Linggo, Oktubre 6, 2013

Pork barrel sa mata at karanasan ng mga Filipino sa Japan


Ni Cesar Santoyo

Magsasampung taon-gulang pa lamang yata ang magkambal na batang lalaki na si Kun-kun at Mai-mai ng dumating sa Nishi-Kawaguchi, Saitama-ken mula sa Davao City. Buo ang kagalakan ng buong mag-iina na nakarating sa Japan para hanapin ang Japanese na ama ng kambal at simulan ang panibagong pamumuhay sa bansa.

“Kuya! Parang Ateneo de Davao ang eskwelahan namin!” Ito ang bati ni Mai-mai sa akin na puno ng kagalakan sa malaking pagbabago sa buhay makaraan silang matanggap sa paaralan. “Ang ganda ng mga kuwarto… ang ganda ng building, may malaking laruan ng basketball, soccer... public school ito, kuya? Bakit ang ganda rito? Sana mayroon din ganyan sa Davao.”

Malamang ay narinig na rin ninyo ang ganitong katanungan ni Mai at ni Kun at siguro ang naisagot rin ninyo ay dahil ang mga buwis na ibinabayad ng tao ay ibinabalik sa mamamayan sa pamamagitan ng mahusay na pampublikong serbisyo. Kaya maganda ang mga paaralan, libre ang pag-aaral hanggang junior high school, may libreng pagpapagamot at marami pang iba.

Napag-usapan din namin ng ina ng kambal ang suporta ng gobyerno sa mga single mother na kabilang din ang mga Pinay na nakakatanggap ng “seikatsehogo,” na ang seikatsehogo ay na mula sa buwis ng mga mamamayan. Kasama rin sa napag-usapan ang kaibahan ng halaga ng mga natatanggap na seikatsehogo o suporta ng gobyerno sa mga single mothers halimbawa sa lugar ng Kawaguchi at Toda. Mas malaki noon ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Toda kaysa Kawaguchi na kahit parehong sakop ng Saitama prefecture ay magkaiba ang patakaran at kakayanan. Ibig sabihin nito, ang lokal na pamahalaan ay may partisipasyon sa pagdedesisyon sa usapin ng pondo ng bayan.

Bilang mamamayan na nagbabayad ng buwis at saksi ang ating karanasan sa nalalasap na magandang pampublikong serbisyo sa Japan, madali na nating makita kung alin ang tama at mali sa circus na nangyayari sa Pilipinas sa ngayon. Ito ay ang “Pork Barrel Scam” na kinasasangkutan nila Janet Napoles, mga senador, kongresista, ilan pang opisyal ng gobyerno, at mga pekeng NGO na lubhang ikinagalit ng mga mamamayan. Ang trahedya ng istorya ay ang pagdambong ng Php10 bilyon na pondo na dapat ay ginamit sa pampublikong serbisyo subalit nawawala.

Noon ang paglalaan ng pondo galing sa pork barrel ay sa pamamagitan ng deliberasyon at pag-apruba ng Kongreso at Senado. Nagsimulang gamitin ang Country Side Development Fund sa panahon ng dating Pangulong Cory Aquino. Ginamit ng dating Pangulong Arroyo ang pork barrel na panuhol sa mga mambabatas para mapanatili ang puwesto sa MalacaƱang. Ipinagpatuloy ng kasalukuyang Pangulo Noynoy Aquino ang pamimigay ng pork barrel sa mga mambabatas kung saan sa panahon ng 15th Congress ay itinakda ang patas na halagang Php70 million kada taon sa lahat ng kongresista at Php200 million sa lahat ng senador.

Ang dahilan, ayon sa Budget Secretary Butch Abad, ay para maalis ang inggitan sa pagitan ng mambabatas dahil bago pa man magbukas ang 15th Congress ay iba-iba na ang halagang nakukuha. Kaya isa sa naging resulta ng pagbibigay ng pork barrel sa mga mambabatas ay ang malakihang sindikato kagaya ng ginawa ng mga akusadong tambalang Napoles at mga kakuntsaba nito sa Kongreso na sa natambad na operasyon ay wala ng makakarating bilang serbisyong pampubliko.

May eksena rin na may di-direktang ugnayan ang pork barrel scam sa Japan na sana naman ay maging aral na rin sa atin kung papaano makitungo sa mga pulitko. Sigurado akong naaalala niyo pa, lalo na ang mga nasa Tokyo, ang panawagan noon ng dating Pangulong Arroyo na tumulong ang mga Filipino community sa Japan na lumikom ng pondo para ipagpatayo ng classroom para sa mga batang walang silid-aralan sa Pilipinas.

Masigla, dedikado at talagang ipinamalas ang ispirito ng bayanihan ng mga Filipino community para makalikom ng pondo at nakapagpadala naman ng halaga para sa pagpapatayo ng silid- aralan. Pero sa bandang huli, ang dating pangulong Arroyo mismo ay kinasuhan ng plunder. Ibig sabihin din nito na ang mga pulitiko na nagpapapogi points na may malaking pork barrel at ayaw itong mabawasan ay sa atin pang mga kayod-kalabaw na mga migrante ang ginagawang gatasan imbes na ilaan nila ang kanilang pork barrel sa serbisyong pampubliko.

Sa ngayon, sa pamamagitan ng palabas na ‘Pork Barrel Circus’ sa Pilipinas ay mas masusi nang masasagot ang mga katanungan ni Mai-mai at Kun-kun kung ano ang kadahilanan ng kahirapan ng mga tao sa Pilipinas. Walang sistemang pork barrel -- Philippine style -- ang mga mambabatas ng Japan. At “ang daang matuwid” dito sa Japan ay hindi ginagamit ang pondo ng bayan para mahawakan ng pinuno ng bansa at bigyan pabor ang mga kongresista at senador at saka na lamang ang interes ng sambayanan.
   

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento