Miyerkules, Oktubre 9, 2013

Shin-Okubo: The ‘Seoul’ of Tokyo


Ni Oliver Corpuz

Kuha ni Din Eugenio

Hindi kalayuan sa Kabukicho, ang kilalang entertainment at red district sa lungsod ng Shinjuku, ay matatagpuan ang pinakamalaki at pinakasikat na Koreatown sa Tokyo – ang Shin-Okubo. 

Pagbaba sa Shin-Okubo Station sakay ng Yamanote Line ay kaagad na makikita ang Shin-Okubo Koreatown dahil sa mga naglalakihang signage na nakasulat sa Hangul. Ayon sa mga residente ng lugar, nagsimulang bansagan na Koreatown ang Shin-Okubo nang sabay na i-host ng Japan at South Korea ang 2002 FIFA World Cup. 

Aabot sa 12,000 rehistradong Korean immigrants ang namimirmihan ngayon sa Shinjuku kaya hindi nakakapagtakang dito matatagpuan ang pinakamalaking Koreatown sa Tokyo at marahil ay sa buong Japan. Bukod sa Shin-Okubo, may Koreatown din sa Osaka at iba pang lugar ngunit hindi sinlaki nang sa Shin-Okubo. 

Hindi na bago ang pananatili ng mga Koreans sa Japan. Sa katunayan, sila ay pangalawa sa pinakamalaking ethnic group sa bansa kasunod ng mga Chinese. Panahon pa lamang ng giyera (1910-1945) ay marami nang Koreans ang nagtungo sa bansa. Nadagdagan pa ang kanilang bilang nang alisin ng South Korea ang paghihigpit sa pagbiyahe noong 1980s kung saan nakakaranas naman ng kakulangan sa manggagawa ang Japan. Lalo pa silang dumami nang buksan ng Japan ang pinto para sa mga exchange students.

Nagsimulang umunlad ang kalakalan sa Shin-Okubo Koreatown noong 1990s  at tumuluy-tuloy hanggang ngayon dahil sa popularidad ng South Korean culture sa Japan. Nag-ugat ito nang maging hit sa bansa ang pelikulang “Shuri” at dramang pang-telebisyon na “Winter Sonata” o “Fuyu no Sonata” na sinundan ng pagsikat ng mga K-POP bands. Maraming mga tagahanga ang nagtutungo sa lugar dahil sa kagustuhan nilang bumili ng mga souvenirs at collectible items ng mga paborito nilang artista.

Nagkalat sa main road at side streets ng Shin-Okubo Koreatown ang mga Korean stores, bookstores, drugstores at novelty shops na dinarayo ng mga turista mula sa iba’t ibang sulok ng bansa. Makakatikim din ng mga authentic Korean food tulad ng kimchi, barbecue at tteokbokki sa mga restaurants na nandito.

Higit sa K-POP at Korean culinary delights, ang Shin-Okubo Koreatown ay kumakatawan sa masaya at buhay na buhay na kultura ng mga Koreans. Sa lugar na ito ay malaya nilang naipapahayag ang kanilang mga sarili, malayo man sila sa kanilang sariling bansa. 



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento