Ni
Florenda Corpuz
Gagawaran ng Fukuoka Prize 2019 award si Prof. Randy David sa gaganaping award ceremony sa Fukuoka City sa darating na Setyembre. |
Gagawaran ng parangal ng
Fukuoka City ang pamosong sociologist mula sa Pilipinas na si Prof. Randolf
“Randy” David.
Nakatakdang tanggapin ni
David ang Grand Prize, isa sa tatlong parangal na ibibigay ng Fukuoka Prize
2019, sa gaganaping award ceremony sa Fukuoka City sa darating na Setyembre.
Siya ang kauna-unahang
Pilipino na makakatanggap ng pinakamataas na pagkilala ng Fukuoka Prize simula
nang ito ay itatag noong 1990 na layong kilalanin ang mga natatanging ambag ng
mga indibidwal, grupo at organisasyon para pangalagaan at itaguyod ang mga
natatangi at magkakaibang kultura ng Asya.
Ayon sa Fukuoka Prize
2019, napili bilang Grand Prize laureate si David dahil siya ay “a dynamic part
in achieving social justice in the Philippines by sharing his knowledge not
only with the students through his university lectures but also more widely
with the general public through TV programs and newspaper columns.”
Kinilala rin siya dahil sa
kanyang pagsisikap “for intellectual and cultural exchanges and mutual
understanding among Asian countries through cooperative links with the United
Nations University and Japanese university lecturers and intellectuals.”
Bukod kay David, kikilalanin
din ang kontribusyon ng historian na si Leonard Blussé ng The Netherlands
(Academic Prize) at Japanese playwright at stage director na si Sato Makoto
(Arts and Culture Prize).
Si David ay professor
emeritus of sociology sa University of the Philippines. Isa rin siyang newspaper columnist.
Kabilang sa mga
Pilipinong ginawaran ng Fukuoka Prize ay sina Leandro Locsin (architect),
Marilou Diaz-Abaya (filmmaker), Reynaldo C. Ileto (historian), Kidlat Tahimik
(filmmaker) at Ambeth Ocampo (historian).