa, tinatayang aabot sa 15 milyong dayuhang turista ang papasok sa bansa ngayong 2015 dahil sa mas pinadaling pagkuha ng visa at mahinang palitan ng yen. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento