Martes, Pebrero 3, 2015

Japanese mascot na si ‘Kumamon,’ kinilala sa Hollywood

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Dentsu Public Relations
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakatanggap ng parangal ang isang Japanese mascot sa Amerika.

Nanalo si Kumamon, ang mascot ng Kumamoto prefecture, sa prestihiyosong 2014 WOMMY Awards na ginanap sa Loews Hollywood Hotel, Hollywood, U.S.A. kamakailan.

Tinanggap ni Kumamon ang bronze award sa kategoryang Engagement Award para sa proyektong “Where are my cheeks?” ng Kumamoto Prefectural Government. Ito ang unang pagkakataon na nakatanggap ang isang kumpanyang Hapon o organisasyon ng WOMMY Award.

Ang WOMMY Awards ay nagsimula noong 2006 at pinamumunuan ng WOMMA (Word of Mouth Marketing Association), ang opisyal na trade association para sa word of mouth at social media marketing na sinimulan naman noong 2004.

Pinagbidahan ni Kumamon ang kampanyang “Where are my cheeks?” kung saan nagising na lamang siya isang araw na nawawala na ang kanyang trademark na rosy red cheeks. Makalipas ang tatlong araw na paghahanap dito ay napagtanto niyang nahulog ang mga ito dahil sa labis na pagkain niya ng kulay pulang pagkain ng Kumamoto.

Isinagawa ang proyekto upang i-promote ang brand image ng “Kumamoto-no-aka” (red prefecture) na umani ng mahigit sa 280,000 views sa internet. Nakatanggap na rin ito ng 16 na parangal mula sa Japan at sa abroad.

Ang Kumamoto Prefecture, sa south-western island ng Kyushu, ay kilala bilang pangunahing food producer ng bansa, lalo na ng mga red-colored food tulad ng kamatis, strawberry, water melon at beef. Bukod dito ay kilala rin ang mga tao sa lugar sa kanilang leadership, hospitality at passion.

Sinusubukan ng lokal na pamahalaan na ipakilala bilang red prefecture ang lugar dahil mas kilala ito sa kulay berde. Dahil sa mga kampanyang isinagawa noong Oktubre 2013 sa tulong ni Kumamon, napalitan ng kulay pula sa brand consciousness ng mga tao ang Kumamoto prefecture. Tumaas din ng 10 porsyento ang brand sales ng rehiyon kumpara noong 2012.

Sa kasalukuyan, si Kumamon ang pinakamatagumpay na export ng lugar na napapansin na rin ng international media tulad ng The Guardian at Wall Street Journal.

Isa na ngayon si Kumamon sa pinakasikat na Japanese mascot simula nang siya ay ilunsad bilang bahagi ng prefectural tourism promotion campaign noong Marso 2010.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento